Ibinunyag ni Barbie Imperial, 23, na ang ex-boyfriend na si Diego Loyzaga, 27, ang “pinakananakit” sa kanya.
Hindi ito pisikal na pananakit kundi sa emosyon dahil inulit ng Kapamilya actress na inakala niyang si Diego na ang kanyang makakatuluyan.
Sa kanyang “ANSWERING MOST SAVAGE QUESTIONS ABOUT ME” vlog na lumabas sa TouTube kagabi, July 27, 2022, sinagot ni Barbie ang ilang prangka at may pagka-below the belt na mga katanungan mula sa netizens.
Isa na rito ang tungkol sa kanyang past boyfriends.
Tanong ng netizen: “Sino ang ex bf mo na pinaka nanakit sa’yo?”

Ang mga naging karelasyon ni Barbie mula sa showbiz ay sina Diego Loyzaga, Ryle Santiago, Paul Salas, at JM de Guzman.
Diretsong sagot ni Barbie, “Wala namang anong pisikal, siguro overall damage, like nasaktan ka talaga.
“Ako, honestly, yung pinakanasaktan talaga ako, I think si Diego talaga.
“Siya yung boyfriend ko na parang alam niya lahat about me, ganun.
“Tapos siya yung, alam mo yun, na pag may na-meet kang someone, minsan mo lang na-feel yung akala mo siya na talaga.
“Yung parang may mga usap-usapan na kayo, ‘Sa'n tayo titira, ilang anak?’ Yung mga ganun.”

Sa loob ng isang taong relasyon nila, dumating daw sila sa puntong pinag-uusapan na nila ang paglagay sa tahimik.
Ngunit nauwi rin lang sa hiwalayan ang lahat.
Pagbabalik-tanaw ni Barbie, “So, ayun yung may mga conversations na kami about getting married, kung sa'n kayo titira, mga plans niyo sa buhay, kay Diego ko lang na-experience yun.
“So, yun siguro yung reasons kung bakit masakit sa akin, kasi plinano ko yung buhay ko with him, tapos biglang nawala. So, yun.
"Pero ganun naman talaga, lessons learned.”
Naghiwalay sina Barbie at Diego matapos nilang ipagdiwang ang kanilang unang anibersaryo noong December 2021.
Para raw sa kanilang personal growth ang lahat dahil mga bata pa sila.
COURTING A GUY
Isa rin sa mga naitanong kay Barbie ang tungkol sa panliligaw sa lalaki.
Bilang babae, nanligaw na ba siya sa isang lalaki na gustung-gusto niya?

Pag-amin ni Barbie, “Oo naman, dyusko! Sa first boyfriend ko, kay Ryle.”
Si Ryle ay anak ng aktres na si Sherilyn Reyes at ng TV executive na si Junjun Santiago, kapatid nina Randy, Rowell, at Raymart Santiago.
Ang relasyon nila ni Ryle, na unang boyfriend ni Barbie sa showbiz, ay tumagal lamang ng anim na buwan.
Ayon kay Barbie, ang mga kalaban pa raw niya noon kay Ryle ay ilang mga kasamahan sa all-girl group ng It’s Showtime na GirlTrends.
Kuwento niya, “Ako talaga yung may gusto sa kanya. Tapos, nung time na yun, iba-ibang GirlTrends pa yung may gusto sa kanya, char!
"Medyo may mga kaagaw pa akong GirlTrends nun, tapos, ayun, naipanalo ko naman.
"Ako naman yung naging jowa pero hindi pa rin kami nagkatuluyan. So, ayun."
Dagdag ni Barbie, “Feeling ko, hindi ko gusto yung thought, feeling ko lalaki dapat ang nanliligaw.
"Pero yung experience na yun, looking back at it, parang medyo laugh trip na lang talaga siya."
Proud namang sinabi ni Barbie na wala siyang babalikang ex-boyfriend dahil “sinayang” na siya ng mga ito.

Sabi niya, “Ako kasi yung tao na, well, siguro depende, ako kasi parang pag breakup ko with my ex, after kami maghiwalay, usually may mga bago na silang girls.
“So, ako yung tipong, ‘If natikman mo na yung ibang babae after sa akin, bakit ka babalik sa akin? Porke't hindi masarap yung ulam na natikman mong bago, babalik ka sa akin?’
"Parang, ‘Panindigan mo ‘yan. ‘Yan ang pinili mo, di ba? Sinayang mo ako, e.’”
