Ilang linggo nang usap-usapan sa social media ang Maharlika Investment Fund (MIF), ang investment fund na isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
At ang latest: naipasa na sa Kongreso ang House Bill 6680, o ang batas na magtatatag sa MIF, kahapon, December 15, 2022.
Sinang-ayunan ito ng 279 mambababatas, at anim lamang ang tumaliwas.
Kabilang sa mga pumabor dito ang mga sikat na mambabatas tulad nina Richard Gomez ng Ormoc, Arjo Atayde ng Quezon City, at Dan Fernandez ng Laguna.
Ayon naman sa anim na mambabatas na hindi sumang-ayon, nakakatakot ang MIF dahil maaaring maging daan ito sa malawakan pang pagnanakaw ng pondo ng bayan.
Ano nga ba ang MIF at bakit kailangan mong bantayan ang isyung ito?
WHAT IS A SOVEREIGN FUND?
Ang Maharlika Fund ay isang halimbawa ng sovereign wealth fund, ang klase ng investment fund na pagmamay-ari ng gobyerno. Maraming bansa ang may sariling sovereign wealth fund, tulad ng Norway, China, Hong Kong, at Kuwait.
Kadalasan, kinukuha ang pondo ng sovereign fund mula sa mga sobra-sobrang kita, o surplus reserves, ng gobyerno, na tulad ng kita sa mga export, natipid sa national budget, o kita mula sa mga negosyong pagmamay-ari nito.
Kung maunlad ang bansa at wala itong mga utang ay marami itong surplus reserves.
Hangad ng gobyerno na i-invest ang sovereign fund para lumaki ito at magamit ang kita sa ilang mga bagay tulad ng pagpapalaki ng pensyon ng mga retiradong mamamayan, o pagpondo sa serbisyong pampubliko.
Ito umano ang dahilan ni Pangulong Marcos Jr. sa pagsusulong ng MIF: palakihin ang pondo ng gobyerno sa pamamagitan ng pag-i-invest nito, upang matustusan ang mga serbisyo ng pamahalaan.
“It’s very clear that we need added investment. This is another way to get that,” saad niya sa isang panayam.
INITIAL OPPOSITION TO THE MIF
Naging maugong agad ang Maharlika Fund noong ipinresenta ito nina House Speaker Martin Romualdez, pinsan ni Pangulong Marcos Jr., at Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos, anak ng Pangulo, sa huling mga araw ng Nobyembre.
Ang pinakamalaking hinaing ng publiko ay dahil kukuha ang MIF ng pondo mula sa Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS). Natakot ang marami na mababawasan ang kanilang pensyon, at tataas ang kanilang buwanang kontribusyon para lamang suportahan ang bagong sovereign fund.
Tinatayang 175 billion pesos umano ang kukunin mula sa GSIS at SSS para ilagak sa MIF.
Marami ang tumutol sa mangyayaring ito.
Sa katunayan, mahigit 50,000 na pirma na ang nakalap ng isang petisyon sa Change.org para tutulan ito.
Matapos ang ilang araw, tinanggal na ang GSIS at SSS sa listahan ng mga kukuhanan ng pondo.
Sa halip, itutuloy na lang ang pagkuha ng pondo mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Landbank, at Development Bank of the Philippines (DBP).
FURTHER OPPOSITION
Ngunit marami pa rin ang nababahala sa Maharlika Fund.
Ayon sa ekonomistang si Winnie Monsod, maaari itong maging gatasan ng mga magnanakaw sa gobyerno.
"It's going to be a fantastic milking cow," saad ng sikat na propesora sa panayam ni ABS-CBN broadcaster Karen Davila.
Ito ay sa kadahilanang magiging exempt sa maraming batas ang kumpanya na itatalaga para pamahalaan ang MIF.
Kasama sa mga ito ang Salary Standardization Law, Government Procurement Reform Act, Philippine Competition Act, at GOCC Governance Act—mga batas na magtitiyak na transparent ang paggastos ng pondo at hindi ito hahantong sa nakawan.
Ito rin ang opinyon ng anim na mambabatas na tumaliwas sa botohan para sa MIF kahapon.
Kasama sa anim sina Albay Rep. Edcel Lagman, Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado Jr., Basilan Rep. Mujiv Hataman. Gayundin ang Makabayan bloc members na sina Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, at Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel.
EDCEL LAGMAN
Para kay Lagman, magandang ideya sana ang MIF ngunit mali ang timing nito dahil naghihirap ang bansa. Dapat umano ay galing sa surplus reserves ang pondo ng nasabing fund.
"The proposed Maharlika Investment Fund [MIF] is a good idea whose time has not yet come in the Philippines considering the current economic environment of the country,” saad ni Lagman.
Dagdag pa niya, sana gamitin na lang ang pondo para tulungan ang mga naghihirap na Pilipino.
MUJIV HATAMAN
Hindi naman nagustuhan ni Rep. Hataman na tila minamadali ang pagpasa ng MIF. Nararapat lamang daw na talakayin pa itong mas mabuti bago gawing ganap na batas.
Hindi dumaan sa normal na proseso ang pagpasa ng nasabing batas dahil minadali ito. Nangyari ang second at third reading sa parehong araw, kahit na sinasabi sa legislative procedure na dapat ay may palugit na mga araw sa gitna ng dalawang reading.
GABRIEL BORDADO JR.
Sumang-ayon si Bordado kay Lagman. Aniya, dapat ay mas pagtuunan muna ang paghina ng ekonomiya ng Pilipinas at ang mabilis na pagtaas ng bilihin.
Dagdag pa niya, dapat sa surplus reserves manggagaling ang pondo ngunit walang ganito ang Pilipinas sa ngayon.
"If the essence of the sovereign wealth funds is to come from surplus government funds, how would we be able to afford it? This makes repaying our debts extremely difficult," pahayag ni Bordado.
FRANCE CASTRO
Sinusugan ni Castro ang sinabi ni Bordado: “The truth remains that we have no surplus of funds, we have no wealth to speak of if we look at our records. That’s why this bill has to be junked and set aside.”
ARLENE BROSAS
Dapat din daw bantayang maigi ang MIF dahil malala ang nakawan sa gobyerno.
Pahayag ni Brosas, “Even if GSIS and SSS are removed as sources of funding, the Maharlika Fund can still turn into a well of corruption, especially corruption is endemic in the government and there are no safeguards that are being proposed to ensure that the money will be spent correctly.”
RAOUL MANUEL
Matapang naman ang pahayag ni Manuel. Aniya, dapat ay bawiin na lamang ang ninakaw ng mga pulitiko noon para pondohan ang MIF.
“If Maharlika Fund will be created, it should come from wealth tax and the collection of ill-gotten wealth,” sabi niya.
NEXT STEPS for maharlika fund
Hindi pa pinal ang pagbuo ng Maharlika Fund. May ilan pang kailangang mangyari bago ito maging ganap na batas.
Una, kailangan ding magpasa ang Senado ng katulad na proposisyon.
Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, pinag-aaralan na nila ito para pagdiskusyunan pag nagbukas muli ang Senado.
Kapag naipasa na ng Senado ang sarili nilang bersyon ay magkakaroon ng Conference Committee na binubuo ng Kongreso at Senado upang pag-isahin ang bersyon ng MIF.
Pagkatapos nito ay ibibigay na sa Presidente ang batas upang kanyang pirmahan. Dito lamang magiging opisyal ang MIF, at mabubuo ang sovereign fund ng Pilipinas.
Ano ang tingin ninyo sa MIF? Sang-ayon ba kayo o may mga daing? Sabihin niyo ito sa comments.
- Joey de Leon, Toni Gonzaga weigh in on revived Alex Gonzaga-Dina Bonnevie issue
- Court ruling shows Deniece Cornejo "inconsistencies" during cross-examination
- Aneeza Gutierrez prioritizes school, part-time job in Singapore over showbiz career in PH
- Angeline Quinto comforts Jovit Baldivino's mother at late singer's wake