Nag-concert tour si Randy Santiago sa Amerika matapos ang eleksyon noong Mayo 9, 2022.
“May 11. Buong May hanggang June,” sabi ni Randy sa kiddiecon ng Sing Galing Kids nitong nakaraang Sabado, Hulyo 9, sa Mesa restaurant sa Vista Mall, Taguig.
“Pero hindi yung malalaking show ang ginawa ko, yung bar tour na mas close contact sa audience. Mas engaging.”
Nag-ingat si Randy sa U.S. bar tour dahil sa Covid-19, at meron siyang working permit. Kasama ni Randy sa Amerika ang mga anak niyang sina Raphael at Raiko.
Natatawang kuwento ni Randy, “Sobrang missed ng mga Pinoy, e, grabe. Kumbaga, kulang na lang… yun bang binabalikan mo yung…
“Kaya natutuwa ako, nasaksihan ng mga anak ko. Kasi, yung mga bata, of course, di ba, sina Raphael at Raiko, hindi na nila yun…
“Alam nila yung… pero hindi nila alam kung ano yung… kung sino ako dati. Basta, laru-laro lang sila, di ba?”
Alam ba nilang dati, noong kasikatan niya, isa lang sa mga Hawi Boys niya si Willie Revillame?
Halatang napangiti ang 61-anyos na mang-aawit, “Alam kaya yun ng mga bata? Until… nung nakita nila ulit, ‘Paps?!’
“Thirty-one years old na si Raphael, natawa siya! Bakit hinahabol ka sa mall?
“Kumbaga siyempre, magtataka sila, ‘Randy, is that you?!’ ‘Hey, hey, guys! It’s Kuya Randy!’
“Gumaganun sila, so, natatawa sila. Lalo na si Raiko, twenty years old na siya.”
RANDY PREFERS PERFORMING IN MORE INTIMATE VENUES
Alin sa hit songs niya sa U.S. concert tour ang relate na relate talaga ang audience?
“E, lahat naman, e! Kung ano man ang bitawan mong kanta. Of course, I choose the songs I sing, di ba?” salaysay ni Randy.
“'Hindi Magbabago' at 'Babaero,' siyempre. Yung 'Babaero,' para sa kalalakihan pero siyempre, yung mga Titas of U.S.A., nakasuporta sa atin.
“Nai-video kung paano ka tanggapin ng mga tao. Lahat, nakayakap. Ako nga ang natatakot dahil wala silang face mask!
“Sabi ko, ‘Ang tatapang niyo, ah?! Papaano naman ako?!’ Ganun.”
Kuntento na siya sa mga maliliit na venue, yung mga bar at restaurant?
“250 ang capacity, mga ganun. Ang sinasabi ko kasi, ‘What’s the difference between doing it ng mga malilit na medyo close contact?’
“Kasi, ganun ako. Di ba, yung mga casino shows ko, mas gusto ko yun kesa sa nandun ako sa ibabaw ng stage na parang ang layu-layo kong abutin, di ba?
“Na pagkatapos nun, ‘Eto, sige! Picture-picture tayo, kunan nyo ako!’ And then, e-exit na ako.
“Pagkatapos nun, kakain na kami, mag-iinuman na kami. Mga ganun, parang ganun, and that’s what’s happening in the U.S.
“Mas gusto ang maliliit. Kunyari ngayon, may show ka. The next day, hindi pagod yung…
“Hindi ka nenerbyusin na baka, ‘Mapupuno ko ba ‘to?’ Tatlong libo, o dalawang libong… theater. Kakaba-kaba ka.
“E, pag mga 250-seater, alam mong puno yun sigurado. Saka laging, ‘Sold out na! Puwede ka bang bumalik dito?!’
“Of course, I did New York, I did Tampa, Jacksonville, Portland. Of course, L.A., Las Vegas.
“Mas sabik sila. Mas gusto nila. Kaya nga gusto nila, bumalik ako sa September.”
RANDY HAPPY TO BE PART OF SING GALING KIDS
Sa Hulyo 16, Sabado nang 6:00 pm mag-uumpisa sa TV5 ang Sing Galing Kids, kung saan kasama ni Randy bilang Sing Masters sina K Brosas at Donita Nose.
Ang panel of Sing Galing Kids Jukebosses ay binubuo nina Jona, Gloc-9, Morissette, at Ethel Booba. Arkidia Ates naman sina Queenay at Mari Mar Tua.
Kasali rin sa show ang mascot na si Genie, pati na sina Zendee, Yoyo at Tyronia.
Sa kanilang lahat si Randy ang pinaka-senior. Institusyon, alamat. Yung iba, hindi pa man ipinapanganak ay nasa showbiz na si Randy.
Ano ang maipapayo niya sa mga nakababata sa kanya na nasa showbiz upang magtagal din ang mga ito sa industriya?
“Siguro, ang mai-impart ko na lang siguro, yung pakikisama talaga!” bulalas ng veteran singer.
“Tunay na pakikisama, of course, pakikihalubilo, yun po bang huwag magmaramot.
“Kung ano man yung meron kang ibibigay na pointers and everything, which I’m very proud to say, lahat po sila, merong ganung klaseng katangian.
“Bakit po maganda po ang pagsasama ng Sing Galing family ay dahil nakikita ko po sa aking isa’t kalahating mata…
“Na ganun ang mga nangyayari sa show! Hindi lang sa mga host.”
Singit ni K Brosas, “What more kung dalawang buong mata pa yan?!”
“Of course!” mabilis na pag-ayon ni Randy, na tinaguriang Mr. Shades ng local showbiz.
“Kung buo pa itong isang mata ko, mas maganda at mas marami pang makikita.
“Pero base sa mga namamataan ko at namamasdan ko, yung camaraderie ikanga ng samahan ay nandun at nakikita ko.
“On my end naman, kung ano ang maibibigay kong payo sa kanila kung saka-sakali…
“Kasi, hindi po ako yung nagbibigay ng payo kung hindi naman ako hinihingan.
“Nahihiya rin kasi ako dahil of course, meron din tayong mga pagkukulang, di ba po?
“So ayun, whatever I can give for them, na kaya nilang tanggapin, iyun po ay ibibigay ko.”
