Hindi napigilan ng Kapuso TV host na si Kim Atienza na maglabas ng kanyang pagkadismaya tungkol sa nag-viral na video ng ilang local professional volleyball players.
Noong December 1, 2022, nagsimulang mag-trending sa Tiktok ang video na kuha ng netizen sa hindi umano pagpansin ng volleyball team na Choco Mucho Flying Titans sa mga fans nitong nag-abang sa kanila sa Boracay Island.
Makikita at maririnig sa video na isa-isang binati ng mga fans ang star players ng team habang sila ay pasakay sa kanilang sasakyan, subalit karamihan sa kanila ay tuluy-tuloy lang ang lakad at hindi man lang pumansin o huminto, maliban kay Bea na tumango lang sa kanila.
Agad nag-trending ang video at umani ito ng iba't ibang reaksyon mula sa mga volleyball fans at kilalang personalidad, kabilang na si Kuya Kim.
Sa pamamagitan ng Facebook post ngayong araw, December 4, 2022, ibinahagi ni Kuya Kim ang kanyang pagkadismaya sa kanyang napanuod.
Mababasang caption sa ni-reshare niyang video, "As public personalities, (yes athletes are also public figures).
"We have a choice to inspire and show gratitude to fans who passionately support us or we can choose to stay private and give them the cold shoulder.
"This team should be advised that catering to fans is a responsibility, otherwise, stay out of the public eye and play privately."
Ayon pa sa 24 Oras trivia master, nakakalungkot daw na makita ang mga ganitong tagpo sa pagitan ng fans at public personalities.
Aniya, "What an irritating yet sad sight.
"I hope they are advised by their sponsors to act properly in public."
"Back to you guys," pabiro pa niyang hirit.
Maliban kay Kuya Kim, nauna nang nagbigay ng komento ang motivational speaker na si Rendon Labador.
Saad ni Rendon, "Sino po ang coach nitong mga ito? Dagdagan pa natin ng konti pang training sa good manners & right conduct."
Ang Choco Mucho Flying Titans ay binubuo nina Bea de Leon, Deanna Wong, Kat Tolentino, Maddie Madayag, Desiree Cheng, Dennise Lazaro, Isa Molde, Odina Aliyeva, Jem Ferrer, Maika Ortiz, Regine Arocha, Pauline Gaston, Cherry Rose Nunag, Aduke Ogunsanya, Shannen Palec, Toni Rose Ponce, at Caitlin Viray.
Samantala, matapos ang naging pahayag ni Kuya Kim ay agad ding nag-trending ang kanyang pangalan sa Philippine Twitter kung saan marami sa mga Choco Mucho fans ang hindi sumang-ayon sa kanya.

