Tampok ang Pambansang Kamao at dating senador na si Manny Pacquiao sa inilabas na teaser ng South Korean variety show na Knowing Bros.
Guest ang Pinoy boxing icon sa 355th episode na ipalalabas sa October 22, 2022, ayon sa website ng show.
Tumagal ng dalawang minuto ang teaser na ini-upload sa YouTube noong madaling araw ng October 15, 2022.
Sa ilang eksenang nakapaloob ay makikitang pumasok si Manny sa classroom-themed set ng show.

Nakasuot siya ng school uniform at nagtanong ng, "Who's the boss here?"
Nasa teaser din ang K-pop star at tinaguriang "Pambansang Krung-Krung" na si Sandara Park, na kabilang din sa show bilang guest co-host.
Ang Knowing Bros ay kilala rin bilang Men on a Mission at Ask Us Anything.
Nag-premiere ito noong December 5, 2015, at ipinalalabas sa South Korea tuwing Sabado.
Mayroon itong fixed cast. Nagkaroon na rin ito ng iba’t ibang format. Sa kasalukuyan ay high school classroom na ang setting nito.
Tampok sa show ang pagdating ng guests bilang visiting students mula sa ibang school at ini-interview ng members ng cast.
May iba pang segment kung saan ang cast at guests ay sumasalang sa games, talent show, o improvisational acting.
Mayroon ding "Guess About Me" segment kung saan magtatanong ang guest ng tungkol sa kanyang sarili, at kailangang hulaan ng hosts ang sagot.
Ang current fixed cast na kasama ni Manny sa teaser ay kinabibilangan nina Kang Ho-dong, Lee Soo-geun, Kim Young-chul, Seo Jang-hoon, Kim Heechul, Min Kyunghoon, Lee Sangmin, at Lee Jin-ho.

Sa teaser ay ipinakita rin ni Manny ang kanyang boxing prowess, at nagpaputok ng balloon sa pamamagitan ng suntok.
Ipinakita rin sa umpisa ang ilang clips noong nagsisimula pa lang siya sa boxing hanggang maging world champion.
Nakita rin ang ilang dance moves ni Sandara na dating member ng K-pop 2nd generation group na 2NE1 at dating Star Magic artist.
Nakatakda ring mag-guest ang Pambansang Kamao sa isa pang South Korean variety show, ang Running Man para sa October 23 episode nito.
