Lumikha ng gulo sa Professional Artists Managers, Inc. (PAMI) ang kontrobersiyang kinasasangkutan ng veteran talent managers na sina Lolit Solis at Shirley Kuan.
Ang PAMI ay 28 taon na sa showbiz industry, at parehong founding members dito sina Shirley at Lolit.
Kabilang din sa oldtimers ang kilalang talent managers na sina Dolor Guevarra, Ethel Ramos, Leo Dominguez, Malou Choa-Fagar, Perry Lansigan, Veanna Fores, Sandra Chavez, at Manny Valera.
Ilan pa sa mga kasama sa PAMI ay sina Arnold Vegafria, Jojie Dingcong, Girlie Rodis, Joy Alonzo, Popoy Caritativo, Ricky Gallardo, at Ogie Diaz, na panay beterano sa paghawak ng showbiz careers ng kanilang mga talent.
Isa sa mga pinakatanyag na miyembro ng PAMI ay ang yumaong si Douglas "Tito Dougs" Quijano. Sa ngayon ay may 20 miyembro ang PAMI. Pinamumunuan ito ng presidente nilang si June Torrejon Rufino ng Viva Communications.
PAMI
Nang tumuntong ang 2019, may kabuuang "400 talents" na ang hawak ng managers ng PAMI, at marami sa mga ito ay mga bigatin at respetadong mga artista sa pelikula at telebisyon.
Sa kaso ni Shirley, ilan sa hinahawakan niyang artista—bilang celebrity endorsers o bilang mga aktor sa TV o sa pelikula—ay sina Coco Martin, Albert Martinez, Carmina Villarroel, Helen Gamboa, Agot Isidro, Donna Cruz, at ang yumaong si Susan Roces. Minsa'y naging manager din siya nina Maricel Soriano, KC Concepcion, at Georgina Wilson.
Si Lolit naman ang nangangalaga sa career—full management o co-managed—ng established stars na sina Christopher de Leon, Lorna Tolentino, Senator Bong Revilla, Lani Mercado, Tonton Gutierrez, Glydel Mercado, Amy Austria, Gladys Reyes, Alfred Vargas, at Paolo Contis. Siya rin ang dating manager ni Gabby Concepcion at ng yumaong si Rudy Fernandez.
Ayon sa pananaliksik ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph), nabuo ang PAMI noong 1994 upang palakasin ang impluwensiya ng mga batikang talent managers na subok ang galing sa pagdiskubre ng bagong mga talento at paghulma ng next big stars sa showbiz.
Noon pa lamang, naisip ng sirkulo nina Tito Dougs na kelangang magkaroon ng solidong organisasyon ang mga indibidwal at independent talent managers.
Lalo na't nagbuo na ng sariling talent-management arm ang ABS-CBN (Star Magic, na dating Talent Center) noong 1992; na sinundan ng GMA7 (Sparkle GMA Artist Center, na dating GMA Artist Center) noong 1995.
Ang gusto ng mga network ay may mapagkuhanan sila ng mga artistang hawak mismo nila para sa iba't ibang TV shows at movies sa kani-kanilang bakuran.
Napag-alaman din ng PEP.ph na isa pang malaking mitsa ng pagbuo ng PAMI ay para matulungan ang isang founding member nito: si Lolit Solis.
Noong panahong iyon ay naging malaking dagok kay Lolit bilang talent manager ang pagkakasangkot niya sa 1994 Manila Film Festival (MFF) scandal.
Ang mapabilang si Lolit sa isang solidong grupo, tulad ng itatatag na PAMI, ay makakatulong dito sa panahong bagsak na bagsak ito.
BACKGROUNDER ON THE MFF SCANDAL
Noong Gabi ng Parangal ng MFF, June 22, 1994, ang inanunsiyong nanalo ng Best Actor award ay si Gabby Concepcion at ang Best Actress ay si Ruffa Gutierrez para sa pinagbidahan nilang pelikulang Loretta.
Lumabas na nagkaroon ng dayaan upang maipanalo sina Gabby at Ruffa.
Read: Manila Film Festival 1994: The Scandal that Rocked Showbiz
Bago pa natapos ang Gabi ng Parangal, ipinaalam ng accounting firm na nangasiwa ng tabulation of winners na mali ang mga binasang winners.
Ang MFF ay nasa ilalim ng pamunuan ng Lungsod ng Maynila noong panahong iyon, kaya ang noo'y Manila Mayor Alfredo Lim ang umakyat sa stage para ituwid ang resulta: Ang tunay na nanalo ay sina Edu Manzano bilang Best Actor at Aiko Melendez bilang Best Actress para sa pelikulang Zacarias.
Marami ang artistang nasangkot sa kontrobersiya.
Ang presenters ng Best Actor Award: Nanette Medved at Ruffa Gutierrez.
Ang presenters ng Best Actress Award: Gretchen Barretto, Miss Mauritius 1994 Viveka Babajee, at ang nakababatang kapatid ni Ruffa na si Rocky Gutierrez.
Nakaalis na sa venue sina Gabby at Ruffa nang maisapubliko ang dayaan, pero iniutos ni Mayor Lim na ipabalik sa mga ito ang naiuwing tropeo.
Naglunsad din si Mayor Lim ng fact-finding committee na binuo ng limang katao para imbestigahan ang eskandalo sa Gabi ng Parangal.
Lumantad si Gretchen Barretto bilang whistleblower.
Sa presscon ng June 25, 1994, ibinunyag ni Gretchen na sina Lolit Solis at Annabelle Rama ang nasa likod ng dayaan, ayon sa ulat ng Chicago Tribune.
Si Lolit ay manager ni Gabby, habang si Annabelle ay manager ni Ruffa.
Si Lolit din ang manager ni Nanette, na kasama sa presenters ng Gabi Ng Parangal.
Ayon kay Gretchen, pinangakuan siya ni Lolit na papanaluning Best Actress sa susunod na awards ceremony.
Umabot sa puntong pinakasuhan ni Mayor Lim ng fraud at obstruction of justice ang mga sangkot sa scam na tinaguriang "Filmfest Seven," ayon sa report ng Associated Press (AP), noong June 30, 1994.
Ang pitong kinasuhan ay sina Lolit, Ruffa, Gabby, Annabelle, Nanette, Viveka, at Rocky.
Sinabi noon ni Mayor Lim—na dating National Bureau of Investigation (NBI) director—na nagsabwatan ang pito upang papanalunin sina Gabby at Ruffa sa MFF.
Kalaunan, tumiwalag sina Gabby at Nanette mula sa manager nilang si Lolit.
Kalaunan din, umamin si Lolit na siya ang "mastermind" ng scandal.
Inako ni Lolit ang lahat ng pagkakamali, at sinabing nagawa lamang niya iyon para sa pagmamahal sa alagang si Gabby.
Nag-plead guilty siya sa korte, at nahatulan sa ilalim ng probationary law.
Hindi nakulong si Lolit, ngunit isinailalim siya sa court supervision.
Nang sumunod na taon, 1995, pinawalang-sala ng korte ang anim pang nasangkot sa kaso na sina Gabby, Ruffa, Annabelle, Nanette, Viveka, at Rocky.
LOLIT CAUGHT UP IN NEW CONTROVERSY
Ngayon naman, taong 2022, muling nasasangkot sa eskandalo si Lolit Solis.
Inireklamo si Lolit ng kapwa manager na si Shirley Kuan ng pambu-bully dahil sa "unprovoked attacks" ni Lolit sa alaga ni Shirley na si Bea Alonzo.
May siyam na buwan nang tinitira ni Lolit si Bea sa kanyang IG at tabloid column.
Ang galit ni Lolit kay Bea ay dahil pinatanggal umano ni Bea si Lolit sa guest list ng media na iimbitahin sa presscon ng iniendorsong beauty brand ng aktres noong March 2022.
Si Lolit ay may matagal nang relationship sa beauty brand, at hindi nito matanggap na ipinatanggal daw siya ng nagpa-"power tripping" na si Bea.
Mula Abril hanggang nitong Oktubre 2022, tinadtad ni Lolit ng tirada ang karera, personal na buhay, at pati hitsura ng aktres.
Matagal na nanahimik ang kampo ni Bea.
Hanggang sa noong October 10, 2022, isang napunong Shirley ang humarap sa PEP.ph para sa isang eksklusibong panayam.
Dito inamin ni Shirley na siya—at hindi ang alaga niyang si Bea—ang direktang nagsabi sa beauty brand na huwag imbitahin si Lolit sa March 2022 presscon.
Detalyadong inilihad ni Shirley sa PEP.ph na noon pa lang 2021—sakto sa paglipat ni Bea sa GMA-7 mula sa ABS-CBN—ay panay na ang bato ni Lolit ng hindi magagandang salita laban sa aktres.
Diin ni Shirley, trabaho niya bilang manager ni Bea na protektahan ang aktres kaya nagawa niyang ipakansela si Lolit sa endorsement presscon ng alaga.
Pero hindi tinantanan ni Lolit ng batikos si Bea.
Kuwento pa ni Shirley sa PEP.ph, umabot sa puntong kumunsulta siya sa abogado dahil ang legal team na rin niya mismo ang nagpayong maaari nilang ireklamo si Lolit.
Ngunit si Bea raw ang nagdesisyong huwag idemanda si Lolit dahil mas gusto ng aktres na irespeto ang nakatatanda at huwag nang patulan ang isyu.
Lumabas ang four-part video at five-part written report ng PEP.ph tungkol sa paglalahad ni Shirley mula October 12 - 18, 2022.
Noong October 14, naglabas ang pamunuan ng GMA-7 ng opisyal na pahayag na hindi nito kukunsintihin ang anumang paninira nang walang basehan sa Kapuso actress na si Bea Alonzo.
"Wala sa kultura ng Kapuso ang paninira sa kahit sino man at hindi rin namin pinapayagan na pagsalitaan ng hindi totoo ang aming mga artista at programa.
"Maliit ang industriya ng show business, hangad namin ang masaya, mabuti, at maayos na pakikitungo sa bawat isa," saad sa pahayag ng GMA-7, na iniulat sa online news site at prime-time newscast ng network.
SHIRLEY KUAN'S TELL ALL ON PEP.ph:
- Bea Alonzo's manager Shirley Kuan breaks silence on Lolit Solis "unprovoked attacks" against Bea
- Shirley Kuan gets back at Lolit Solis for saying Bea Alonzo is "power tripping"
- Shirley Kuan on Lolit Solis pitting Bea Alonzo against Marian Rivera
- Shirley Kuan consults lawyer amid Lolit Solis's attacks against Bea Alonzo
- Shirley Kuan commends Bea Alonzo's attitude amid bullying issue
HOW PAMI GOT EMBROILED IN SHIRLEY's AND LOLIT'S ISSUE
Hindi maiwasang madawit ang talent managers' group na PAMI sa kontrobersiya, lalo pa't founding members pareho sina Shirley Kuan at Lolit Solis.
Ngunit ilang araw mula nang lumabas ang special report ng PEP.ph, wala pa ring linaw ang posisyon ng PAMI sa isyu.
Wala ni isa sa mga miyembro ng grupo ang gustong magbigay ng komento. Ni walang komento ang kanilang presidenteng si June Torrejon-Rufino.
Noong October 14, 2022, nagbitiw si Shirley bilang miyembro ng PAMI. Hindi raw niya maatim mapabilang sa isang grupong walang ginagawang aksyon sa reklamo ng pambu-bully ng isang miyembro sa kapwa miyembro.
Ang kakaiba rito, hindi si Shirley ang nagsapubliko ng kanyang resignation kundi si Lolit.
Ipinost ni Lolit sa kanyang Instagram ang screenshot ng Viber message ni June Rufino.
Ang nilalaman ng Viber Message, published as is: "It is now very evident to me, without a shadow of a doubt, that PAMI's silence on this BULLYING BY ANOTHER PAMI MEMBER is tantamount to PAMI SUPPORTING BULLIES & BULLYING."
Hindi nakasaad kung sino ang nagsasalita sa mensahe, pero obvious namang si Shirley Kuan, o SK, iyon.
Base na rin ito sa caption ni Lolit na tinukoy ang isyu sa pagitan nila ni Shirley.
Pagsapit ng October 17, 2022, tatlong araw mula nang mag-resign si Shirley bilang PAMI member, tahimik pa rin ang PAMI sa kontrobersiya.
Sinubukan ng PEP.ph na kontakin si June, presidente ng PAMI, para hingan ito ng opisyal na pahayag sa pag-resign ni Shirley sa PAMI, pati na rin sa sigalot sa pagitan nina Shirley at Lolit.
Pero walang natanggap na kasagutan ang PEP.ph mula kay June.
LOLIT EXPELLED FROM PAMI
Ngayong Martes, Oktubre 18, 2022, hiningan muli ng PEP.ph ng opisyal na pahayag ang PAMI sa isyu, pero wala pa rin kaming natatanggap na sagot.
Tikom-bibig din ang ilang managers na kinontak ng PEP.ph.
Hanggang sa nakakuha ang PEP.ph ng kopya ng official letter ng PAMI: Itinitiwalag na si Lolit Solis sa grupo.
Nakuha ng PEP.ph ang kopya ng PAMI letter mula sa PEP Troika, na kabilang sa mga kaibigan ni Lolit sa entertainment media.
Makalipas ang dalawang oras, inilabas ni Lolit sa mismong Instagram account niya ang PAMI letter ng kanyang expulsion.
Ang PAMI letter ay may lagda ni June Torrejon-Rufino, at may petsang October 18, 2022.
Malinaw daw na violation ang ginawa ni Lolit na pagsasapubliko ng resignation ni Shirley sa PAMI, alinsunod sa confidentiality agreement ng grupo.
Wala namang banggit ang PAMI tungkol sa inirereklamo ni Shirley na pambu-bully sa kanya at kanyang alaga ni Lolit.
Sabi sa official statement ng PAMI (published as is, itals provided):
"Dear Lolit,
"I write on behalf of our group, the Professional Artist Managers, Inc. (PAMI) to inform you that you have violated one of our rules, 'that everything we discuss during meetings and those posted in our Viber chat group should be treated with confidentiality.'
"However, you made public via your Instagram a message of Shirley Kuan, which was posted in our Viber chat by the undersigned.
"This is a clear breach of the confidentiality agreement of our group.
"In lieu of this, I regret to inform you that we have decided to expel you from the group effective today, October 18, 2022.
"Thank you for your service as one of the pioneers of PAMI. We wish you the best in all of your undertakings."

LOLIT'S REACTION
Ang pag-anunsiyo ni Lolit ng kanyang pagkakatiwalag sa PAMI ay sinamahan nito ng personal niyang saloobin: bagamat ikinalungkot daw niya ay maluwag daw niya itong tinatanggap.
Inako ni Lolit ang pagkakamaling sumuway siya sa confidentiality agreement ng talent managers group, pero hindi niya inaako ang paratang ni Shirley na pambu-bully.
Ang kabuuan ng post ni Lolit sa Instagram (published as is):
"Nalungkot ako Salve ng matanggap ko ang EXPULSION letter ng PAMI. Alam ko na may nagawa akong kasalanan kaya tanggap ko ang parusa.
"Humanga ako dahil naging matapang si June Rufino this time na gumawa ng stand. Maganda example na ipakita nila sa lahat na binibigyan nila ng parusa ang mga hindi sumunod sa rules ng PAMI.
"I am sorry for messing up, at mabuti nga ginawa nila ito at baka dumami pa ang mag resign tulad ni Shirley Kuan.
"Ngayon hindi na magri resign ang mga ayaw sa akin, dahil expelled na ako. At least, na EXPEL ako dahil sa ibang rason at hindi dahil sa BULLY ako.
"I admit to my mistake, I bow to June Rufino as president of PAMI, and I hope the organization at ang mga members magtagumpay lahat lalo na ang mga alaga nila na parang anak na kaya inilalaban ng patayan gaya ni Shirley Kuan kay Bea Alonzo .
"Wish all of you well and success. Your EXPELLED member, Lolita Solis #classiclolita"
Sinubukan muli ng PEP.ph na hingan ng official statement si June hinggil sa pagtanggal kay Lolit sa talent managers group.
"No comment" ang tanging sagot ni June.
Sa history ng PAMI, sinasabing kinakailangan ng quorum para sa mga opisyal na anunsiyo o pagkilos ng mga miyembro ng talent managers group.
