Nagkita-kita muli para sa isang reunion ang members ng all-male dance group na StreetBoys, at nagpahayag sila ng suporta sa kagrupo nilang si Vhong Navarro.
Ang Streetboys ay ang all-male dance group na naging tanyag noong '90s.
Hindi na aktibo ang grupo pero nakilala ang mga miyembro nito noong kasikatan nila. Habang ang ilan sa kanila ay nagawa pang makapasok sa showbiz.
Kabilang sa mga nakagawa ng pangalan sa showbiz ay sina Vhong, Jhong Hilario, Danilo Barrios, at Spencer Reyes.
Ang iba pang miyembro ay sina Maynard Marcellano, Joey Andres, Chris Cruz, Michael Sesmundo, Joseph de Leon, at Nicko Manalo.
Sa kanilang Facebook page, ibinahagi ng grupo ang kanilang reunion photo noong Lunes, December 12, 2022.
Nasa bandang sentro ng larawan si Vhong.
Mensahe nila sa caption: “A very merry Christmas to all of you! Brothers for life!
“From the bottom of our hearts…. A huge ‘THANK YOU’ for the prayers and undying support!
“May God be with us always. #gratefulheart #fightingforlove”
Kalakip nito ay ang larawan ng mga miyembro, bagamat hindi kumpleto.
Samantala, ni-repost ni Joey ang group photo nila kasama si Vhong.
Caption ni Joey: “Nandito lng kami para sa isat isa, streetboys for life. #streetboys #brotherhood”
Malinaw na ang mensaheng ito ay para sa kanilang kaibigang si Vhong at pagpapakita ng kanilang kapatiran.
Nabigyan ng “temporary liberty” si Vhong mula sa kinahaharap nitong rape case na isinampa ni Deniece Cornejo noong 2014.
Nakalabas si Vhong ng Taguig City Jail noong December 6, 2022 matapos magpiyansa ng isang milyong piso.
Bagamat non-bailable ang kasong rape, pinayagan ng korte na makapagpiyansa si Vhong dahil hindi kinakitaan ng "great presumption of great guilt.”
Hindi tiyak kung kailan kinunan ang larawan ng Streetboys, pero ito ang ginawang display photo sa Facebook accout the Streetboys at ni Joey.

PARTY BOYS
Base naman sa post ni Jhong, nagkita-kita ang ilang miyembro noong Linggo, December 11, 2022.
Ang nakarating sa gathering ay sina Jhong, Meynard, Joey, Chris, at Spencer.
Si Spencer ay nag-migrate sa United Kingdom noong 2008 at nagtrabaho bilang bus driver sa Scotland. Umuwi siya ng Pilipinas para makapiling ang kanyang mga magulang ngayong Pasko.
Sunud-sunod ang posts ni Jhong ng videos nila habang nagsasayaw.
Itinag ni Jhong ang mga nakadalo sa pagsasama-sama nila at binanggit ang mga hindi nakapunta.

