Kung maraming relasyon na nabuo sa loob ng showbiz ang nauwi sa hiwalayan, patunay ang mag-asawang Jessa Zaragoza, 43, at Dingdong Avanzado, 53, na may ilan ding pagsasamang nananatiling matatag sa paglipas ng panahon.
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ibinahagi ni Jessa kung bakit naging matagumpay ang dalawampu't isang (21) taon nilang pagsasama ni Dingdong.
Saad niya, "Basic lang naman talaga, love, respect is very important, and maging malinaw yung role ng bawat isa sa marriage.
"Sabi ko nga, team kami, hindi kami nagsasapawan ng role. Very important yun, malinaw, pilot siya, co-pilot ako.
"Importante ang isa't isa. Tulungan dapat, hindi nagko-compete.
"Saka pag nirerespeto mo ang isang tao, dun papasok ang loyalty. Siyempre kailangan talaga mas may mataas sa iyong dalawa."
Mahalaga rin daw ang pagkakaroon ng relasyon sa Diyos.
"Mayroon kayong sinusundang dalawa na Panginoon, lalo na sa buhay nating ito na nasa showbiz tayo, napaka-complicated.
"Pero showbiz man o kahit di showbiz, napakaraming tukso ngayon. Sa social media nga lang, sa Facebook...
"Iba na talaga ang mundo ngayon."
MORE THAN TWO-YEAR STAY IN THE U.S.
Nanirahan sina Dingdong at Jessa, kasama ang anak na si Jayda, sa Amerika sa loob ng dalawang taon bago nila napagdesisyunang bumalik muli sa bansa.
Kuwento ni Jessa, "Siguro mahigit dalawang taon din na straight. Yung plano naman kasi talaga nun, kukunin lang namin yung status namin dun.
"Tumira kami dun, [para] maging resident ng America, yung iba pang mga bagay na gusto naming i-set up.
"Kumbaga, in-avail namin yung in-offer sa amin ng lawyer namin, yung special visa na ibinigay sa amin, para later on pag gustong gamitin ni Jayda.
"Kung gusto niyang tumira dun, or gusto niyang mag-aral, mas mayroon siyang opportunity. Ngayon nga, mas nagagamit niya yun, nakakatuwa naman."
Ano ang adjustment niya habang nasa U.S.?
"Pero siyempre, kahit ano ang mangyari, nami-miss mo pa rin ang Pilipinas. Saka siyempre may pagbabago.
"Iba ang buhay-Amerika. Masaya din naman pero siyempre may mahirap din na part lalo't lahat ng mga gawain dun ikaw ang gagawa.
"Mayroon naman akong mga kaibigan dun na talagang tumutulong, kumbaga yung support group namin dun strong naman.
"Kaya lang siyempre nami-miss mo kapag mayroon kang mga personal assistant talaga."
jessa PROUD MAMA to jayda
Kuntento sa kanyang buhay maypamilya, masayang nagkuwento si Jessa tungkol sa anak na si Jayda, 19.
Sabi ni Jessa, "Heto, masaya naman ang buhay kasama ang aking asawa si Dingdong saka siyempre si Jayda.
"Very happy bilang nanay na nakikita ko na ginagawa niya ang nakaka-happy sa kanya, yung singing career niya, I feel blessed."
Nakikita ba niyang napi-pressure ang anak sa kaalamang parehong artista ang mga magulang nito?
"Yung pressure siguro kahit na kaninong anak na nasa showbiz ang mga magulang, parang given na yung pressure.
"Pero sabi nga ni Jayda, yung pressure na yun parang ginagamit niya sa positibo. Mas pinagbubutihan pa niya at yun ang inspiration niya para mas gawin niyang tama yung pag-hone ng craft niya."
Payo raw ni Jessa sa anak: "The usual, maging professional sa kanyang career, respeto sa mga kasama mo sa industriya, respeto sa oras.
"Maging sinsero sa lahat ng ginagawa niya, kasi yung mga opportunities dapat lagi kang maging grateful."
Proud na proud din si Jessa nung nanalo ang "Paano Kung Naging Tayo," music video na idinirek ni Jayda, as Best Music Video sa Sunday's International Film Festival Manhattan 2021.
"Nakakatuwa naman na nasusubaybayan ko ang lahat ng success na nangyayari sa kanya. Yung ibang mga projects niya, mga endorsements niya, nakakatuwa.
"Nag-e-enjoy naman siya so far sa mga ginagawa niya."
JESSA'S LOVE ADVICE TO JAYDA
Nang tanungin namin kung handa na ba sila ni Dingdong kung saka-sakaling pumasok na sa pakikipagrelasyon ang anak, sagot ni Jessa:
"Honestly, parang sa ngayon hindi pa nandun ang utak niya, e. Very busy siya sa career niya saka di naman talaga siya naghahanap.
"Pero sabi nga, darating sa tamang panahon. Mayroon din namang mga ano... di ko puwedeng sabihin yung mga nakikipagkaibigan sa kanya."
Ginagabayan naman daw ni Jessa ang anak.
"Siyempre, binibigyan ko siya ng payo na mas maganda na kikilalanin niya munang mabuti yung tao.
"Huwag magmadali, saka yung time importante, mas maganda kung mas mahaba na panahon na mas makilala mo yung pagkatao ng human being na yun bago pumunta sa next level ng relationship.
"Saka know your priorities din. Dapat yung tao na yun will bring out the best in you. Di yung makakaapekto sa iyo o sa trabaho mo."
Hindi raw isyu para kay Jessa kung taga-showbiz o hindi ang manliligaw sa anak.
"Honestly, kahit ano, basta someone na maiintindihan yung nature ng work niya kasi ganun din naman yun.
"Minsan sinasabi nga nila, pag both nasa showbiz, puwede kayong magkaroon ng competition. Kapag hindi naman nasa showbiz, baka hindi sila magkaintindihan.
"Dun ka dapat sa gitna, na susuportahan ka kung ano ang nature ng trabaho mo at magiging masaya sa success na matatamo mo."
ON WHAT KEEPS JESSA AND DINGDONG BUSY
Nanggaling sa America kasama ang kanyang mag-ama nung Marso 2021 para sa Revelation: The US Tour. Masayang pagkukuwento ni Jessa, mainit ang naging pagtanggap sa kanila ng mga kababayang Filipino doon; at maaring magkaroon ito ng second leg sa darating na Setyembre 2022.
"Nakakatuwa, very successful yung naging U.S. tour namin. Hopefully, matuloy na yung second leg sa September.
"Sobra ang pagtanggap, nakakatuwa kasi ramdam na ramdam mo na sabik na sabik ang mga tao sa live show kasi siyempre iba pa rin yung show na talagang face to face kaysa yung online lang.
"Kami rin yung first Filipino show na, kumbaga, nag-live show after ng pandemic.
"Sa States kasi, mas open na sila. Wala nang mask, although may mga ibang lugar na hindi na required ang mask.
"Yung iba naman choice mo kung gusto mong mag-mask. Very ano na sila dun, normal na ulit."
Regular na napapanood sa TV5 show na Sing Galing sina Jessa at Dingdong. Bagay na labis na ipinagpapasalamat ng singer dahil naibigay sa kanila ang proyekto sa kalagitnaan ng pandemiya.
"Yung Sing Galing, malaking blessing sa amin ni Dingdong yun kasi dumating yun nung time ng pandemic.
"Parang sabi nga namin, kung kailan nagkaroon ng ganito, ng pandemya sa mundo, kaya very grateful kami na nagkaroon pa rin kami ng trabaho, tapos yung trabaho na gustung-gusto mo pa.
"Naging 'Juke Boss' kami, kumbaga resident judges. Si Dingdong Juke Boss siya sa celebrity edition, ako naman sa regular edition," sabi ni Jessa.
