Ikinasal si Cloie Skarne sa Djursholms Chapel sa Stockholm, Sweden, noong July 9, 2022.
Si Cloie ay anak ng dating aktres na si Jenny Syquia sa aktor na si Gabby Concepcion.
Ang 27-year-old beauty titlist ang official representative ng Sweden sa Miss Earth na ginanap sa Mall of Asia Arena sa Pilipinas noong October 29, 2016.
September 17, 2020 nang inanunsiyo ni Jenny sa Facebook page niya ang engagement ni Cloie sa Swedish boyfriend nitong si Fredrik Hill.
"They’re engaged. Beyond happy for Cloie and Fredrik.
"Filip and I are delighted and so happy that Fredrik is a part of our family!
"He is an absolute gentleman, intelligent and kind, and loves our daughter very much. Two beautiful souls have found each other," announcement noon ni Jenny.
Read: Cloie Syquia-Skarne engaged na sa kanyang Swedish boyfriend
Makalipas ang halos dalawang taon, lumagay na sa tahimik ang dalawa.
Si Filip Skarne ang Swedish husband ni Jenny na kinikilala ni Cloie bilang tunay na ama dahil bata pa siya nang maghiwalay ang kanyang ina at biological father niyang si Gabby Concepcion noong 1996.
Ipinaalam ni Cloie sa publiko ang pag-iisang dibdib nila ni Fredrik sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanyang Instagram page ng mga larawang kuha mula sa kanilang kasal noong nakaraang Sabado, July 9.
Isang kaibigan ni Gabby ang nagsabing kasalukuyang nasa Amerika ang aktor kaya malabo ang posibilidad na nakadalo siya sa isa sa mga pinakaimportanteng araw sa buhay ng kanyang estranged daughter.
Ikinasal sina Gabby at Jenny sa tahanan ng aktor sa San Juan City noong 1993, pero tumagal lamang ng halos tatlong taon ang kanilang pagsasama na naging masalimuot dahil sa mga isyu na humantong sa korte.