Wala na raw hahanapin pa si Mariel Rodriguez sa relasyon nila ng mister na si Robin Padilla.
Pero naging bukas din siya sa pagsasabing hindi maiiwasan sa buhay mag-asawa na paminsan-minsan ay may mga hindi pagkakasunduan.
"Kasi malayo ang age gap namin, we have 15 years na age difference," bungad ni Mariel sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
"Sometimes kasi, iba yung perspective, iba yung upbringing, sometimes diyan ka magkakaroon ng struggle.
"Pero at the end of the day, yung love pa rin ang always nananalo. May give and take."
Halos labindalawang taon na silang kasal, at mayroon na silang dalawang tsikiting—sina Maria Isabella, 5, at Maria Gabriela, 2.
Kaya may hack sina Mariel at Robin para siguruhing maayos nilang napag-uusapan kung may away sila.
Paliwanag ni Mariel: "Nag-aaway din kami, nagkakaanuhan din kami. Ang [way] namin ngayon maganda na kasi di kami nagsisigawan.
"Hindi na kami nag-aaway nang sigawan because I don't want my kids to grow up in that kind of environment.
"So, pag nag-aaway kami ni Robin, tine-text namin sa isa't isa. Walang sigawan. That way, hindi nakakarinig yung mga anak ko."
Sila na rin daw mismo ni Robin ang nagpapakalma sa isa't isa.
"Minsan nga, pag nag-aaway kami. 'Ayoko ng mga away na ganito.' Sasabihin namin, 'Di tayo nag-aaway, nagdedebate lang.' Hahaha! Ganun lang."
MARIEL ON ROBIN'S LOVE LANGUAGE
Nang tanungin kung paano sila magmahalang mag-asawa, ibinahagi ni Mariel na na-appreciate niya ang maliliit na bagay na pagpaparamdam ni Robin ng pag-aalaga sa kanya.
"Si Robin is still... For example, pag kumakain kami, tapos tatayo ako, kukuha ako ng baso ng tubig.
"Sasabihin niya, 'Ma, pasensiya na. Nandito naman ako. Bakit di mo pa sa akin pinakuha yung baso ng tubig?'
"Kinukuha ko naman talaga yung tubig ko. Kaya ko naman."
Aniya, consistent si Robin sa pagiging gentleman.
"Ganun siya talaga. Every time pag nasa sasakyan ako, di ko puwede buksan yung door at bumaba ako. Kailangan si Robin, bababa, iikot, at bubuksan ang door.
"Ako kasi, may driver ako. Alam na yun ng driver ko na pag andiyan si Robin, di niya bubuksan yung door. Kailangan si Robin magbubukas ng door.
"Yung maliliit na bagay sa kanya, para sa kanya, napagsisilbihan niya yung asawa niya."

MARIEL ON CONVERSATIONS WITH ROBIN
Bilang maybahay, ang paraan naman ni Mariel ng pagpapakita ng pagmamahal kay Robin ay ang paglalaan niya ng oras para rito.
"On my end, Robin is a low-maintenance husband. Hindi mahilig sa gamit iyan, kaya di ko siya kailangan bilhan ng gamit.
"Another thing is, yung iba, pag kunwari umaalis yung asawa nila... e, si Robin lagi umaalis.
"Sa ibang couples, kailangan yung asawa mag-prepare, ihahanda yung mga dadalhin...
"Hindi niya sa akin iyan pinagagawa. Si Robin ang gumagawa para sa sarili niya.
"Ako, basically, pupunta lang ako sa kanya, makikipagkuwentuhan ako sa kanya. Kausap ko siya on the side, pero siya na lahat gumagawa ng preparations niya."
Dagdag ni Mariel, "Oo, time [yung love language], tsaka it's actually yung pinakikinggan mo siya.
"He needs someone that he can talk to, that he can air his thoughts to, yung ideas niya."

ON SETTING ASIDE HER CAREER FOR FAMILY
Masaya raw si Mariel sa pamilya nila ni Robin.
"Spoiled kami kay Robin, e. Pag meron kami kailangan, si Robin, lagi niya gusto what makes us happy. Every time we're happy, he's happy."
Sabi pa ni Mariel sa PEP.ph, calling niya talaga ang maging isang ina.
"I was 26 when I got married. And I was at the peak of my career. I was doing three shows!" balik-tanaw niya sa panahon nang ikasal sila ni Robin.
Fast-forward to present time, diin ni Mariel, "I'm very happy. My two girls, they mean the world to me. I wouldn't exchange that for anything.
"My dream was to bring my kids to school. That was I was preparing for the whole time I was working. Gusto ko maging that kind of mom."
Kaya hindi raw siya nagdalawang-isip sa pagpili ng family over career.
"Ay, ibang-iba. Yung single life nun, yung artista na Mariel, si Mariel Rodriguez yun. Ako na po si Mariel Padilla. Iba na po ako.
"Di ko na siya [single Mariel] makilala. But I'm happy because I was able to go through all that."
Ganunpaman, malaki raw ang respeto niya para sa ibang babaeng napagsasabay ang career at pamilya.
"And you know what, there are some moms who have to work kasi yun ang forte nila talaga. Ang strength nila is provider sila ng family.
"Iba-iba. Every household iba-iba ang strengths natin.
"We don't judge moms who are still working. We do what we gotta do. We make things work," pagtatapos ni Mariel.
