Hindi nangiming sagutin ni Matet de Leon ang isang basher na diretsang tumawag sa kanyang "laos."
Base sa Instagram Story na ibinahagi ni Matet ngayong Martes, December 6, 2022, direkta siyang pinadalhan ng mensahe ng basher sa Instagram.
Ayon sa basher, nagpapapansin lang si Matet.
Hindi man direktang binanggit ng netizen ang isyu kung saan nagpapapansin si Matet, mahihinuhang ang tinutukoy nito ay ang kanyang reklamo ukol sa kaparehong gourmet tuyo at tinapa business ng adoptive mother niyang si Nora Aunor.
Ipinagdidikdikan din basher na “ampon” lang si Matet.
Si Matet ay isa sa apat na adopted children ni Nora. Ang tatlo pa ay sina Lotlot, Kiko, at Kenneth.
Buong mensahe ng basher: “Papansin ka lang e. Laos is real! Yeah! Ampon ka sabi mo kaya dapat tumanaw ka ng utang na loob sa nag papalaki sayu!”
Tugon ni Matet, hindi naman nalalaos ang supporting actors sa serye o pelikula kundi ang mga bida nito.
Aniya, “Hindi po nalalaos ang supporting actors. Mga bida lang po. Labyu. [laughing emoji]”
Kalakip nito ang profile picture ng basher.

Sa kanyang Instagram post noong December 4, pinalagan ni Matet ang paglabas ng gourmet tuyo at tinapa business ng ina dahil direkta raw nitong kinalaban ang kanyang negosyo.
Bahagi ng kanyang Instagram post, “Would you do this to your children? HONOR THY FATHER AND MOTHER. HOW? how can I do that now? Ay, AMPON PALA AKO.”
Sa YouTube live naman niya kinagabihan, naglabas ng hinanakit si Matet laban sa ina at sa isang taong malapit dito dahil tinapatan ang kanyang negosyo.
Aniya, “How do I feel about it? I feel very sad. I feel betrayed.
"Para akong trinaydor. Para akong… grabe, ampon na ampon yung pakiramdam ko ngayon mga tol.
“Ang lakas makaampon nung ginawa nila. Ang lakas makaampon, damang-dama ko pagkaampon ko.”
