Hindi nagustuhan ng ilang netizens ang anila'y “homophobic” na tweet ng GMA News personality na si Kim Atienza.
Tungkol ito sa unang kaso ng monkeypox na naitala sa Pilipinas kahapon, July 29, 2022.
Read: Unang kaso ng monkeypox, naitala sa Pilipinas
Ngayong araw ng Sabado, July 30, nagbahagi si Kuya Kim ng kanyang kaalaman tungkol sa monkeypox nang matanong ng isang netizen kung ano ba ang kaibahan ng chickenpox sa monkeypox.
Si Kuya Kim ay nakilala sa pagbibigay ng trivia at impormasyon sa mga bagay-bagay.
Gamit pa ng netizen ang titulo ng segment ni Kuya Kim sa 24 Oras ng GMA na #KuyaKimAnoNa.
Tanong ng netizen: “@kuyakim_atienza ano po ang pinagkaiba ng chicken pox sa monkey pox # KuyaKimAnoNa.”
Tugon ni Kuya Kim: “Chicken pox is less severe and the virus is airborne. Monkey pox is sexually transmitted, usually M to M.”
Ang ibig sabihin ni Kim sa "M to M' ay "man to man" o pagtatalik ng dalawang lalake.

NEGATIVE REACTION
Kaagad na nag-react dito ang ilang netizens, partikular na ang mga miyembro ng LGBTQ (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer) community.
Tila ipinapahiwatig daw kasi ni Kuya Kim ang monkeypox ay sakit ng mga miyembro ng third sex.
Paliwanag ng isang netizen, kahit sinong tao basta may close contact sa isang nahawaan ng monkeypox ay posible ring magkaroon nito maski ano ang kanilang gender at kung kanino nila piniling makipagtalik.
Ikinumpara naman ng isang netizen si Kim sa weatherman ng ABS-CBN—na pumalit sa kanya sa TV Patrol—na si Ariel Rojas.
Ibinahagi pa nito ang tweet ni Ariel na nagsasabing hindi STD (sexually transmitted disease) o gay disease lamang ang monkeypox.
Sana ay huwag daw gawan ng stigma ang ilan.
Ayon naman sa isa, nakakasira lamang si Kim sa kredibilidad ng GMA News and Public Affairs.
KIM EXPLAINS TWEET
Dahil sa mga puna ng netizens, sunud-sunod ang naging paliwanag ni Kim tungkol sa kanyang tweet.
Nilinaw niyang hindi siya "homophobe" at mahal niya ang kanyang "gay friends."
Aniya, "Here is some info, no I am not a homophobe. I love my gay friends."
Ibinahagi pa niya ang ilang explanation ng medical experts sa U.S. tungkol sa monkeypox.
Diin niya sa isang tweet, "Here's more info. My tweet never said its an STD but it is spread through sexual contact and other means."
KIM APOLOGIZES
Kahit marami na siyang ginawang paliwanag, hindi pa rin tinantanan ng netizens si Kuya Kim kaya humingi siya ng dispensa.
Ayon kay Kuya Kim, hindi malinaw ang naging tweet niya kaya marami ang nasaktan lalo na ang LGBTQ community.
Aniya, “My deepest apologies to those that were affected by my tweet. Some of the things I said were ambiguous and caused a lot of hurt especially to members of the LGBTQ community."
Pagtutuwid pa niya, "You are correct Monkeypox is sexually transmitted but also by non sexual close contact. It not an STD.”
Inamin din ni Kuya Kim ang pagkakamali niya nang sabihing kadalasan ay sa "man to man" sex naipapakalat ang monkeypox.
Aniya, “I am also wrong in saying it's usually spread M to M. Monkeypox can be spread by any person regardless of gender. M to F F to F.”
“Deeply sorry” rin daw siya sa iba pang naalarma sa kanyang naibahaging tweet.
Tweet pa niya, "Again my deepest apologies to the people I hurt by my tweet. I am deeply sorry."
May isang netizen ang sinabihan si Kuya Kim na dapat ay burahin niya ang naunang tweet dahil parang pumabor siya sa isang maling idea na ibinahagi pa niya sa kanyang account.
Tugon ni Kuya Kim: “Done.”
WHAT IS MONKEYPOX?
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang monkeypox virus ay naililipat sa ibang tao sa pamamagitan ng sugat o lesions, body fluids, at respiratory droplets.
Kabilang sa primary transmission ang “intimate skin to skin contact” at maging sa pakikipagtalik.
Binigyang-diin ng health authorities na mahalaga ang palagiang paghuhugas ng mga kamay at pag-iwas sa mga indibidwal na hinihinalang taglay ang nasabing virus.
Kabilang sa mga sintomas ng monkeypox ang lagnat, matinding sakit ng ulo, pananakit ng mga muscle at likod, panghihina, pamamaga ng kulani, at pagkakaroon ng rashes sa balat.
Makakatulong sa pagpuksa ng monkeypox virus ang bakuna laban sa smallpox, ayon sa WHO.
