Inamin ni Dominic Roque na madalas nilang napag-uusapan ni Bea Alonzo ang pagpapakasal at pagbuo ng sarili nilang pamilya.
Sa kanilang interviews, consistent ang magkasintahan sa pagsasabing nakikita na nila sa isa't isa ang taong nais makasama habambuhay.
Nasa tamang edad na sina Bea, 34, at Dominic, 32, kung gugustuhin nilang magpakasal.
Sabi ni Dominic sa panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph): "Napag-uuusapan na namin, 'Ilang anak ang gusto mo? Saan titira? Saan mag-aaral?'
"Dream wedding? Basta napag-usapan na namin yung mga ganung bagay.
"Last year, this year, pinag-uusapan namin kung saan gagawin. Gusto ba namin beach? Gusto ba namin abroad? Gusto ba namin dito?"
Nakapanayam ng PEP.ph si Dominic sa Esquire Philippines Man At His Best in partnership with Axe, na ginanap sa Shooting Gallery Studios sa Makati City, noong November 26, 2022.
Dito ay ibinahagi ni Dominic na maganda ang itinatakbo ng relasyon nila ni Bea, at nakatulong nang malaki rito ang mga out-of-the-country trips nila para mas makilala ang isa't isa.
"We're really, really doing good now together, we're super happy.
"Actually, ayokong sabihing super happy, but we're happy now lalo na nung nagbakasyon kami, get to know mas maigi yung isa't isa.
"From there, sa mga experiences namin together, ang dami pa naming gustong gawin together."
Read: Bea Alonzo-Dominic Roque love story: From friends to lovers
ON BEA'S APARTMENT IN SPAIN
Masaya at proud din si Dominic na nakabili na ng sariling apartment sa Spain ang girlfriend lalo't alam niyang matagal na itong pangarap ni Bea.
Ang apartment ni Bea sa Spain ang isa sa mga binisita ng aktres nang magtungo ito sa Europe noong Nobyembre.
Lahad ni Dominic: "I'm very happy for her, pinaghirapan niya yun, pinagtrabahuan niya yun. Nag-ano siya sa Spain, tapos nagkita kami sa Italy, and then we went around Italy, Switzerland.
"Siyempre maganda yun kasi dream niya yun. Dream niya na in the future, kung kami ang magkatuluyan, sa kasal and all, pag magkaroon kami ng anak, ang dream niya kasi gusto niyang dalhin ang mga anak niya abroad.
"They stay there, let's say three months, magbakasyon and tour around, mabigyan ng magandang experience yung mga bata."
Read: Bea Alonzo fulfills dream of buying an apartment in Spain
ON VOTE OF APPROVAL FROM THEIR FAMILIES
Ang maganda rin sa relasyong Dominic-Bea ay aprubado ng kani-kanilang pamilya ang relasyon nila.
Suportado rin sila ng tiyahin ni Dominic na si Beth Tamayo at ang malapit na kaibigan ni Beth na si Judy Ann Santos.
Saad ni Dominic, "Of course, first, malapit ako sa parents ko, malapit ako sa mga tita, malapit ako sa mga moms.
"At first, yun talaga ang gusto ko, yung maging kumportable [kami sa pamilya ng isa't isa] kasi lumaki ako sa tita ko, lumaki ako kay Beth Tamayo, kay Juday.
"So when I was growing up, ang mga kasama ko palagi much older than me. So, yung mga nakakasama ko, mga tita, mga kaibigan ng tita ko sa showbiz na kinalakihan ko.
"Kumbaga, kumportable ako being around with them because I learned a lot, mas marami silang nabibigay na wisdom sa akin growing up."
Tinanong din si Dominic kung may couple tips bang ibinibigay sa kanya ang mag-asawang Judy Ann at Ryan Agoncillo, na isa sa mga matatag na couples sa showbiz.
"Of course, marami silang couple tips, sina Ta Juday lalo na, she's been there for me all the time. Pag may problem ako, kunwari sa work, sa love life, ganyan.
"Basta marami siyang naibigay sa akin na wisdom din. Every time we talk to each other, yung mga pinagdaanan niya sa relationship nila ni Tito Ryan.
"I'm also super close kay Tito Ry, growing up din, siya na ang kasama ko. Ang dami din niyang binibigay sa akin na mga aral, so I'm guided and I'm really blessed."
