May nais linawin si Andrew Schimmer matapos ma-misinterpret ang ulat ng isang tabloid kaugnay ng PHP6 million hospital bill para sa pagpapagamot ng kanyang misis.
November 2021 nang isugod sa St. Luke’s BGC ang misis ni Andrew na si Jorhomy “Jho” Rovero dahil sa cardiac arrest at hypoxemia.
Sa loob ng maraming buwan ay namalagi sa ospital ang asawa ni Andrew at lumobo ang bill nila.
Di naglaon ay maraming netizens ang nagpaabot ng kani-kanilang donasyon kay Andrew via GCash, isang virtual wallet app kung saan maaaring magpadala ng pera, magbayad ng bills, at magpa-load.
Pero maraming netizens ang nagagalit ngayon kay Andrew dahil na-misinterpret nila ang ulat ng Abante noong August 27, 2022.
Nag-ugat ang isyu dahil sa original headline ng tabloid na “P6M utang sa ospital: Coco umayuda kay Andrew.”
Inakala ng netizens na na-settle na ni Andrew ang hospital bill ng misis dahil buo na itong nabayaran ni Coco Martin.
Lumalabas kasi na hindi klaro ang ilang detalye ng artikulo at mali ang pagkaunawa ng netizens dito, o kaya ay hindi binasa nang buo ang report.
At press time ay binago na ng tabloid ang naturang headline.
Apektado si Andrew na nakatanggap ng maraming batikos mula sa netizens na nagpadala ng tulong sa pamamagitan ng GCash.
Inakala kasi nilang na-scam sila sa pagpapadala ng donasyon kay Andrew gayong na-settle na ang PHP6 million hospital bill.
Read: Andrew Schimmer gives update on wife’s condition; appeals for financial help anew
ANDREW CLARIFIES REPORT
Idinaan ni Andrew ang paglilinaw sa social media.
Sa isang Facebook post nitong Sabado, August 27, umaapela si Andrew sa tabloid na baguhin ang caption dahil “INFORMATION IS MISLEADING.”
Bahagi ng post ni Andrew (published as is): “Hndi binayaran ni CoCo ang sinasabi nyong 6M bill na po na yan, bagkus ay nagpahatid lang po ng konting tulong ang ating kapatid nun pa pong last November, and for this I will be forever greatful for CoCo’s kind gesture…
“Pero malinaw ko pong sinabi ito sa aking interview sa inyo pati nga halaga ng binigay sinabi ko just to be transparent with everbody…
“Wala napo kme naging communication after that. Kaya yang caption po na ginawa ninyo is MISLEADING and WRONG INFORMATION.
“At hndi po kme sa MEDICAL CTY again wrong information.”
Gumawa rin ng isang video si Andrew para linawin ang isyu at ipinalabas ito sa vlog ni Ogie Diaz nitong Sabado.
Paliwanag ni Andrew sa video: “Hindi po binayaran nang buo ng ating kapatid na si Coco Martin ang amin pong bill sa hospital which is PHP6 million.
“Kung babasahin niyo pong maigi, nakalagay po doon sa caption na nilagay po ng Abante na nagbigay lang po ng konting tulong yung ating kapatid na si Coco Martin, pero hindi niya po binayaran nang buo.”
Iginiit ni Andrew na malaki ang kanyang pasasalamat sa tulong pinansiyal ni Coco.
Pero nais niyang linawin na ang paunang bayad na iniabot sa ospital ay “hindi effort ng iisang tao lang.”
Sabi ni Andrew, “Ito po ay effort nating lahat. Ito po ay effort ng iba nating kapatid.”
Bukod daw sa donasyon ng netizens via GCash ay kasama na rin dito ang tulong ng ilang showbiz personalities.
Ayon sa ulat ni Ogie, si Andrew ay nakapag-down payment na sa ospital ng kalahating milyong piso at gumawa rin siya ng post-dated check para sa natitirang balanse.
Pero iginiit ni Ogie na patuloy pa ring nangangailangan ng tulong si Andrew dahil malaki pa rin ang balanse na kailangan niyang bayaran sa St. Luke’s BGC.
To those who want to donate, you can send it to Andrew Schimmer via Gcash 09959637265 or BDO savings account no. 011800041053.
