Sa pagdiriwang niya ng ika-25 anibersaryo sa music industry, hindi maitatangging nag-iwan na ng tatak si Aristotle Pollisco, o mas kilala bilang Gloc-9.
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sa pamamagitan ng text messages noong October 30, 2022, nagpahayag ng labis na pasasalamat si Gloc-9 sa mga taong hindi bumitiw sa pagsuporta sa kanya.
"I am very thankful at after ng tagal ng panahon ay nagagawa ko pa rin ang pangarap ko noon.
"Kahit after ng 25 years ay nakakapag-perform pa rin ako para sa lahat ng mga kababayan natin na walang-sawa na bumubuhat sa akin mula pa noon," bungad ni Gloc-9.
Nagsimula siya noong 1996 sa underground hip-hop scene bilang miyembro ng hip-hop group na Death Threat.
Napasok ni Gloc-9 ang mainstream music scene nang madiskubre siya ni Christian Martinez ng Star Music, ang record label arm ng ABS-CBN.
Si Gloc-9 ang lumikha at kumanta ng theme sa mga youth-oriented movies na Trip (2001) at Jologs (2002) na iprinodyus ng film company ng ABS-CBN na Star Cinema.
Taong 2002 nang sumabak siya sa Himig Handog contest kunsaan nakilala ang kanta niyang "Bakit?"
Mula noon ay sunud-sunod na ang hit compositons ni Gloc-9 tulad ng "Sirena," "Sumayaw Ka," "Torpedo," "Upuan," at iba pa.
Sa pagpapatuloy ng panayam ng PEP.ph, inamin ni Gloc-9 na naisip niyang mag-quit sa pag-compose at pagiging rapper noong kasagsagan ng pandemya at hindi pinapayagan ang live performances.
Naisip pa raw nito kung panahon na bang gamitin niya ang kursong Nursing at mangibang-bansa na lang.
"Tinatanong ko na din yun sa sarili ko. Sabi ko, nagawa ko na naman na lahat ng hinihiling ko noon.
"Pero siguro, parang relasyon talaga ito, e. Kung mahal mo, babalikan mo talaga lagi," ani Gloc-9.
Ang dahilan bakit hindi siya nagku-quit: "Yung mga taong walang-sawa na sumusuporta sa amin.
"Yung pakiramdam ko kapag nakakalikha ako ng kanta."
ON respect for OTHER OPM SINGERS
Kilala rin si Gloc-9 sa collabs niya sa ibang kilalang OPM singers tulad nina Chito Miranda ng Parokya Ni Edgar, Yeng Constantino, at pati namayapang master rapper na si Francis Magalona.
Malaki raw ang respeto ni Gloc-9 sa iba pang nagtataguyod ng musikang Pilipino.
Aniya, "Madami tayong magagaling na OPM artist at gusto ko silang makatrabaho lahat."
Pagkatapos ng matagumpay na 7-city tour niya sa America kasama ang Rivermaya, Introvoys, at True Faith, pinaghahandaan naman ni Gloc-9 ang nalalapit niyang concert sa Canada kasama ang rapper na si Shanti Dope.
May titulong Rapsada Sa Canada, ito ay bahagi ng 25th anniversary celebration ni Gloc-9 sa music industry.
"Yung U.S. tour namin, bukod sa nakapag-perform ako sa mga kababayan natin doon, napakagandang experience dahil sa naging samahan namin doon sa tour.
"Ito ay magpapaalala sa iyo na walang mas mataas o mas malaki na artist. Lahat kayo pantay-pantay lang, lahat tayo ay magkakapatid.
"Sa Canada naman, matagal na din kaming di nakapunta ng Canada kaya excited na akong makita ang mga kababayan natin doon."
Ang schedule ng Canadian tour nina Gloc-9 at Shanti Dope: Toronto sa November 18, Winnepeg sa November 25, Edmonton sa November 26, at Calgary sa December 3.
