Balik-pelikula na si Diego Llorico matapos mawala sa cast ng Bubble Gang.
Mapapanood ang komedyante sa upcoming film na Home I Found In You, kung saan gaganap siya bilang si Mama Rona, na manager ng isang resort at hotel.
“Parang ako rin yung susuporta sa bagong love team dito [sa pelikula],” kuwento ni Diego sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Ang tinutukoy na bagong love team ni Diego ay sina John Heidrick Sitjar at Jhassy Busran na gaganap sa pelikula bilang sina Redjie “Red” Alvarez at Selene dela Cruz, respectively.
Nasa cast din ng Home I Found In You sina Harvey Almoneda bilang Aldrin Padua, Orlando Sol bilang Arnold Jimenez, Soliman Cruz bilang Mario dela Cruz, at Eunice Lagusad bilang Judy-ann Pineda.
Ang Home I Found In You ay sa direksyon ni Gabby Ramos at mula sa produksyon ng REMS Films (represented by AJ Ungson at Marlon Climaco) at malapit ng mapanood sa mga sinehan.
Sa pagkakatanda ni Diego, ang mga nagawa na niyang mga pelikula ay Sagad Sa Init (in a cameo role), Bakit Papa?, Bakit Ba Ganyan?, Reyna, at Ded Na Si Lolo nina Roderick Paulate, Gina Alajar, Manilyn Reynes at Elizabeth Oropesa.
WALANG SAMA NG LOOB SA BUBBLE GANG
Ayon naman kay Diego, matagal daw bago nasundan ang kanyang paglabas sa pelikula dahil naging abala siya sa Bubble Gang.
At dahil nabanggit na rin ang tungkol sa Bubble Gang, tinanong namin si Diego kung hindi ba sumama ang loob niya na isa siya sa mga cast members na natanggal sa naturang comedy show ng GMA?
Paglinaw niya, “Nandun pa rin naman po ako.”
Sa cast lang daw siya nawala.
Dagdag niya, “Pero sa production po kasi ako talaga. Nag-start naman po talaga ako sa production talaga. Napagkatuwaan lang nila ako before.”
Si Diego ay associate producer ng Bubble Gang, na siyang longest-running comedy show ng Kapuso network.
Nitong Mayo lamang ay inanunsyo ng GMA ang mga pagbabago sa Bubble Gang at sa mga artista ng show. Nanatili sa cast sina Michael V (na siya ring creative director ng show), Sef Cadayona, Paolo Contis, Betong Sumaya, Chariz Solomon, Valeen Montenegro, Archie Alemania, Analyn Baro, Kokoy de Santos, at Faye Lorenzo.
Ang mga naalis ay sina Antonio Aquitania, Kim Domingo, Mikoy Morales, Liezel Lopez, Ashley Rivera, Arra San Agustin, Lovely Abella, Myka Flores, at si Diego.
Bagong karagdagan naman sa cast sina Tuesday Vargas, Kim de Leon, Dasuri Choi, at Faith da Silva.
Sumama ba ang loob ni Diego noong sabihan siya na aalisin na siya bilang cast member?
“Hindi,” mabilis na sagot ni Diego.
“Kasi unang-una by accident naman talaga yung pagpasok ko dun kasi nandun ako talaga as ano, sa production.
“Ngayon, nung may mga time lang na kailangan nila ng character so… tsaka kahit naman po noon pasulput-sulpot lang po yung role ko, hindi naman po talaga ako regular.”
Ganunpaman, isa si Diego sa inaabangan ng mga televiewers.
Aniya, “E, kasi may nag-click po ako na segment.”
Hit sa audience ang segment ni Diego na “At Lit” na ang ibig sabihin talaga ay “at least.”
“Kaya siguro po, gusto lang po ng management na mabago yung look kasi nga nag-reformat at sa mas maagang timeslot,” lahad din niya.
Kaya wala raw siya talaga kahit kaunting sama ng looob.
“I’m still part ng production po kaya hindi naman po masama ang loob ko. 'Tsaka naniniwala naman po ako na hindi rin po ako pababayaan ng GMA kasi Kapuso nga, di ba,” at tumawa si Diego.
Wala pa raw sinasabi ang management na susunod niyang proyekto bilang artista.
Patuloy niya, “Pero sinasabi po nila na may mga guesting, pero bahala na po sila.”
Sino ang mami-miss niya sa Bubble Gang bilang co-star?
“As co-star? Ako kasi naging close sa akin siyempre si Michael V at si Kim Domingo.
"Marami kasi akong naging kaibigan sa Bubble Gang na mga main cast, so iyon, mami-miss ko naman sila lahat," saad niya.
Sabi naman ng komedyante na baka sakaling magkaroon naman siya ng chance na mag-guest sa Bubble Gang "in the near future."
“Kaya ako po, suportado ko po yung show. Kung ano po yung ikagaganda sa tingin ng management, at saka siyempre ang concern po natin is yung tumagal pa yung programa kasi sobrang tagal niya na.
“So parang ano na siya e, ano na siya ng GMA so ayun, sana nga tumagal pa."
