Inulan ng batikos si Ella Cruz dahil sa paghahalintulad niya sa "history" na para lamang daw itong "tsismis" na posibleng may dagdag-bawas kapag napapakalat sa mga tao.
Mariing inalmahan ito ng netizens na nagpaalala kay Ella na malaki ang pagkakaiba ng dalawa dahil ang history ay based on facts habang ang tsismis ay walang lehitimong katibayan.
Nag-ugat ito sa pahayag ni Ella sa quote card na inilathala ng The Philippine Star noong Sabado ng hapon, Hulyo 2, 2022.
Tinanong si Ella kung ano ang aral na natutunan niya bilang bahagi ng cast ng Maid in Malacanang, ang pelikula ng Viva Films na dinirehe ni Darry Yap.
Isasabuhay sa pelikula ang karanasan ng pamilya Marcos noong huling tatlong araw sa puwesto ng yumaong diktador at Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Si Ella ay gumanap bilang Irene Marcos, isa sa mga anak ni Marcos Sr.
Sabi ni Ella: "History is like tsismis. It is filtered and dagdag na rin, so, hindi natin alam what is the real history. Andoon na iyong idea, pero may mga bias talaga.
"As long as we’re here alive at may kanya-kanyang opinion, I respect everyone’s opinion."
Dagdag ni Ella patungkol sa pinagdaanan ng mga anak ng Pangulong Marcos Sr. "Kasi struggling na, e, last three days! Kahit naman sila struggling even right now, di ba?
"So, paano kaya iyon na there [was] so much pressure on their side during those times?"

READ: Sen. Imee Marcos, wala umanong historical revisionism sa Maid In Malacañang movie
NETIZENS' REACTIONS
Hindi pinalampas ng netizens ang anila'y maling depinisyon ni Ella ng "history" na hindi raw kailanman magiging "tsismis" lang.
Para na raw sinabi ni Ella na ang kasaysayan tungkol sa mga pambansang bayani tulad ni Jose Rizal ay pawang tsismis lang.
Bunsod nito ay pinutakti ng memes si Ella at nag-trend sa Twitter ang pangalan ng aktres mula Sabado, July 2, 2022 hanggang sa habang sinusulat ang artikulong ito ngayong Linggo, July 3, 2022.





May netizens pang kumuwestiyon kay Ella kung ano raw kaya ang natutunan ng aktres sa AP o Araling Panlipunan kunsaan itinuturo ang kasaysayan ng mga namunong pangulo sa bansa.



Narito ang iba pang tweets ng netizens hinggil sa paghahalintulad ni Ella sa history at tsismis.





XIAN GAZA POSTS A MESSAGE FOR ELLA
Kabilang ang social media personality na si Xian Gaza sa nag-react sa pahayag ni Ella.
Sa pamamagitan ng open letter sa Facebook, ipinakita ni Xian kay Ella kung ano raw ang pagkakaiba ng "history," "tsismis," at "historical revisionism."
Tinawag ni Xian na "history" ang aniya'y pagiging "business partner" at "family friend" nila ni Ella pati na ang pagkahulog daw ng loob niya noon sa dalaga.
Ayon pa kay Xian, matatawag na "tsismis" ang sabihing ex-boyfriend siya ni Ella.
At "historical revisionism" daw ang akusasyong siya ay "stalker" ni Ella at nang-scam sa pamilya ng aktres noong sila ay nagkaroon ng partnership sa negosyo.

Taong 2017 nang lumantad sa publiko ang ina ni Ella tungkol sa aniya'y panloloko ni Xian nang makipag-deal ito sa pagbuo ng concert para kay Ella na hindi natupad.
Sinabi rin ng ina ni Ella na hindi pinondohan ni Xian ang tsekeng ibinayad nito sa aktres noon.
Nanindigan din noon ang ina ni Ella na dating nang-stalk si Xian sa aktres para makalapit dito.
READ: Ella Cruz's mom reveals how Xian Gaza scammed her family
READ: Ella Cruz denies past romantic relationship with businessman Xian Gaza
Itinanggi noon ni Xian na ini-scam niya ang pamilya ni Ella, at inaming hindi niya kinayang bayaran ang sasakyang binili niya rito.
READ: Xian Gaza cries foul over Ella Cruz mom's allegations: "Hindi po ako isang stalker."
MARTIAL LAW DURING MARCOS REGIME
Ang ama ng kasalukuyang pangulo na si Ferdinand "Bongbong" Marcos na si Ferdinand Edralin Marcos Sr. ay nanungkulan bilang Presidente sa loob ng 21 taon, mula 1965 hanggang 1986.
Tinaguriang diktador ang nakatatandang Marcos gawa ng batas militar na ipinatupad nito mula September 21, 1972 hanggang January 17, 1981.
Bagamat 1981 ang official lifting ng martial law, nanatili ang mga Presidential Decrees ni Marcos hanggang 1986.
Napatalsik ang diktaturya ni Marcos nang maganap ang makasaysayang EDSA Revolution o People Power noong February 1986.
Inilikas siya ng gobyerno ng Estados Unidos papuntang Hawaii upang makaligtas sa poot ng mga taong dumagsa sa Malacañang.
Mula 1972 hanggang 1981, ayon sa 1982 report ng Amnesty International, 70,000 katao ang ikinulong, 34,000 ang pinahirapan o na-torture, at 3,240 ang pinatay sa Pilipinas.
Ang Amnesty International ay isang non-profit global movement ng mahigit 7 milyong kataong nangangampanya para sa isang mundo kunsaan ang human rights ay tinatamasa ng lahat.
