Nagpositibong muli si Michael V sa COVID-19.
Kinumpirma ito ng komedyante sa kanyang Instagram post nitong July 23, 2022.
Nag-upload din siya sa Instagram at Facebook account niya ng photo ng ginamit na testing kits sa kanya.

Caption niya (published as is): “Nakatanggap ako ng notification from my old friend, Covid.
“Matagal na kaming hindi nagkikita. Actually sinabihan ko na s’ya na ‘wag nang bumalik pero eto na naman s’ya… magha-'HI' lang daw at magpapa-alala na nandito lang s’ya sa tabi-tabi.
“Hindi naman daw talaga s’ya umalis, palipat-lipat lang s’ya ng bahay.”
Una nang nagpositibo si Bitoy noong July 18, 2020—kasagsagan ng paglaganap ng COVID-19.
Fifteen days siyang iginupo noon ng naturang virus.
Nakaramdam siya ng weird na sensation sa kanyang nasal area, nawalan siya ng pang-amoy, at muntik pang nagkapulmonya.
Sa kanyang recent Instagram post ay nagbiro pa si Bitoy na nagbago na naman umano ang virus at hindi na kasing-lala ng dati.
“Pero hindi pa rin ako naniniwala. ‘Once a killer…’ well…”
Binanggit din niya ang panibagong perhuwisyong dulot nito ngayon sa kanya.
“Siyempre inabala niya na naman yung pamilya ko, yung community namin, yung trabaho ko…
“Pati asawa ko, idinamay pa!”
Hindi naman umano niya masisi ang COVID-19, kasi marami naman kasing pasaway na kahit masama ang pakiramdam ay lumalabas pa rin ng bahay.
Sa pagpapatuloy niya, “Kasi hindi rin naman siya nagkulang ng paalala. Talagang matitigas lang ang ulo ng mga tao minsan.”
Ang birong mensahe niya sa virus: “Hindi ka pa rin welcome sa bahay.
“Pero salamat na rin sa dalaw. Hayaan mo… kahit bad trip ako sa ‘yo, hinding-hindi kita makakalimutan.”
Sa huli, ang paalala niya, “Stay safe everyone.”
