Bakas sa mukha at mga salita ng Kapuso actress at O/C Records Vice President na si Chynna Ortaleza kung gaano nito ipinagmamalaki bilang isang ama ng dalawang anak nila ang asawang si Kean Cipriano.
Bukod sa pagiging lead vocalist ng bandang Callalily, si Kean ay isa ring aktor at tumatayong CEO at president ng sarili nilang recording at management company.
“Sobrang solid niyang tatay,” mabilis niyang sagot nang tanungin ito kung kumusta bilang isang tatay si Kean.
“Siguro… nakita ko naman before, friends nga kami.
"Nag-uusap kami. Friends, guys ha? Yung parang, ‘Oy, gusto mo bang magka-baby?’ Talagang wala pa kaming relationship niyan.
“Sabi ko, 'Sa ‘yo?!?’ 'Tapos, sabi niya, ‘Oo! Sa akin.’
"Sabi ko, 'Puwede, puwede…'
"Ganun lang kasi kami ka-casual, happy-happy lang kaming talaga. Sobrang cool lang ng relationship namin.
“Pero may nagsasabi na sa akin na magiging maayos siyang daddy. Pero noong nakikita ko na siya in action, actually, doon na-in-love ang nanay ko sa kanya.”
Natatawang kuwento pa ni Chynna, “Kasi noong una talaga, siyempre, alam niyo naman ang reputation ni Kean, di ba?
“Yung nanay ko, medyo alangan! Pero sabi niya, noong nakita na niyang inaalagaan si Stellar, pati si Salem, 'tapos kung paano rin niya ako alagaan noong nawala si Papa, sabi niya, na-in-love na siya sa son-in-law niya.
“Wala, wala akong masasabi… napakaayos niyang tatay.”
CHYNNA ON SECRET TO SOLID RELATIONSHIP WITH KEAN
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Chynna sa naging 4th anniversary celebration ng O/C Records sa Turn Over Lounge, Katipunan Ave., Quezon City noong June 15.
Naitanong din kay Chynna kung ano raw ang sikreto nilang mag-asawa dahil sa nakikitang pagiging mas matatag pa ng pagsasama nila.
“Friendship,” saad niya.
“It’s really rooted in the friendship, e. Before it became romantic, we were friends. So, yun lang talaga, magaan lang kami.”
Sabi pa niya, “Siyempre, nag-aaway kami pero kaya naming pagaanin ang mga bagay-bagay. Plus, pareho kaming… I think, sa amin, nagwu-work yung creative relationship.
“Kasi, naiintindihan namin ang topak ng isa’t isa. Malakas ang topak ko, malakas din ang topak niyang talaga. So, kapag may pumuputok, thankfully, hindi pa naman umaabot sa sabay.
“So, kapag may isang pumuputok, hinahayaan lang na 'sige, express mo lang din.' Saka, constant communication, constant kabaliwan lang kami.
“We create everyday,” sabi pa niya.
“Yung slogan pa namin noong nagpakasal kami, ‘Till Death We Do Art,’ minsan nagdyu-joke na kami.
"Kasi nga, kapag nabi-busy kami sa O/C… 'Ginusto mo ‘to, di ba? ‘Wag kang magalit,'” natawang sabi niya.