Dinepensahan ni LA Santos si Jane de Leon mula sa mga kritiko kaugnay ng pagganap ng Kapamilya actress bilang bagong action hero sa Darna.
Kabilang si LA sa mga artista ng drama-fantasy series ng ABS-CBN. Ginagampanan niya ang role bilang si Richard, isang paramedic.
Pahayag ni LA, “Ang way lang ng pagde-defend ko kay Jane, pinapatawa ko lang siya, e. Pinapa-smile ko siya.
“Pinapaalaala ko lang sa kanya na ano, lahat ng nandiyan para suportahan ka. Lahat ng iyan may reason kung bakit nandiyan.
“She really takes it as ano, push sa kanya. Kaya yun nga yung na-appreciate ko sa kanya. Never niyang tinake as negatively yung mga comment na yun. Tinake niya yun as a way to push herself.
“’Tapos, nakita talaga namin, minsan nga dyinu-joke-joke na lang namin yung mga ganoon. Hindi siya affected. Kaya nga po ano e, sobrang nakikita ko talaga sa kanya si Darna.”
May mga comment kasi ang netizens na di nila maramdaman umano ang pagiging “hero” ni Jane.
LA REVEALS JANE’S ‘HEART OF GOLD’
“Kung alam niyo lang, si Jane sobrang heart of gold din,” depensa ni LA.
“Isa siya sa mga may soft spot para sa mga bata. May nakita ako na may mga tinulungan siya na dating ano, e… mga bata for Darna.
“Si Jane, pagdating sa mga bata, like sina Jude [anak nina Janella Salvador at Markus Paterson] or pagdating sa ibang baby na nakakasama niya, may soft spot siya doon.
“Parang may tinutulungan siya dati na mga bata, pinapakain niya sa labas ganoon.
Parang one time may taping kami sa labas. Yung mga natirang taping food sa amin, yun.
“Pinamigay niya lahat yun sa mga nandoon. Hindi yun alam ng mga tao.
“Yeah, she’s a real Darna for me.”
LA AMAZED AT JANE’S ACTING PROWESS
Bilib din si LA kay Jane bilang artista.
“Very, very amazing,” bulalas niya.
“Masasabi ko lang kay Ms. Jane, I’m so proud of her. Parang nakita ko rin talaga kung paano niya pinaghirapan, e.
“Hindi niyo lang po nakikita, pero nung mga bandang first and second cycle, ano po iyang si Jane…
“Kunyari, after taping, pupunta pa iyan sa editing. Babantayan pa niya yung edit niya. Kahit mga bandang 1:00am or 2:00am na, iniisa-isa pa po niya lahat.
“’Tapos, na-appreciate ko po sa kanya, binabantayan niya rin kaming mga ano, mga support niya po.
“Kunyari, meron siyang hindi gustong eksena, kahit ako po, for example. Pag hindi niya nagustuhan yung binigay ko, sasabihan niya po talaga ako.
“Kaya yun po yung sobrang na-appreciate ko sa kanya kasi sobrang ano po, e… she’s very critical and very ano, binabantayan talaga yung product namin dito sa Darna.
“Kaya sobrang proud ako sa kanya. Sobrang deserved niya yung nangyayari sa kanya.”
LA PROUD OF DARNA FAMILY
Parang isang tunay na pamilya raw sila sa set ng Darna.
Pagmamalaki niya, “Sobrang family po kami doon. Yun lang ang masasabi ko doon.
“Kapag naiisip ko nga po minsan, parang naiiyak na ako. Kasi yung naa-appreciate ko kina Jane, kina Joshua [Garcia], kina Janella [Salvador]... angatan.
“Parang nagtutulungan po kami pa-angat po. Wala po kaming mararamdaman na mas mataas si ganito, mas mataas si ganyan.
“Parang naramdaman ko talaga po yung gusto lang ng lahat yung as a buong unit lumipad po kaming lahat. Yun po ang na-appreciate ko sa Darna, kasi parang ilang cycles na po kami nagsasama-sama.
“So parang family na po talaga kami, lalo na po si Janella. She’s like a sister to me na talaga po. Nag-aasaran nga po kami, e.”
LA ADMITS CRUSH ON JANELLA
Very open si LA sa pag-amin na crush niya si Janella, na gumaganap bilang kontrabidang si Valentina.
Banggit niya, “Alam po ng iba dito na showbiz crush ko yun dati.”
Anong nangyari nung una silang magkita ni Janella sa set?
“Wala po,” kinikilig na sagot ni LA.
“To be honest, super na-starstruck po ako sa kanya. Kinilig din. Kinilig na rin. Masasabi natin talaga na mas maganda siya in person.
“Inasar niya agad ako. Sabi niya, ‘Balita ko crush mo ako.’ Yung ganoon po... hahaha! ‘Tapos, sabi pa niya, ‘Nabasa ko yun, ha?’”
Ano ang naging reaksyon niya?
“Sabi ko, ‘Suwerte mo!’ Hindi, joke lang. Hahaha!
“Parang na-develop lang din talaga yung friendship naming dalawa.
“Kaya po para kaming naging magkapatid dahil doon nga nag-start, e. Kumbaga, yun na yung naging icebreaker namin.”
Nakita na niya ang baby ni Janella na si Jude?
“Opo, actually ano po, e, hindi ko lang alam kung gusto niyang pa-share. Pero ako po yung ninong. Hehe!
“Opo, kinuha niya akong ninong para kay baby Jude,” ngiti ni LA.
LA REVEALS NEW CRUSH
Sino ang bagong showbiz crush niya ngayon?
“Si Ms. Kira [Balinger],” walang kagatul-gatol na tugon ni LA.
“Ano po kasi, happy lang ako na naka-work ko na siya dati. Sobrang magaling. Isa siya sa mga pinakamagaling na leading lady.”
Alam na ba ni Kira na crush siya ni LA?
“Alam niya. Sinasabi ko naman sa kanila na crush ko sila,” pag-amin ni LA.
Niligawan na ba niya si Kira?
“Wala pa po sa ngayon. Kasi parang mas ine-enjoy ko lang talaga yung mga taong nakakasama ko po,” ani LA.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si LA sa thanksgiving lunch sa MESA restaurant sa T. Morato Ave., Quezon City last November 18, Friday.
“Sobrang thankful po ako sa mga totoong naniniwala sa akin na press. Dahil po sa inyo, natuto ako sumagot sa mga interbyu. Natuto po talaga ako sumagot dahil sa inyo. Kaya na-praktis na po ako,” sabay tawa ni LA.
“At siyempre, pinaka-thankful ako kay Mommy [Flor Santos]. Pinaglaban niya talaga ako. Kasi kung hindi kay Mommy, wala po tayong lahat dito,” seryosong-biro pa niya.
LA WANTS TO LEVEL UP HIS ACTING GAME
Ano ang nakapagkumbinse sa kanya na pasukin na rin ang larangan ng pag-arte?
“Actually, ano po, e… parang nung una nga po, medyo nagdadalawang-isip pa ako sa acting. Pero nung nakapasok na po ako sa acting, na-in love po ako. Sobra po, as in.
“Na-in love po ako sa fact na parang napupunta po ako sa ibang mundo, lalo na kapag may scenes ako, especially dito sa Darna, kapag may mga scenes kami dito na mga alien na kalaban, may mga alien na nagsasabugan.
“Nakaka-amaze lang po sa akin, kasi kumbaga, parang bakasyon na rin siya para sa akin. Kasi, nare-relax po ako, or parang nakakalimutan ko po yung mundo saglit po.
“Yun po ang sobrang na-appreciate ko sa acting, e. Kaya nga po parang mas gusto ka pa pong gumaling sa acting.
“I wanna take on more challenging roles. And gusto ko na rin po talaga na mag-grow ang sarili ko kasi nandito na po, e. May mga tumutulong na po sa akin, kayo po. Hehe!
“Kaya ayoko rin pong sayangin yung tsansa na binibigay sa akin,” pahayag ni LA.
