Hindi pinalampas ni Atom Araullo ang red-tagging sa kanya at pati na sa ina niyang si Carol Pagaduan Araullo.
Si Carol ay chairperson ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na ayon sa Facebook bio ng organisasyon ay isang "multisectoral formation struggling for national and social liberation against imperialism."
Mapanganib ang reg-tagging dahil, kapag tinawag na "red" ang isang tao, ito ay ihinahanay sa outlawed Communist Party of the Philippines (CPP).
Noong October 18, 2022, isang Twitter user ang tumira kay Atom at nagsasabing "NPA" at "utak ng bomba sa Mendiola massacre" ang kanyang ina.
Mariing pinabulaanan ni Atom ang tinawag niyang "lies" na ipinapakalat ng basher.
Pag-alma ni Atom, "[Twitter user], don’t do that. These are lies, probably fed to you by some of the influencers you follow. Kailan pa naging katanggap-tanggap yung ganito?"
Pagkatapos ay nagmensahe si Atom na hindi dapat kunsintihin ang fake news na maaaring paniwalaan ng iba.
"I don’t usually call out private individuals here, but behavior like this should not be normalized.
"Disinformation is a huge problem globally, one that can have deadly consequences," tweet pa ni Atom.

NUJP STANDS BY ATOM'S STANCE ON DISINFORMATION
Kinondena rin ng National Union of Journalists in The Philippines (NUJP) ang red-tagging kay Atom at ilan pang journalists.
Ayon sa NUJP, ang mismong secretary general ng organisasyon nito, si Ronalyn Olea, ay binansagang “operatibong internet operator” ng Communist Party of The Philippines-New People’s Army-National Democratic Front o CPP-NPA-NDF.
Ito ay sa kabila ng kawalan ng basehan ng alegasyon.
Sabi pa ng NUJP, ang pagtawag ng CPP-NPA-NDF "operative" kina Ronalyn Olea, Atom Araullo, at iba pang journalists “shows that the practice is nothing more than a convenient way to discredit and intimidate inconvenient voices.”
Ibig sabihin, kapag hindi nagustuhan ng gobyerno o mga kapanalig nito ang sinasabi ng isang dyornalista, inihahanay nila ito sa mga rebeldeng tinutugis ng Armed Forces of the Philippines.
Sinabi ni Atom na merong "deadly consequences" ang ganitong gawain dahil ilang beses nang naging biktima ng pamamaril o pananaksak ang mga nare-red tag.
Ayon sa datos ng human rights group na Karapatan, may 421 na biktima ng extra-judicial killings at 504 biktima ng frustrated extrajudicial killings mula July 2016 hanggang August 2021.
Natukoy na ang mga biktima ay human rights defenders at activitists na na-red-tag.
Ayon sa ulat ng Rappler noong December 20, 2021, may 21 media workers at journalists ang napatay mula 2016-2021. Marami rito ang na-red tag.
Nagpasalamat si Atom sa pagtatanggol sa kanya ng kapwa journalists.

