Ibinuking ni Sylvia Sanchez, 51, na nagdi-date ang anak niyang si Ria Atayde, 30, at ang aktor na si Zanjoe Marudo, 40.
Parehong nasa bakuran ng Kapamilya Network sina Sylvia, Ria, at Zanjoe.
"Nung huling sabi sa akin ni Ria, dating, pero hindi pa sila," pagsisiwalat ni Sylvia.
Base ito sa panayam kay Sylvia ng TV5 showbiz news anchor and reporter na si MJ Marfori at ilang reporters noong October 11, 2022.
Ipinunto ni Sylvia na updated siya sa love life ng anak.
Sabi ng beteranang aktres sa aniya'y mga maling intriga na inuugnay kay Ria, "Kaya natatawa ako sa mga lumalabas na buntis, nagpakasal...
"Hello? Ako po una makakaalam. Ako po ang nanay. Hindi kayo na nagbi-video, nagba-vlog diyan. Bago kayo, ako."
Una nang nabanggit ni Sylvia ang tungkol kina Ria at Zanjoe sa Korina Interviews noong October 9, 2022.
Nabanggit ni Sylvia na binisita niya si Ria, at doon sinabi ng dalaga ang tungkol kay Zanjoe.
"Ang huli naming pagkikita ni Ria, nag-usap kami. Kasi hiwalay na kami ng bahay, e. Solo na siya. Sinabi niya, hindi pa raw [official relationship].
"Pero nagliligawan, parang nagpaparamdaman, e, ganun. Hindi ko masabi na oo talaga, kasi wala pang pag-amin, e. Wala pa talaga," sabi ni Sylvia sa panayam ni Korina Sanchez.
- Sylvia Sanchez, nagbigay ng update sa Ria-Zanjoe romance at Arjo-Maine engagement
- Kathryn Bernardo celebrates 26th birthday in Palawan with BF Daniel Padilla and friends
- Joshua Garcia, Ria Atayde call out fake news about them being an item
Nitong mga nakalipas na buwan ay di makakailang madalas nagkakasama sina Ria at Zanjoe dahil sa kanilang circle of friends.
Si Ria ay bahagi ng Nguya Squad o barkadahan nila nina Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, at Joshua Garcia.
Noong magdiwang si Kathryn ng 26th birthday sa El Nido, Palawan noong March 2022, kasama ng grupong Nguya Squad si Zanjoe Marudo at kaibigan nitong si Hyubs Azarcon.
Malapit na kaibigan ni Daniel si Zanjoe, habang si Ria ay malapit na kaibigan ni Kathryn.

Nang magdiwang si Zanjoe ng 40th birthday noong July 2022, makikitang imbitado rin sina Ria, Daniel, at Kathryn base na rin sa video na inilabas ni Zanjoe.
Magkasama ulit ang grupo nina Ria at Zanjoe nang si Joshua Garcia ang mag-birthday nitong October 2022.


Tila low-key naman sina Ria at Zanjoe sa kanilang pagkakamabutihan dahil wala pa silang pino-post na litrato sa Instagram na sila lang ang magkasama.
