Kailan ba ikakasal sina Joem Bascon at Meryll Soriano?
Ito ang naging tanong ni Joem galing sa kapatid ni Meryll na si Kei Soriano nang mag-guest si Joem sa vlog ni Meryll na Dear Mama Meme ngayong Linggo, June 19.
Ito ang unang pagkakataong nagpaunlak ng interview si Joem kay Meryll sa kanyang YouTube channel, kung saan pinag-usapan nila ang pagiging first-time dad ni Joem sa anak nilang si Gido, na ngayon ay one year old.
Nang patapos na sila ay pumasok si Kei para magtanong ng last question.
Pauna pa niyang sabi kay Joem, “Ginising ako ni ate for this, ‘no! Ready ka na ba sa question?”
Bato ni Kei kay Joem, “Kailan daw kayo ikakasal?”
Makikitang nangiti subalit nahiya si Meryll nang marinig ang tanong.
Sigaw niya, “Oh my God! Ano ba iyan! Huwag iyan!”
Maikling sagot naman ni Joem sa tanong, “In time, yes.”
Habang sinasagot ni Joem ang tanong ay nagtakip ng tainga si Meryll at sinabing, “Ayoko marinig! Gusto ko surprise!”
Tugon dito ni Joem, “Surprise pa rin naman talaga siya.”
Natatawa namang sabi ni Meryll sa camera, “Gusto mo yung girl na girl ako doon?”
Tinawag naman niya si Gido na nandoon din kung saan naganap ang interview.
Biro ni Meryll, “Halika dito, pinapanuod mo ako, ang landi ng mama mo! Tama na, ayoko noon!”
Patuloy naman ni Joem, “Kapag ano na, okay na ang lahat. At saka isa rin yun, e, kapag plinlano mo, hindi naman nangyayari. Minsan nangyayari na lang.”
Nang pumasok si Gido sa kanilang set, biro ni Joem, “Di ba, baby boy? Bilhan mo ako singsing, dali!”
Nagpasalamat naman si Meryll sa pagiging mabuting ama ni Joem hindi lang kay Gido kung hindi sa panganay na anak ni Meryll na si Eli.
Si Eli, 14, ay anak ni Meryll sa aktor at ex-boyfriend niyang si Bernard Palanca.
Unang naging magkasintahan sina Joem at Meryll noong 2018 nang magkasama sa teleseryeng I Love Betty La Fea, pero naghiwalay din sila noong 2010 noong lumipad si Meryll sa London para mag-aral ng Industrial Design.
Taong 2019 nang magkasama silang mula sa teleseryeng Starla at pelikulang Culion. Sa parehong taon ay nagkaroon ng bulung-bulungang nagkabalikan ang dalawa.
Noong panahong iyon ay nanatiling tikom ang bibig nina Meryll at Joem para kumpirmahin ang balita.
Kinumpirma nila ang pagbabalikan nila noong January 1, 2021, kung saan una ring ipinakilala ni Meryll si Gido sa pamamagitan ng isang Instagram post.
HAVING GIDO IN THEIR LIFE
Isa sa mga naging katanungan kay Joem ay kung kailan niya nalaman na handa na siyang magkaanak.
Dito nagbalik-tanaw si Joem sa naging pag-uusap nila ni Meryll noong mga panahong nagsisimula pa lang sila ulit bilang magkarelasyon.
Akala raw ni Joem noon ay wala nang balak magkaanak si Meryll sunod kay Eli, na tinatawag din nilang Boo.
Ani Joem, “Hindi ko alam noong una kasi akala ko siguro, hindi ko lang talaga natanong si Meme personally noong mga panahong nagsa-start kami kung gusto niya pa magkaroon ng baby.
“Akala ko talaga si Boo na lang, si Eli na lang yung pinaka-last na parang hanggang doon na lang.
“Pero noong nag-usap kami one time sa isang guesting namin sa isang movie namin, wala, hindi ko rin ma-explain yung feelings ko noong sinabi niya sa akin kung gusto ko raw ba magka-baby.
“Gusto kong magka-baby pero siyempre, iniisip ko noong panahon na yun, yung time na yun, age ni Meme, one.
“Pangalawa is nagsisimula pa lang kami uli after ilang years na hindi kami nagkasama.”
Subalit lahat daw ng pag-aalangan niya ay nasagot ni Meryll.
Patuloy ni Joem, “Nasagot ni Meme lahat ng mga katanungan ko doon sa sinabi niya lang sa akin na kung gusto mo bang magka-baby and sobrang saya ko nun, parang sinabi niya, nagtatatalon daw 'ata ako noon.”
Kantiyaw naman ni Meryll sa kanya, “Ata? Ata? Hindi mo alam? Huwag kang ano diyan!”
Habang natatawa, inamin na rin ni Joem na talagang nagtatatalon siya at agad niyang kuwinento sa kanyang mga kaibigan na gusto ni Meryll na magka-baby.
Dagdag pa ni Joem, “Kasi hindi namin plinan na magka-family, e, kasi family na tayo, e.
“Parang buo na yung family namin pero to add one very kulit little boy ngayon, hindi namin napag-usapan. Basta sabi namin, sige, gusto naming magka-baby.”
GIDO IS THEIR LAST
Para kay Joem, “mahirap na masarap” ang pagiging tatay.
At sa kabila ng kakulitan ni Gido, at kahit “sobrang hirap” maging first-time dad, gusto ni Joem at Meryll na i-savor ang mga moments na ito kasama ng kanilang anak.
Lalo pa’t, sabi ni Meryll, baka ito na raw ang huling beses na ma-e-experience nilang magpalaki ng toddler dahil hindi na nila balak sundan si Gido.
Paliwanag ni Meryll, “Kaya siguro hiningi ko rin kay Papa Joem, kaya nagpapasalamat din ako sa ‘yo, kasi alam kong mahirap yung hiningi ko sa ‘yo na, ‘Puwede bang huwag muna ako mag-work?’
“I guess dahil alam ko na rin na last na natin to, di ba? Tama ba?
“Last na namin ito so hindi ko na ito ever mababalikan or mae-experience ulit so parang ang sarap sarap namnamin, di ba?”
