Nakagawa na rin daw ng horror genre ang Kapuso actress na si Carla Abellana in the past. Pero medyo nagulat daw siya sa ginawang four episodes ng Daig Kayo ng Lola Ko (DKNLK) na pinamagatang “Game Over.”
Base sa trailer, tila may pagka-All Of Us are Dead na Korean drama ang "Game Over" dahil tungkol din ito sa mga zombies.
Pero nilinaw naman ni Carla na hindi raw siya zombie rito. At sa mga nakakilala sa kanya, alam daw na ang paborito niyang pinapanood ay mga horror.
“Sobrang na-excite po ako kasi sa wakas, noong nabasa ko pa lang po ang word na zombies, sobrang na-excite na po ako. Napakalaking fan ko po ng horror at marami po ang nakakalaam niyan.”
Parang naging break nga raw kay Carla ang pagkakagawa niya ng DKNLK na magsisimulang mapanood sa GMA-7 sa November 6 mula sa puro drama o iyakan na ginagawa niya.
At bukod dito, natutuwa rin si Carla sa mga nakasama niya sa cast na puro mga Kapuso young stars tulad nina Will Ashley, Althea Ablan, Luis Hontiveros at Cassy Legaspi.
Puring-puri rin niya ang mga ito.
“Napakahusay ng mga bata, super enjoy. First time ko halos na naka-trabaho sina Cassy. Although si Luis, nakatrabaho ko na. Si Althea, very short while. Si Will also, very short while.
“Maiikli lang po talaga, pero sobrang saya kasi yung energy nila, nakakaapekto. Nakakahawa at saka ang huhusay ng mga bata. Sobrang husay. Na-pressure akong humabol sa energy nila. Sabi ko nga, naku, ang mga ito, sobrang physically fit. Kailangan ready tayo rito.
“So masaya at mahuhusay silang lahat.”
CARLA RECOUNTS SCARY EXPERIENCE IN LOLA'S HOUSE
Sa totoong buhay, may sariling horror story rin daw ang actress.
“Actually marami po, marami,” mabilis niyang sagot.
“Kung saan po ako lumaking bahay which is sa bahay po ng Lola ko, very old na po ang bahay na iyon, yung property na iyon.
“Talagang marami po kaming na-experience doon. Naging parte na po siya ng aking childhood. Paglaki ko po, talagang iba-iba… may nakikita, sound or nararamdaman.”
Pero ang pinaka-natakot daw siyang talaga ay noong natutulog siya at may narinig siya.
“Pinaka-nakakatakot yung madaling-araw, nagising ako na may umiiyak sa tabi ko. Yung bed ko po at that time, katabi ng window.
“Doon po sa window, sa labas, may umuungol, may umiiyak. So hindi aso. Kasi, alam ko naman po ang sound ng aso na umiiyak.
“Natakot po ako noon and at the same time, naawa. Maliit na boses lang po siya, very high-pitched, 'tapos, umiiyak po siya. Hindi po siya aso o pusa or whatever.
“Yun siguro ang pinaka-nakakatakot po kasi, ang lapit ko lang sa kanya.”
Sabi namin kay Carla, may impresyon sa kanya na “strong woman” siyang talaga. Hindi siya yung madaling matakot.
Pero natawa ito dahil ang totoo, matatakutin daw siya.
Sabi ni Carla, “Ang totoo, mahilig ako sa horror pero grabe ako sa pagigig matatakutin. Na hindi ko kayang matulog ng walang lampshade or ilaw na naka-on or TV na naka-mute lang.
“So mahilig akong manood, pero sobrang matatakutin. So medyo contrasting, pero na-enjoy ko po iyon.”
