Masaya sina Royce Cabrera, Jeric Gonzales, Therese Malvar at Boobay matapos mapanood sa big screen ang pelikula nilang Broken Blooms.
Nag-premiere ang nasabing movie nitong Sabado ng gabi, Disyembre 3, sa Cinema 2 ng The Block sa SM North EDSA, Quezon City.

Pahayag ni Royce, “Iba pa rin talaga kapag big screen, e. Kapag cinema. Yung kapag may nakakatawang part, sabay-sabay kayong tatawa, papalakpak, di ba?
“Na hindi tulad ngayon, nasanay na tayo sa streaming platform. Na di ba, minsan, tayo lang mag-isa ang nanonood? Minsan, hindi pa natin natatapos. Itutuloy na lang bukas, inaantok na tayo.
“Unlike sa cinema, talagang focused ka. Wala kang ibang ginagawa kundi kumain lang ng popcorn, di ba, or kung ano man?
“Yun ang pagkakaiba ng pakiramdam dito sa sinehan pa rin. Kaya sana, sana kahit papaano ay magpatuloy pa rin yung industriya natin sa sinehan.
“Sana mas lumawak pa yung suporta na makuha natin para tangkilikin yung mga pelikulang atin.”
Macho dancer ang papel ni Royce, at wagas ang ungol niya habang bini-BJ ng bading sa VIP room ng gay bar.
JERIC OVERWHELMED WITH BROKEN BLOOMS' GLOBAL RECOGNITION
Suporta lamang si Jeric sa mga naunang pelikula niya bago magpandemya. Sa Broken Blooms ay sa kanyang karakter umikot ang istorya.
“Unang-una siyempre, gusto kong magpasalamat kay Lord dahil nakasama ako sa pelikulang ito at first lead role ko ito,” nakangiting lahad ni Jeric.
“At hanggang ngayon, overwhelming talaga ang nararamdaman ko. Kasi, overflowing joy and proud talaga ako dahil ang ganda ng pelikula.
“Ang ganda ng pelikula talaga! Ang ganda ng istorya, ang galing ng pagkakagawa.
“Gusto ko lang pasalamatan po ang Team BenTria, Team Broken Blooms, lahat ng bumubuo nito, Engineer Benjie Austria, Direk Louie Ignacio.
“Lahat ng mga co-actor. Wala akong masabi kundi congrats, kasi napakaganda ng pelikula. At sana po, marami pang magawa na ganitong pelikula.”
May butt exposure si Jeric sa movie. Ang naatasang magbaba ng kanyang pantalon ay ang premyadong production designer na si Jay Custodio.
Naka-plaster si Jeric sa nasabing eksena, na nasaksihan din ng creative producer na si Ferdy Lapuz.
Worth it ang pinaggagawa ni Jeric sa Broken Blooms dahil nagkamit na siya ng apat na parangal bilang Best Actor sa iba’t ibang international film festival na nilahukan ng pelikula.
Hindi naka-attend si Jeric sa mga filmfest dahil nasa taping siya ng Kapuso primetime series na Start Up PH kung saan bida sina Alden Richards at Bea Alonzo, at kasama rin sa cast si Royce Cabrera.
“Isa po yun sa pangarap ko, ang maka-attend ng mga international film festival,” pag-amin ni Jeric.
“Hopefully, in the future po, sana marami pang recognitions na matanggap itong Broken Blooms at makilala pa lalo.”
THERESE PROUD OF KISSING SCENE WITH JERIC
First mature role ito ni Therese Malvar sa pelikula bilang wife and mother, at hindi daya ang kissing scene nila ni Jeric.
“Ahhm, yun po, ahhm… actually, maraming beses po na parang pinanood po nila yung pelikula,” pagtatapat ni Therese.
“’Tapos, in-invite po ako ni Direk Louie para mapanood pero lagi’t lagi, nawawalan po ako ng chance at time para makasama sa mga private screenings nila.
“So parang finally, eto po yung talagang initial reaction ko… ahhm, buti na lang, katabi ko si Direk Louie! Hawak-hawak ko po siya sa lahat ng eksena!
“Lalo na sa mga eksena namin ni Jeric bilang mag-asawa. At yun, first time ko pong nakita ang sarili ko na ganyan. Nakapikit po ako buong time. Joke lang!
“Pero yun, sobrang happy po ako na finally nakarating at nag-screening na dito sa Pilipinas ang Broken Blooms dahil isang taon na po at lumibot po muna siya sa iba’t ibang bansa.
“So I’m happy that you guys are here with us as we witness the Philippine premiere of Broken Blooms.
“Sobrang saya po ako talaga. Ang saya po ng set, magaling po si Direk Ralston Jover [scriptwriter], Direk TM Malones [cinematographer], Direk Louie Ignacio, Sir Benjie at yung buong cast at crew. So, sobrang nagpapasalamat po.”
Kaabang-abang din ang pagganap ni Therese sa pelikulang Pamilya Sa Dilim, na idinirek ni Jay Altarejos. Si Allen Dizon naman ang kahalikan niya rito.
BOOBAY SHINES IN HEARTFELT DRAMATIC PORTRAYAL
Pinalakpakan ang shining moment ni Boobay sa pelikula. Takaw-pansin.
Natigilan si Boobay bago nagturan, “Natulala din ako! First time ko rin po siyang napanood. Meron kami dapat screening noon pero nauna na ako sa hotel.
“Kasi, iwe-welcome namin yung mga bisita rin po namin nung isang event namin. So, nung kaninang nakita ko, sobrang lalo talaga akong nagpasalamat kay Direk Louie.
“Kasi, binigyan niya ako ng pagkakataon na mai-play yung isang karakter na talagang malapit din sa puso ko at alam kong maraming makaka-relate.
“I’m sure kanina maraming nakakita dun, yung pagmamahal na hindi humihingi ng kapalit, basta nagmamahal ka lang.
“So ayun, excited ako na sana, mas marami pa itong maaabot, lalo na ang mga kababayan natin dito sa Pilipinas, lalo na’t open na open na tayo ngayon.
“So excited po ako kaya ipinagpapasalamat namin, nandito tayo ngayong gabi lahat at alam ko pong kayo’y isa sa magiging daan para po makaabot tayo ng mas marami pa po nating manonood.”
Itutuluy-tuloy na ba niya ang pagdadrama sa pelikula. Keri niyang maihilera at makipagkabugan sa dramatic actresses, huh!
Napakunot-noo si Boobay, “Depende po kay Direk Louie. Kasi siya po talaga ang nag-motivate sa akin na, ‘Boobay, ayokong makita si Boobay dito sa gagawin natin, ha? Dapat iba. Iba ka dito,’ sabi niyang ganun.
“And so, dahil po sa kanya at sa ating mga kasamahan, mga award-winning lahat, nakaka-pressure at some point. Pero yun nga, napaka-supportive nilang lahat.
“So kung mabibigyan pa po uli ng chance ni Engr. Benjie. Hahahaha! Lalaban po tayo!”
Nasa cast din ng Broken Blooms sina Jaclyn Jose, Lou Veloso, Mimi Juareza, Rico Barrera at Ivan Austria.
Showing ito sa local cinemas sa Disyembre 14, kasabay ang Avatar: The Way of Water.
