Naglingkod si Richard “Goma” Gomez, 56, bilang mayor ng Ormoc City for two consecutive terms, mula 2016-hanggang 2022.
Ngayon ay kinatawan siya sa Kongreso ng ikaapat na distrito ng lalawigan ng Leyte. Kumusta siya sa bago niyang trabaho?
Read: Richard Gomez, ninanamnam ang mga huling araw bilang mayor bago sumabak sa Kongreso
“Totally different from sa ginagawa ko when I was mayor,” Lahad ni Congressman Goma nitong Agosto 3, Miyerkules, sa Mario’s restaurant, Tomas Morato Avenie, Quezon City.
“Mayor kasi, very hands on. You really have to be where the action is. Kailangan umiikot ka talaga sa buong bayan mo.
“Unlike dito si Congress, you think of laws that can be made, laws that can be beneficial dun sa district natin.”
Paano niya pinaghandaan ang Kongreso?
Napangiti si Goma, “Siguro, kasama na yun sa pag-aaral ko siguro, sa college, ‘no? Nakatapos naman ako sa college ng Mass Comm.
“Tapos naka-master’s degree ako sa Business Ad, tapos may doctorate din ako sa Public Administration.
“So, all these learnings, nakakatulong sa trabaho.”
Ang maybahay niyang si Lucy Torres-Gomez ay naging congresswoman noong 2010, at reelected noong 2013 at 2016.
“Dalawang terms, ako yung Chief of Staff ni Lucy sa Congress. Ako yung utusan ni Lucy sa Congress!” natatawang bulalas ni Goma.
“Marami akong natutunan dun when I was Chief of Staff. Number one, yung process of how to make and file bills.
“That’s very important, yung procedure niya. Tapos, ano yung mga bills na puwede mong gawin.
“So, sa daily life natin, kailangan lang observant ka kung ano yung mga nangyayari sa paligid mo.
“And then it’s something na puwede mong isipin, ‘Ahh, eto, puwedeng ayusin ang batas na ito kung merong pagkakamali o pagkukulang.”
FROM MAYOR TO CONGRESSMAN
Ibang-iba ang proseso ng trabaho ni Goma bilang congressman kumpara noong mayor siya.
“Mas mabagal yung procedures, yung proseso ng Congress,” pagbuntung-hininga niya.
“Kasi, mahaba, maraming pinag-uusapan. Unlike sa mayor, kapag merong kailangang ayusin, ‘Tanggalin mo nga yung poste na yun.’ Mamayang hapon, wala na yung poste na yun!
“‘Magtanim ka nga ng puno dito, mga lima.’ Mamayang hapon, nandun na yung puno. Ganun kabilis!
“Unlike sa Congress, mag-file ka ng bill, iri-reading, magko-committee meeting kayo.
“So, yung buong process na yun, aabutin ng… suwerte na, isang taon. Mahaba yung process, pagtitiyagaan mo.
“Yun lang yung mabagal dun. But ang masarap naman dun is something na pag mapasa mo yung bill, maging isang batas, pirmahan ng Presidente, then it’s really fulfilling.
“Saka fulfilling din para sa isang congressman yung mga projects na nadadala mo sa distrito or sa lugar mo.
“Alam mo, isa sa mga batayan talaga ng pagiging congressman is kung ano yung nadadala mong proyekto dun sa distrito mo.
“Hindi naman yung nagagawa mong batas, bihira lang yung nagtatanong, ‘Ano ba yung nagawa mong batas at iboboto ka namin uli?’ Hindi, e.
“Ang itinatanong talaga, ‘Ano ba yung mga nagawa ni Congressman na mga proyekto dito sa distrito natin?’
“So, isa yun sa mga kailangan naming trabahuhin.”
CHANGING OF POSITIONS
Nagpalit sila ng puwesto ng maybahay niyang si Lucy na siyang mayor ngayon ng Ormoc.
Read: Lucy Torres, "eyes wide open" na haharapin ang duties bilang Ormoc mayor
Nagkakatulungan ba sila? Nagbibigay ng payo at paggabay sa isa’t isa?
“Malaking bagay talaga na magka-partner yung congressman saka yung mayor,” sambit ni Goma.
“Because the congressman, siya yung nakakadala ng malalaking proyekto, katulad ng pagpapagawa ng tulay.
“You know how expensive a bridge project is? That costs about P1M per meter. So, ganun kamahal yung tulay!
“Let’s say 50 meters ang tulay, P50M na yun. Mahal talaga ang tulay! So, yung mga ganun kalalaking project, hindi kaya ng mayor yun. Sa province, ha?
“Iba kasi yung mayor dito sa Metro Manila. I’m talking about sa situation sa province.
“Tapos more on programs, yung mga farm to market, yun sinasagot ng mayor. Pagpapatayo ng mga barangay hall, ng mga covered court, sagot na ng mayor yun.
“But the big ones, pagpapatayo ng malalaking eskuwelahan dati, pinaglalabanan pa sa Kongreso kung dapat ba na yung Congress ang mag-budget sa mga classroom. Yun pinagdedebatehan pa.
“Yung malalaking infrastructures, congressman talaga ang nagdadala.”

MISSING ORMOC
Nami-miss daw ni Congressman Goma ang paglilibot sa Ormoc.
“Kasi, ibang-iba talaga! Yung six years ng pagiging mayor ko, every day nandun ako,” sambit ni Goma.
“Ikinukuwento na lang ni Lucy kung ano yung ginagawa niya, minsan natatawa ako na ginagawa niya.
“Alam mo si Lucy, late sleeper yun, ‘no? Pero ngayon, nagbago yung lifestyle niya. Maaga na siyang matulog ngayon.
“9:00 o’clock, nandun na siya sa kuwarto, nakahanda na siyang matulog. And like kanina, gumising siya, before 7:00 gising na siya.
“Totally nag-change yung buhay niya nung naging mayor siya.
“So this morning, nakita ko sa pictures ni Lucy, gusto niyang ayusin yung palengke namin.
“Sabi ko, ‘O, anong ginagawa mo diyan?!’ ‘Gusto kong ayusin yung palengke natin! Gusto kong maglagay ng additional building. Kasi, dumadami na yung tao, e!’
“Nakakatuwa. And hindi ko ine-expect na ganun na magtrabaho si Lucy as mayor.
“Natutuwa rin siya dahil sabi niya, ‘Ang layo ng trabaho ng Congress at saka ng mayor!’
“Sabi niya, ‘You know what, if I became a mayor first and then naging congresswoman ako, I would have been a better legislator,’ sabi niya.
“Sabi ko, ‘Hayaan mo na. E, di pag nagsawa ka sa pagiging mayor, bumalik ka uli ng Congress, walang problema 'yan.’
“I’m happy sa leadership ni Lucy. Kayang-kaya niya yung pagka-mayor. I thought nung una, baka mahirapan siya, fragile.
“Pero hindi. Matigas. Matigas yung babae! Very stern siya. Pag meron siyang gusto, may timeline lagi yun. ‘O, etong gagawin natin. Bukas dapat tapos na.’
“Ganun siya, e. Dapat may timeline. Tapos pag nagmi-meeting 'yan, ‘Sige, balikan mo ako in two days.’
“May listahan yun. Pag in two days, wala ka pa, sasabihin niya, ‘You’re supposed to report today.’ Ganun siya.
“So, akala nila nung una, very strict ako sa Ormoc. Wait until they see Lucy. Ha! Ha! Ha! Ha!”
PROPOSED BILLS
Dalawang panukala ang unang isinulong ni Congressman Goma para sa kapakanan ng local entertainment industry.
Pahayag niya, “Sa House Bill No. 936, in layman’s terms, gusto kong mag-set up ng isang national archive, film archive or arts archive, ‘no?
“Kasi, sayang yung mga pelikulang nagawa nung mga panahon. Then I remember, there was a time na pumunta ako ng Quiapo, bumili ako ng torotot for New Year.
“Pagbukas ko ng torotot, yung ano, mga negative, mga film… sayang talaga!
“These films, these materials are of historical value, cultural value, so kailangan mo nang itago. And pag hindi natin naitago 'yan, mawawala na 'yan permanently.
“So yun, katulad ng film, mga recordings, mga TV recordings, kahit nung mga una whether in VHS form or betacam form, we have to keep an archive.
“Especially dun sa mga hindi malalaking producers. Yung mga established producers, iba sila, they have their own archive.
“Pero yung mga maliliit na studio, sometimes pag wala na sila, itinatapon na lang yung mga stocks. So, sayang.”
Ang isa pang ipinanukala ni Congressman Goma ay ang House Bill No. 1428.
Paliwanag niya, “The other bill na ginawa ko ay bigyan ng financial award yung mga artist natin na nag-e-excel internationally.
“Yung mga nakakuha ng best actor award, yung mga ganung klaseng award.
“Andami nating isinasali na mga films internationally sa mga film festival and pag-uwi nila dito, yun, uswerte kung nako-cover sila ng media.
“Pero more than that, maganda na meron din silang nakukuha from government na monetary incentives, ‘no, and compensations.”
Siyempre, iyong parameters kaugnay sa incentives ay kailangang busisiin.
“That can be debated upon, that can be talked about sa committee. Kung gaano kalaki yung award-giving body, kung gaano ka-prestigious,” pagmamatuwid ni Goma.
“Yun ang maganda sa Congress, meron kang ihahain and then napapag-usapan sa committee kung ano ba yung pupuwede, ano ba yung maganda.
“Basically, gusto kong ma-incentivize yung mga artists natin. Kasi, ang dami nating magagaling na artists pero pag-uwi dito sa Manila, they have very little money.
“And then sometimes nakakalungkot, you see them pass away tapos wala silang pera at all. These are things that we have to consider.”
