Sa wakas ay nagsalita na si Kiray Celis tungkol sa kontrobersiyang kinasangkutan nila ni Mystica noong November 2020.
Bunsod ito sa balitang ayaw diumanong makasama ni Mystica si Kiray sa kuwarto sa lock-in taping nila noon ng GMA-7 primetime series na Owe My Love. Paliwanag ni Mysica, magkaiba ang kanilang lifestyle at prinsipyo pagdating sa privacy.
Read: Mystica, ayaw makasama sa kuwarto si Kiray Celis
Pahayag ni Kiray sa Updated with Nelson Canlas podcast noong November 25, 2022, wala siyang sama ng loob sa kapwa comedienne matapos ang isyu.
“Hindi ko siya nakaaway, nakakatawa, di ba?” pakli niya.
Lahad pa ni Kiray, nasa set na si Mystica ilang araw bago siya dumating at nasabihan itong magiging roommates sila.
“Excited din ako kasi nakakasama ko rin noong bata ako si Ate Mystica, pag kunwari nagraraket-raket, kanta-kanta sa mga fiesta.”
Hapon na raw dumating si Kiray sa set sa unang araw niya, at nakatulog siya bandang 6 p.m. sa kuwarto nila ni Mystica.
Nagising daw siya bandang 9 p.m. at nakaramdam ng gutom. Kaya chinat niya ang kaibigang si Jason Francisco para makikain.
Sinabihan daw ni Kiray ang roommate na si Mystica na aalis siya sandali para kumain.
Ngunit kinagabihan ay nagmensahe na raw si Mystica sa kanilang group chat, kung saan kasama ang lahat ng mga artista at staff, para sa mga importanteng concern.
Kuwento ni Kiray, “Nag-chat siya, sabi niya, ‘Wala dito si Kiray sa kuwarto.’
"Sabi ko, ‘Hala, nagpaalam naman ako sa kanya na pupunta ako kay Kuya Jason na nagugutom po ako.'
“Ayoko po isipin na kakarating ko lang doon ng first day, sasabihin naglalakwatsa po ako agad or nag-iikot-ikot ako. Natakot ako na, ‘Oh my gosh, baka kung anong isipin sa akin ng mga artista dito, mga staff.’"
Dahil sa chat ni Mystica, bumalik kaagad si Kiray sa kanilang kuwarto ni Mystica.
Pagpapatuloy ni Kiray, "Pagbalik ko ng kuwarto, sabi niya. 'I am not okay, hindi na ako okay.’
“'Hala, anong nangyari sa iyo, ate, sorry po, bakit po?’
"Yun pala, ayaw niya akong kasama, gusto daw niya ng privacy.”
Nagpaliwanag daw si Kiray sa staff ng serye tungkol sa pangyayari.
Aniya, “Tapos tinatanong ako ng mga staff, 'Wala akong ginawa diyan.'
"Tapos yun pala nahu-homesick siya. Kaya umalis din siya sa show kasi nahu-homesick pala talaga siya. Gusto niya makita anak niya."
Sa kabila ng nangyari, wala raw naramdamang galit si Kiray kay Mystica.
Saad niya, "Wala, hindi na niya ako minessage. Pero kung makikita ko siya, hindi naman ako galit sa kaniya.
"Siguro hindi niya lang ma-explain na ayaw niya ng kasama. Dapat siguro parang diniretso niya ako na, ‘Girl, ayaw kita kasama’ or gusto niya raw kasi ng privacy."
Matatandaang lumikha ng ingay noon ang pag-alis ni Mystica sa set ng Owe My Love sa hindi malamang kadahilanan.
