Sinagot ni Vice Ganda ang usap-usapang may pinagdaraanan ang relasyon nila ng partner nitong si Ion Perez.
Pinatamaan ni Vice ang mga “tsismosa” na nagpapakalat umano ng balitang hiwalay na sila ni Ion.
Walang pinangalanan si Vice kung sino ang tinutukoy niyang “tsismosa.”
Pero kamakailan ay tinalakay ni Cristy Fermin sa kanyang online show na Showbiz Now Na! na nanlalamig na umano ang relasyon nina Vice at Ion.
Base sa kuwentuhan ni Cristy at kanyang co-hosts, madalas umanong makita recently si Vice sa bars.
Anila, base sa pagkakakilala ng mga malapit na kaibigan ni Vice, indikasyon daw itong malungkot ang TV host-comedian.
Binanggit din ni Cristy ang recent post ni Vice, kung saan sinabi nitong “very difficult” at “really exhausting” ang mga nakaraang buwan para sa kanya.
Hindi tinukoy ng It's Showtime main host kung ano ang pinagdadaanan niyang ito, pero pinasalamatan ang kanyang supporters.
VICE, ION ADDRESS ISSUE
Sa episode ng It’s Showtime ngayong Miyerkules, August 17, naging extra sweet si Vice kay Ion.
Anim na araw kasing nagkawalay ang dalawa dahil sa kani-kanilang bakasyon—si Vice sa Bohol at si Ion ay sa Japan.
Kuwento ni Vice, umiiyak na siya sa gabi dahil sa pagka-miss niya kay Ion.
“Magmula kasi nung pandemic, di ba, nagsama kami sa bahay. Tapos hindi na kami ganoon nagkaroon ng time na maghiwalay nang matagal.”
Binanggit ni Vice na sinisikap nilang magkaroon ng “balance” ni Ion sa kanilang relasyon.
Aniya, “Nagpunta siya ng Japan kasama niya yung pamilya niya. Nagpunta ako ng Bohol kasama ko ang pamilya ko. So, bala-balanse, time with our families.”
Hirit pa ni Vice: “Masaya kami, huwag kayong gumagawa ng… mga tsismosa kayo!
“Hiwalay na daw kami ni Ion. 'Tong mga damonyong ‘to. Hoy, mga damonyo!”
Dagdag niya, “Pero masaya kami rito. Masaya kaming pamilya, masaya kaming magdyo-jowa, kaya ‘wag kayong anong mga damonyo kayo… ‘wag ganun.”
Samantala, sa isang TikTok video ni Ion ay nagpatutsada siya sa hindi niya tinukoy na tao.
Aniya, “Grabe naman yun, o. Halos wala ka na ngang boses wala pa rin lumalabas na matino at maganda sa bibig mo. Uy, 2022 na, iilan na lang yung araw sa mundo.”
Sa comments section, pinangalanan ng netizens si Cristy na siya umanong pinaparinggan ni Ion.
