Hindi pa raw iniisip ni Alfred Vargas ang posibilidad na siya ay kumandidato sa isang national position sa mid-term elections sa 2024.
"Ngayon, hindi ko pa iniisip kasi ini-enjoy ko na lang muna yung pagiging konsehal ko," bungad ni Alfred, na konsehal sa District 5 ng Quezon City.
Mula 2013-2022 ay congressman siya ng District 5 sa Quezon City. Pumalit sa puwesto ni Alfred ang nahalal niyang kapatid na si PM Vargas.
"Pero for 2022, ang daming nag-invite sa akin to run for national. Nag-decline ako kasi masaya naman ako dito.
"Tapos, gusto ko ring magpahinga in a sense na mas magaan yung trabaho sa council."
Ano ang kaibahan ng trabaho ng congressman sa councilor?
Paliwanag ni Alfred: "Yung congressman kasi, ang coverage niyan is nationwide, lahat ng Pilipino.
"Kapag konsehal ka na, ang iisipin mo ay yung kapakanan ng nasasakupan.
"Medyo malaki yung difference, pero it’s the same process ng policy-making legislation.
"Na-enjoy ko kasi tayo grumadweyt tayo ng Masters ng Public Administration sa U.P. [University of the Philippines].
"Patuloy na yung pag-aaral natin kasi sa February, mag-e-enroll ulit ako, magpi-PhD [doctor of philosopy] na ako ng Urban Planning sa U.P. pa rin.
"Ayun, natutuwa ako kasi tuluy-tuloy lang."
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Alfred at ilang entertainment press sa Palm Grill Restaurant sa Tomas Morato, Quezon City, noong November 22, 2022.
Ayon sa online library ng legislative resources, ilan sa mga panukala na isinumite ni Alfred sa Kongreso noong 2019-2020 ay may kinalaman sa hepatitis testing, pagtayo ng Philippine Center for diabetes and endocrinology, at pagtayo ng breast cancer center sa Novaliches.
May panukala rin siya para sa mga polisiya sa plantilla positions ng teachers na may serbisyo mula limang taon pataas, employment rights for reserve force of Armed Forces of the Philippines, training programs para sa teachers of children with disability, at pag-upgrade ng minimum salary rate of nurses.
Paano puwedeng ikonek ang pagiging konsehal sa showbiz?
Sagot ni Alfred, "Tulad niyan, ang City of Stars ay Quezon City, di ba? Napaka-successful ng Quezon City.
"Lahat iyan nanggagaling dito sa ordinansa, sa policy, so yung mga ganyang bagay kaya nating masuportahan.
"Halimbawa, yung Quezon City, paano ba siya magiging inclusive sa mga shooting, sa taping, sa mga networks? Marami tayong puwedeng gawin."
Ano ang masasabi niya sa mga artistang pumapasok na rin sa pulitika?
"Basta nasa puso niyo yung totoong paglilingkod, kesyo abogado ka, kesyo doktor ka, mayroon kang karapatang ipresenta yung sarili mo na tumakbo.
"Iyon na yung stand ko, basta Pilipino ka at mahal mo ang paglilingkod, puwede.
"Hindi porket artista ka, mananalo ka na agad, hindi. There’s no guarantee kasi, in the end, tao pa rin ang magde-decide."
Read: Alfred Vargas, nag-celebrate ng 43rd birthday kasama ang pamilya at mga kadistrito
ON BEING ACTIVE AGAIN IN SHOWBIZ
Dahil mas marami siyang oras ngayon, nakasabak na uli si Alfred sa mga teleserye ng GMA-7.
Aniya, "You know what, very grateful ako sa GMA. Kasi, nung tapos na yung election and councilor na ako, dalawa kaagad yung ibinigay sa akin, which are Unica Hija at Arabella.
"Ang gaganda ng roles ko, grateful talaga ako sa GMA."
Ano ang pinaka-memorable project na nagawa niya?
"Sa TV, Encantadia [2005]. Sa movie, Supremo [2012]. Maganda rin yung Bridal Shower [2004].
"Ang hinahanap ko ngayon kapag nag-iisip ako... Ang dami ko nang nagampanan na roles sa buhay, pero sabi ko parang kulang ako sa romantic-comedy, yung mga light lang.
"Mga pelikula ko Bonifacio [Supremo] at Bridal Shower. Parang kulang pa ako sa rom-com."
Sinisiguro raw ni Alfred na bigay-todo siya sa kahit na anong proyekto.
"Happy ako kasi lahat ng roles na nagampanan ko, magagandang roles 'tsaka award-winning roles.
"Yung sa Bridal Shower, nanalo ako ng award dun." Ang tinutukoy niya ay ang MMFF 2004 entry na Bridal Shower kunsaan nanalo siyang Best Supporting Actor.
Patuloy pa niya, “I think bilang actor, versatile ka dapat, hindi ka lang pang-drama at pang-action.
"Minsan kapag may daring din na humihingi ng role, kasama yun sa trabaho mo. Ako, happy ako na nagawa ko yun.
"May panahon para sa lahat. At tapos na yung panahon ko kasi may mga anak na ako."
Proud si Alfred sa kanyang showbiz roots.
Saad niya, “I would not be anywhere near where I am today if it weren’t for show business.
"Ang pag-aartista, iyan yung nagpakain sa akin. Nakabili ako ng bahay dahil diyan, diyan ko napalaki ang mga anak ko.
"Wala ako kung wala ang showbiz."
- Victor Consunji, Rachel Carrasco all smiles at famous bridge in Paris
- Justin Cuyugan on breakup with Dawn Chang: "It was very traumatic."
- Sharon Cuneta lovingly calls out Mavy Legaspi for calling her "Ms."
- Herlene Budol, nabatikos dahil sa pajama photos niya sa puntod ng kanyang lola
ON KIDS ENTERING SHOWBIZ
Ramdam ni Alfred na may interesado sa mga anak niyang nais din tahakin ang showbiz.
Sina Alexandra Milan at Aryana Cassandra ang dalawang anak na babae nina Alfred at Yasmine Espiritu.
"Tingin ko yung dalawa kong anak ay interested ding mag-showbiz, pero ayokong mag-mention, e. Gusto ko sa kanila mismo manggaling.
“Ako naman yung first artista sa pamilya namin. Gusto ko sa kanila mismo manggaling, hindi ko sila pipilitin," ani Alfred.
May nakikita ba siya sa mga anak na interesado rin sa pulitika?
"Lahat sila leaders, e. Class officers, class president, at matataas yung grades nila. So, tingnan natin.
"Ang service naman hindi na kinakailangang mag-politics ka. Puwede namang sa ibang paraan ka mag-serve.
"Pero once again, pag nakikita naman nila ako and kapag nagustuhan nila, why not, di ba?
"It’s one of the best things to do in life, ang tumulong ka sa ibang tao."
ON HIS WIFE'S BUSINESS
Ang maybahay naman niyang si Yasmine, supportive sa pagsabay ni Alfred sa pag-aartista at pagkokonsehal.
"Very supportive. Supportive siya in a sense na kapag umuuwi ako ng bahay, wala na akong iisipin, magpapahinga na lang ako, at makakakuwentuhan ko sila kasi ayos na lahat sa bahay dahil sa misis ko.
"Napakalaking bagay. Kasi kapag hindi ayos yung bahay niyo, iisipin mo pa yun bago ka lumabas."
Maliban pa rito ay may negosyo raw ngayon si Yasmine.
Ayon kay Alfred, "Ang lakas ng skincare line niya, Amoris Skin. For the longest time, ang daming nagtatanong sa kanya online kung anong beauty tips niya.
"Yung mga ginagamit niyang sabon before, galing pang Italy.
"So, ang ginawa niya, mayroon siyang kaibigan ditong chemist, for more than a year, pinag-aralan yung tamang formulation for her skin, and iyon yung Amoris Skin.
"It’s still a home business, nasa Shopee. Online siya."