Hindi matatawaran ang sakripisyong ibinigay ni Helga Taberna para sa paggaling ng nakatatandang kapatid nitong si Zoey Taberna mula sa cancer.
Si Helga ang nagsilbing bone marrow donor para sa kanyang Ate Zoey nang sumailalim ang huli sa bone marrow transplant nitong mga nakaraang buwan sa Singapore.
Na-diagnose na may leukemia si Zoey noong December 2, 2019.
Read: Zoey Taberna opens up about battle with leukemia at a very young age
Ayon sa ama nilang si Anthony Taberna, bayani para sa kanilang pamilya ang bunsong anak.
Wala raw pag-aalinlangan sa puso ni Helga ang kanyang ginawang sakripisyo para sa kanyang ate.
Lahad ni Anthony sa kanyang Facebook post kagabi, July 7, 2022, “Isa sa lubos naming ipinagpapasalamat sa Panginoong Diyos ay binigyan Niya ng isang mabuting kapatid si Zoey na may napakalaking papel na ginampanan sa pagpapagamot ng Ate niya.
“Si Helga ang siyang bone marrow donor ng kanyang Achi Zoey nang sumailalim ito sa transplant.
“Una'y dumaan muna ako, si Misis at si Helga sa isang pagsusuri at lumitaw na si Bunso ang perfect match para maging stem cell donor ng kanyang kapatid.
“Kahit minsan, hindi nagtanong si Helga kung bakit siya. Ang tanong lang niya, kailan gagawin.”
Ayon pa sa Dos Por Dos host, hindi madali ang pinagdaanan ni Helga sa preparasyon pa lamang ng pagkuha ng stem cells sa kanya para isalin sa kanyang Ate Zoey.
Wala raw itong reklamo sa mga pinagdaanang sakit at never dumaing kaya bilib sila rito.
Ito rin ang nararamdaman ni Zoey sa kanyang appreciation post. Pakiramdam niya, guilty siya sa pinagdaanang sakripisyo ng bunsong kapatid alang-alang sa kanya.
Saad ni Anthony, “Yung proseso ng preparasyon hanggang sa araw na hinarvest sa kaniya ang stem cell ay hindi madali para sa isang batang tulad ni Helga subalit hindi siya dumaing, hindi siya nagreklamo.
“Ang totoo, nang binitbit namin si Helga sa Singapore na sabi nga ni Zoey ay na-guilty siya dahil parang siya ang rason na nawalan ng choice ang kaniyang kapatid kungdi ang sumama sa amin (sa ayaw niya at sa gusto).
“Bayani si Helga sa tingin namin lalo na ni Zoey dahil nagsakripisyo ito nang walang tanong-tanong para makatulong na gumaling ang kaniyang kapatid.
“Siya rin ang unang nagpapasaya sa Ate niya pag malungkot ito at nagpapalakas ng loob nito pag gusto nang sumuko dahil sa kirot na dulot ng karamdaman.”
Papuri pa niya sa anak: “Helga, we're so proud of you. Pinatunayan mo ang tunay na kahulugan ng pag-ibig sa kapatid. We love you! Ipinagmamalaki ka namin.”
Cancer-free na ngayon si Zoey matapos ang halos anim na buwang gamutan sa Singapore.
Nakabalik na rin ang buong pamilya ni Anthony sa Pilipinas.
Read: Anthony Taberna's daughter Zoey now cancer-free: "I thought that it was the end for me."
