Isa na namang pagkilala ang iginawad sa actor-director na si Mike Magat.
Nitong October 13, 2022 ay tumanggap si Mike ng parangal bilang Honorable Mention sa NYC International Film Festival Manhattan 2022 para sa short film na pinagbidahan at idinirek niya, ang Korona.
Ito na ang ikalabindalawang (12) award ni Mike sa buong showbiz career niya mula sa iba’t ibang film festivals.
Bukod kay Mike ay tumanggap rin ng honorable mention award si Catherine Yogi na kasama rin sa Korona. Ang baguhang international actress na nakabase sa Japan ay nanalo dati bilang Mrs. Tourism World 2021 sa Japan.
Nasa Korona rin si Gwen Garci.
Mula sa TASK Entertainment Productions, ang Honorable Mention award ay isang espesyal na parangal sa husay sa pag-arte bilang artista at pati na rin sa pagiging direktor ni Mike ng nabanggit na pelikula.
Kasalukuyang nasa Amerika si Mike.
Pahayag ni Mike sa panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) sa pamamagitan ng Facebook messenger, “Ang dahilan po ng pagpunta ko dito sa U.S. ay dahil napabilang nga ang aming short film bilang official selection sa NYC International Film Festival Manhattan 2022.
“Kami po ay naimbitahan, kasama ng aking artista na si Catherine, para um-attend po sa awards night noong October 13 sa Philippine embassy sa dito sa US.”
Bago lumipad patungong Amerika ay nakagawa si Mike ng mga proyekto dito sa Pilipinas.
Lahad niya, “Ang huling taping ko sa GMA-7 iyong Magpakailanman, at marami po akong naiwan na proyekto sa Pilipinas na nagkaron ng conflict.
“May shooting sana ako kay Direk Erik Matti na pang-HBO, tapos may taping sana para sa ABS-CBN, iyong Iron Heart, at taping rin para sa GMA-7, pero dahil nakasagot na po ako sa pagpunta sa U.S. para um-attend nga sa film festival.
“Sa isip ko naman ay sa aking pagbabalik ng Pilipinas ay puwede pa naman. At dito sa U.S., after the awards night, mayroon naman din ako offer na mag-shoot ng MTV at pelikula na international ipapalabas. Kasama din si Catherine Yogi sa mga projects na gagawin ko."
Dagdag niya, “Dumating po kami dito sa U.S. noong October 11, mahigit isang buwan na rin.
“Siguro after naming matapos ang bagong pelikula na pang-international release ulit saka na kami uuwi, baka after New Year na po. Kasi kailangang makunan ng scene na kasama sa film ang New Year Countdown sa New York.”
Magkapareha rin sina Mike at Catherine sa pelikulang 7 Days na mula rin sa TASK Entertainment Productions at malapit nang ipalabas sa iba’t ibang bansa sa susunod na taon.
Sina Mike at Catherine ay mga host din ng programang Partners In Crime, na napapanood sa Channel One Global tuwing Sabado (1 p.m., Philippine time), na tungkol sa sari-saring usapin o lugar.
Natutuwa si Mike dahil unti-unti na niyang naa-achieve ang makapasok sa international market. Patunay nito ang maraming offers sa kanya na gumawa ng pelikula at telenovela o serye sa ibang bansa sa susunod na taon.
AWARDS AND ACCOLADES
Ano ang nararamdaman ni Mike na isang dosena na ang kanyang mga parangal bilang aktor at direktor?
Saad niya, “Ang pakiramdam ko po ay hanggang ngayon ay hindi pa rin ako naniniwala na magkaka-award ako na aabot sa twelve awards!
“Para sa akin ay makasali lang sa mga film festivals ay sapat na, lalo na sa international, iba po kasi yun. Pero dahil sa passion ko naman ito ay gawa lang nang gawa at para makatulong din po ako sa mga baguhan na nangangarap pasukin ang showbiz.
“Basta sobrang saya po ng pakiramdam kapag nakakatanggap ako ng awards, lalo po akong nai-inspire na gumawa pa ng pelikula.
“At bilang isang Pilipino na maging proud po tayo na mabigyan ng karangalan ang ating bansa, at salamat sa tulong ng AMA at salamat po sa patuloy na naniniwala sa kakayahan natin.”
Pangalawang parangal na ito ni Mike mula sa International Film Festival Manhattan dahil noong 2017 ay nagkamit na siya ng Independent Achievement Award para sa pelikula niyang Secret In The Dark.
Ilan pa sa awards na ni Mike ay ang Best Ensemble Award sa Subic Bay International Film Festival/NCAA Certificate of Participation (para sa pelikulang Isang Hakbang noong 2018); Best Short Film at Grand Prize winner sa 8th Annual International Film Festival sa Manhattan (para sa pelikulang Disiotso noong 2018); Ambassador Award (para sa pelikulang Secret In The Dark, 2018); Best Short Movie of the Year sa 35th PMPC Star Awards for Movie (para sa 10 Seconds noong 2019); ASEAN Excellence Achievers Awards noong 2021 mula sa Film Development Council of the Philippines o FDCP; at Achievement Award sa International Film Bangkok Thailand para rin sa pelikulang Korona nito lamang June 2022.
