Hindi maitago sa mukha ng Streetboys member at dating aktor na si Spencer Reyes ang saya sa muli niyang pagbabalik sa Pilipinas matapos ang halos pitong taong paninirahan sa United Kingdom.
Sa inilabas na YouTube video ng GMA Public Affairs bilang bahagi ng kanilang Pinoy Christmas In Our Hearts special, Biyernes ng gabi, December 16, 2022, ipinakita ang buhay ni Spencer sa Scotland bilang bus driver, ang kanyang pagdating sa airport dito sa Pilipinas, at ang reunion niya kasama ang pamilya.
Ipinasyal din siya ng show sa Mall of Asia kung saan muli niyang nakapiling ang kanyang screen partner noong ‘90s na si Ice (Aiza) Seguerra.
Noong una ay nagulat pa si Spencer kung bakit may choir sa theme park ng mall.
Sabi ni Spencer, "Parang bumalik sa akin yung ‘90s na ito—taping, camera, lights.
"Ang ano ko nun sa Eat Bulaga!, si Aiza. Love team kami nun, lagi akong sinisiko nun."
Yun pala ay nakatago sa likod ng choir members si Ice.
Sabi pa niya kay Ice habang nangingilid ang luha, "Nakita ko yung family ko, nakita kita, parang bumalik lahat nung nangyari noong '90s kasi ginive-up ko lahat."

Isa sa pelikulang pinagtambalan nina Spencer at Ice ay ang Computer Kombat taong 1997.
May asawa at dalawang anak na si Spencer na naninirahan sa Scotland.
Si Ice naman ay masaya sa piling ng asawang si Liza Diño.
