Hindi nakalimutan ni Angelica Panganiban, 36, ang mentor niyang si Johnny “Mr. M” Manahan nang parangalan ang aktres ng loyalty award sa Star Magic.
Si Angelica ay ginawaran ng Star Magic Loyalty Award dahil sa 28 years niyang pagiging solid artist ng Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN.
Si Mr. M ay co-founder at dating head ng talent management arm na kinabibilangan ng aktres sa halos tatlong dekada.
Pero noong July 2021, inanunsiyo ang pagiging consultant ni Mr. M. sa GMA Artist Center (ngayon ay Sparkle GMA Artist), ang talent management arm ng Kapuso Network.
Sa acceptance speech ni Angelica ng kanyang loyalty award, pinasalamatan niya ang ilang pinakaimportanteng taong naging instrumento sa kanyang showbiz career.
Una niyang pinasalamatan ang manager na si Cris Navarro-Tapang, na taga-Star Magic din.
Sabi ni Angelica ukol sa manager, “Siya ang may gut feel kung tama o mali ang gagawin ko.
“Siya ang magdedesisyon kung tatanggapin ko ang trabaho o hindi," aniya sa video na ipinost sa Star Magic YouTube channel.
At saka siya nagbiro ukol sa desisyon ni Cris na mag-pictorial si Angelica noon para sa men’s magazines na Maxim at FHM.
“Nung mga panahon na iyon, si Tita Cris ang dahilan noon,” ngiti ni Angelica.
“Sila, actually, ni Mr. M and Tita Mariole [Alberto]. Wala sila dito pero naging malaking parte sila talaga ng career ko.”
Si Mr. M ay kilalang mentor at nagsilbing tatay-tatayan ng mga talent ng Star Magic noon.
Si Mariole ang sumunod na naging head ng Star Magic nang bumaba sa puwesto si Mr. M, pero sabay silang lumisan sa ABS-CBN noong 2020 at ngayon ay parehong nasa bakuran ba ng GMA-7.
Read: Johnny Manahan breaks silence about why he left ABS-CBN
Nangyari ang pag-award kay Angelica sa Star Magic gathering na thanksgiving/Christmas event na ginawa sa Sheraton Manila Hotel sa Pasay noong linggo, November 27, 2022.
Bukod kay Angelica, binigyan din ng loyalty award sina Shaina Magdayao, Nikki Valdez, Dominic Ochoa, at Dimples Romana na pare-parehong 25 years na sa Star Magic.
Ginawaran din ng award si Kaye Abad dahil sa kanyang 26 years sa Star Magic.

Angelica Panganiban (right) with manager Cris Tapang.
ADVICE TO YOUNGER ARTISTS
Sa kabilang banda, sa kanyang speech ay tinawag ni Angelica ang atensiyon ng mga baguhang artista ng Star Magic.
Aniya, maraming mga batang artista ang gustong sumunod sa kanilang mga yapak. Pinayuhan niya ang mga itong magkaroon ng “patience, tiwala, communication, tatag ng loob.”
Ipinaliwanag niyang darating ang mga panahong kukuwestyunin nila ang kanilang sarili kung para sa kanila ang pag-aartista. Pero darating daw sa kanila ang pagkakataon kung hindi sila susuko.
Sundot pa ni Angelica, “Kailangan niyong maging mabait lahat ng katrabaho niyo—sa lahat ng staff, ng crew, ng utility.
“Lahat ng iyon magiging boss niyo one day. Maniwala kayo sa akin.
“Lahat ng P.A. [production assistant] na tinatawag kayo, ‘Ma’am Angge, kayo na po [ang sasalang],’ sasabihin niyo, ‘Sige, mamaya na kasi nakikipagkuwentuhan pa ako, nagpapa-makeup pa ako.’
“Susunod nun, executive producer niyo na po siya at sasabihin niya, ‘Huwag niyong kunin ito matagal magpa-makeup iyan.’
“Maging mabait kayo sa lahat. Huwag kayong puchu-puchung mga artista, huwag kayong mga charot-charot.
“Ayusin niyo from the beginning at gamitin niyo ang talent ninyo.”
