Usap-usapan ang husay ni Andrea Torres sa kanyang pagganap bilang Sisa sa Maria Clara at Ibarra ng GMA-7.
Sa episode na ipinalabas noong November 2, 2022, tuluyan nang nabaliw si Sisa dahil sa pagkawala ng mga anak niyang sina Crispin at Basilio.
Halos lahat ng mga naging reaksiyon sa naturang performance ni Andrea ay puro papuri at paghanga sa kahusayan niya bilang isang aktres.
Sabi ni Andrea sa email interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong November 13, 2022, “Hindi ko po alam actually kung paano ko best ide-describe ang nararamdaman ko.
“Bilang isang artista, sobrang sarap po sa pakiramdam nung nangyari, na marinig at mabasa ang naging epekto sa kanila. Nagulat po ako! Hindi ko po akalain. Overwhelming po talaga."
Masaya si Andrea na ang mga manonood ay nagkaroon ng panibagong appreciation para kay Sisa, na kilalang karakter sa Noli Me Tangere ni Jose Rizal.
Sa pagpapatuloy niya, "Malaking bagay po sa akin nung sabihin nilang mas naunawaan nila si Sisa at na-a-appreciate nila siya ngayon bilang isang mapagmahal na ina.
“Mas iyon po kasi yung gusto ko talaga ma-highlight. More than yung naging baliw po siya, yung puso niya na ang nilalaman talaga ay ang kanyang mga anak.”
Saan siya humuhugot ng emosyon sa mabibigat niyang eksena sa Maria Clara At Ibarra?
“Yung pagkakakilala ko po kay Sisa based sa research po na ginawa ko at lahat ng pinagdaanan niya.
“Napakabigat po kasi talaga. Kumbaga habang binabasa ko, gustung-gusto ko siyang yakapin, kung puwede lang! Hindi ko po mapigilan, na-attach talaga ako.
“At the same time, very close kasi ako sa parents ko. So iba rin po talaga ang dating sa akin ng parents.”
Ayon pa kay Andrea, ang papel niya bilang si Sisa ang pinakamabigat na papel sa kanyang buong acting career.
“Yes. I think so po. Dito ko naranasan na after ng taping, bagsak talaga ako the next day.
“Masakit ang mata ko, mina-migraine ako, pero masayang-masaya ang puso ko. Natatapos ang araw na lagi akong may malaking ngiti.
“Very fulfilling po. Kasi honestly maraming eksena dito, especially the one that aired [noong November 2], na grabe ang kabang nararamdaman ko.”
best-dressed at sparkle halloween party
Samantala, itinanghal naman si Andrea na Best Dressed sa Female Category ng The Sparkle Spell, ang Halloween party ng Sparkle at GMA Network na ginanap noong October 23, 2022, sa XYLO sa BGC sa Taguig City.

Ang costume ni Andrea ay sexy version ni Ursula, ang main kontrabida ng The Little Mermaid.
Saan siya kumuha ng inspirasyon sa costume niya?
Kuwento ng Kapuso actress, “I don’t know why I suddenly thought of Ursula.
“Nasa taping po ako nun, on the way kami sa location, nag-pop lang siya sa utak ko.
“'Tapos sabi ko, 'Okay, that could be an option.' Pero since nagka-idea ako nun, hindi ko siya matanggal sa isip ko. Hahaha.
“At biglang na-inspire na ako, kung anu-anong ideas ang pumapasok sa akin on how I can create my own version of Ursula.
“So I took it as a sign and went with it. Gusto ko lang po talaga ng something different. Once a year lang ang Halloween, so let’s have fun with it.
“Also, nung bata po kasi ako, kadalasan talaga mas gusto ko yung villain. Hahaha, naaaliw kasi ako sa looks nila talaga.”
