Tatalima ang Department of Justice (DOJ) sa kautusan ng Court of Appeals (CA) na sampahan ng reklamong rape at acts of lasciviousness ang actor-TV host na si Vhong Navarro.
Sa panayam ng media kay Justice Secretary Jesus Crispin "Boying" Remulla ngayong Martes, August 2, 2022, sinabi niyang susundin nila ang utos ng CA.
Maiksing tugon niya: “We will obey the courts.”
Sa dalawampu’t anim (26) na pahinang desisyon ng 14th Division ng Court of Appeals noong July 21, 2022 — na inilabas noong July 31— pinaboran ng hukuman ang petition for review na inihain ng modelong si Deniece Cornejo noong 2014.
Isinantabi na ng korte ang mga resolusyon ng DOJ noong April 30, 2018 at July 14, 2020 kung saan ibinasura nila ang petition for review ni Cornejo.
Sa pinirmahang desisyon ni Associate Justice Florencio Mamauag Jr., sinabi ditong ang lower court lamang at hindi ang isang preliminary investigation procedure ang may kapangyarihang mag-establish ng guilt o pagiging inosente ng akusado lalo na kung may kaugnayan sa panggagahasa.
Bahagi pa ng desisyon, “Ultimately, it falls upon the trial court to determine who between Navarro and Cornejo speaks the truth. Cornejo decries attempted rape on the night of January 22, 2014 while Navarro denies any wrongdoing on his part. We reiterate once more that the preliminary investigation is not the proper venue to rule on the respondent's guilt or innocence.
"Finally, it must be borne in mind that the admissibility or inadmissibility of the parties' evidence should be ventilated before the trial court during the trial proper and not in the preliminary investigation."
Sinang-ayunan ito nina Associate Justices Victoria Isabel Paredes at Mary Charlene Hernandez-Azura.
Read: CA orders Taguig Prosecutors to file rape, acts of lasciviousness charges vs Vhong Navarro
MOTION FOR RECONSIDERATION
Sa pamayan naman ng TeleRadyo ngayong araw rin, sinabi ni Atty. Alma Mallonga, abogado ni Vhong, na gagawa kaagad sila ng hakbang kapag natanggap na nila ang CA ruling.
“Actually, hindi pa namin pormal na natatanggap yung decision. Pagkatanggap namin, baka kumuha nga kami ng kopya, magsasampa na kami ng motion for reconsideration.
“Ang ibig sabihin doon, hindi talaga final pa yung decision ng Court of Appeals.
"Maaari pa niyang tingnan ulit. Yun ang aming imumungkahi, na tingnan muli yung petition.”
Iginiit din ni Atty. Mallonga na si Vhong ang biktima sa sitwasyon, at hindi ito nanggahasa base sa ongoing case nito laban kay Deniece at iba pang sangkot na serious illegal detention.
Aniya, “Anong mangyayari, na ang DOJ ang tumutugis kanila Deniece, tapos biglang sinasabi na, ‘Hindi, baliktarin natin ang kuwento.’
"Para ba namang siguro interference yun sa pag-prosecute ng criminal case. Ang lead prosecutor diyan ay DOJ, private prosecutors lang kami.”
Naniniwala ang kampo ni Vhong na maayos pa rin ang takbo ng criminal justice system sa bansa kaya gagawin nilang lahat na kaparaanan na naaayon sa batas laban sa akusasyon sa TV host-comedian.
Dagdag pa ni Atty. Mallonga, “Hindi pa final yung decision ng Court of Appeals.
"Beyond the Court of Appeals, may remedy pa ng petition for review on certiorari sa Korte Suprema kung sakali. Naniniwala pa rin kami sa justice system.
"Katulad ng kabilang panig, we just like to reaffirm na we stand by the judicial system. Let’s see what happens.”
