Sa ngayon ay wala pang ipinapakilalang espesyal na tao sa puso niya ang singer na si Jona.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ibinahagi ni Jona na hindi naman ito dahil sa nag-aalala siya dahil tila uso ang breakup sa showbiz couples.
"Actually, bago pa mauso yung mga hiwalayan, iniisip ko before pa, sabi ko, ayokong dumating rin sa ganung point.
“Hindi naman natin masasabi kung ano ang mangyayari in the future, pero yun din, nag-iingat ka rin. Dapat mayroon ka ring standards kahit papaano.
“Hindi masamang sabihin na dapat maging choosy ka rin talaga sa kung sino ang papapasukin mo sa buhay mo,” bungad na pahayag ni Jona.
Mahalaga raw sa kanyang kilalanin niya muna nang husto ang isang lalaki bago pumasok sa isang relasyon.
“Kikilalanin mo munang mabuti yung tao talaga, kung ano ang values niya, kung ano ang background niya, understanding ba siya…
“Kasi kahit magkaiba kayo, let's say hobbies or interests, pero kung may wide understanding and compromise para sa isa't isa.
“I think importante din na mayroong compassion sa animals.”
Diin ni Jona, “Hindi naman ako nagra-rush. Di ko naman pine-pressure yung sarili ko, go with the flow lang."
Nakapanayam ng PEP.ph si Jona sa media tour para sa Calatagan South Beach, isang leisure tourism estate na pag-aari ng business tycoon na si Manny V. Pangilinan.
JONA’S ANIMAL SHELTER IN RIZAL
Kaya mahalaga kay Jona na animal lover din ang maging future boyfriend niya ay dahil advocacy niya ang pag-rescue ng stray cats and dogs.
Mayroon siyang ipinatayong animal shelter sa Rizal para rito, at ito ang isang malaking responsibilidad na pinagkakaabalahan niya ngayon
Saad niya, “Yung nandun sa bundok, mga nasa 16 dogs pa lang pero maraming naiwan sa bahay. Yung nasa bahay, almost 15 dogs, tapos yung mga cats, 40 plus. Hindi pa kasi tapos ang construction doon ng cattery kaya di ko pa sila muna mailipat lahat.
“Mahirap talaga, magastos, kaya kailangang magtrabaho nang magtrabaho para sa kanila. Thankful naman kasi kahit papaano may pumapasok na work so nag-a-allot ako ng budget para sa supplies nila and emergency funds.
“Grabe yung time na dine-demand, na kinakain ng pag-aalaga. We are not talking about two dogs, five dogs, but 30-plus dogs and 40-plus cats, so mahirap magkaroon ng extra time to kunwari mag-mingle, mag-date."
Ibinahagi pa ni Jona sa PEP.ph kung paano niya sinimulan na gawing shelter ang nabiling lupa sa Rizal at kung paano niya mine-maintain ito.
"Actually, farm talaga siya, pero dahil medyo okay-okay naman yung area so nag-decide kami na dun sila ilagay para mas healthy para sa lahat. Iba yung lifestyle sa Manila, iba sa probinsya, mas maganda talaga dun sa probinsya.
"May isa akong caretaker. Mahirap din kasi talagang maghanap ng trusted na tao, yung talagang may heart for animals.
“Maraming nag-apply, marami na ring nag-come and go. Sa ngayon, ang nandun ay iisa. Medyo mahirap yung work kasi marami siyang kailangan na i-attend.”
READ: Jona sets monthly budget of PHP70k for 70 rescued dogs and cats
ON HER SINGING CAREER
Kilalang biritera si Jona tulad nina Regine Velasquez, Angeline Quinto, Lani Misalucha. Pero aminado si Jona na matindi ang hamon para makakuha ng audience dahil marami sa millennials ay hindi na hilig ang biritan na performances.
"Honestly, siyempre a little pressured, kasi kailangan parang sumasabay ka rin sa uso kahit papaano, di ba? Kailangan nandiyan pa rin naman sa iyo ang core mo, kung ano ang talaga ang totoong genre mo.
“But hindi naman ako ganun ka-pressured, but there's a little pressure na, ‘O, for my next project kaya ano ang puwede kong mai-inject sa music ko para kahit paano maka-reach tayo ng ibang audience?’
“Masasabi ko na kahit papaano mayroon na rin akong tinatawag na core audience. Yung mga supporters ko ever since na nasanay sa genre kung saan ako nakilala.
“Isa sa mga goals ko when it comes to my music career na maka-tap din ng iba pang audience, like the young ones. I'm trying to explore or mag-inject ng kaunting styles sa music ko para makaka-relate din naman sila."
Sa ngayon ay masaya si Jona na paunti-unti ay bumabalik na normal pati na rin ang live performances and concerts pagkatapos na ipagbawal ito dahil sa pandemic.
“Sobrang okay naman, heto medyo nakaano na sa pandemic blues so start na uling mag-work and everything. Active na uli.
“Bale I have two shows in TV5, Sing Galing regular edition and yung bagong launch na Sing Galing Kids. Isa ako sa juke bosses or judge,” pagbabalita ni Jona.
Dahil sa TV5 napapanood ang dalawang shows ng singer, nangangahulugan ba itong hindi na siya mapapanood sa mga show ng Kapamilya Channel tulad ng ASAP Natin ‘To?
Ayon kay Jona, "Sa ngayon, wala pa akong naka-set na ASAP schedules so waiting ako kung kailan ako tatawagin. Flexible naman ako, parang open to any opportunities."
