Umamin si Zeinab Harake na naranasang lumaki ang ulo dahil sa kasikatan.
Rebelasyon din ng social media personality, nawawala siya ngayon matapos ang mga pinagdaanang kontrobersiya.
Diretsong tinanong ni Boy Abunda si Zeinab sa YouTube vlog ng veteran host noong November 18, 2022.
“You’re one of the most-loved social media stars. Sumikat ka nang husto. May mga pagkakataon ba na yumabang ka?” usisa ni Boy.
“Opo, meron. Hindi tayo magpapaka-plastic,” prangkang sagot ni Zeinab.
“Like, meron po talaga na hindi mo makokontrol…
“Pero hindi ko naman po siya para makasakit ng iba. Hindi ganoon.
“Nami-misunderstood lang kasi yung bunganga ko minsan talaga, taklesa ako, e. Natural lang iyon sa bunganga ko.
“Pero minsan naman masama. Ang dating sa iba mayabang, pero sa akin, ano ko lang, random thoughts ko lang sa utak ko.”
“TRAYDOR” CONTROVERSY
Napag-usapan din ang pinakahuling kontrobersiya na kinasangkutan ni Zeinab.
Noong nakaraang buwan, nagkaroon ng hidwaan si Zeinab at talent manager na si Wilbert Tolentino.
Ibinulgar ni Wilbert ang screenshots ng mga mensahe ni Zeinab kung saan may mga masasamang sinabi ito sa mga kaibigan at kasamahan niyang vloggers.
Inakusahan ni Wilbert si Zeinab na isang traydor na kaibigan.
Inako ni Zeinab ang pagkakamali at nag-sorry sa mga nasangkot na vloggers na ang iba ay malalapit pa niyang kaibigan.
Aminado si Zeinab na may mga pagkakamali siya.
“Madami po, like, masama na yung binibitawan kong salita.
“Pagkakita ko [sa screenshots], ‘Oh, my God!’ napaganun na lang ako. ‘Bakit ko iyan sinasabi sa iba?’
“Mga ganoon na hindi ko talaga alam din.
“Hindi ko ide-deny kasi ako yun, e. Hindi ko naman tinanggi. Inako ko kaagad, ‘tapos nag-sorry ako agad, kasi pagkakita ko pa lang, alam kong mali. Alam kong makakasakit ako.”
Dahil nga raw nakunsensiya, nahirapan siyang patawarin ang sarili.
“Ako din napi-feel sorry ako sa sarili ko kasi, ‘Ano bang pinaggagagawa mo? Anong tingin mo sa sarili mo?’ parang may mga ganoon ako.
“’Tapos ang unfair kasi sa part ko yung sarili ko di ko magawang hingan ng tawad o patawarin, kasi totoo naman, e. Masyado na akong nilalamon ng kung anu-ano and sa sobrang daming [pinagdaanan] nawawala ako.”
Pangungumpisal ni Zeinab, “Nawawala talaga ako. Di ko pa din alam kung saan ako dadalhin, kung saan ako ngayon.”
Sa ngayon ay humuhugot siya ng lakas mula sa kanyang mga anak.
Patuloy rin daw siya sa pagdarasal dahil dito niya nasasabi ang mga nais niyang sabihin na hindi niya kayang sabihin sa mga taong nakapaligid sa kanya.
“Gusto ko lang maging okey. Maging maayos na tao, nanay…” sabi ng naging emosyonal na si Zeinab.
