All-out ang suporta ni Fourth Solomon pagdating sa love life ng twin "sister" niya na si Fifth Solomon.
Sina Fourth at Fifth ay parehong produkto ng ABS-CBN reality show na Pinoy Big Brother: All In noong 2014.
Noong April 2022 isinapubliko ni Fifth ang relasyon nila ng gamer na si Sacarie Alcala.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sinabi ni Fourth na ngayon lang ulit nagkaroon ng boyfriend si Fifth pagkatapos ng mahabang panahon na pagiging single.
"Actually, ang tagal niyang walang dyowa, simula PBB yata wala siyang dyowa. Paglabas niya ng PBB, naghiwalay sila ng dyowa niya.
"So hayun, sa tagal-tagal, sobrang open niya, sobrang happy niya, syine-share niya sa lahat," saad ni Fith.
Ang tinutukoy niya ay ang madalas na pagpu-post ni Fifth ng couple photos sa Instagram.
Hirit pa ni Foruth, "'Sulitin mo lang iyan, Sis.'
Sobrang happy niya, kaya kami, support kami.
"May Christmas party kaming family so I think kasama mga dyowa namin."
Noon pa man ay suportado raw ng pamilya nila ang pagiging miyembro ni Fifth ng LGBTQ (Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Questioning) community.
Nag-out si Fifth bilang "bisexual" noong nasa PBB ito. Pero makalipas ang apat na taon ay inamin din niya na siya ay gay.
Sabi ni Fourth tungkol sa sexual orientation ng kambal niyang si Fifth: "I think sobrang ganda ng pag-out niya, di ba? Ang tagal na nun 2015 or 2014 sa PBB. So after that sobrang ganda na rin ng nangyari sa kanya, like, wala siyang tinatago.
"Bukod dun, nagagawa niya kung sino talaga siya kaya I think nagawa niya yung pagdidirek kasi wala siyang tinatago.
"Na-express na niya ang sarili niya at pagiging artist niya."
Pagbabalik-tanaw pa ni Fourth, bata pa lang sila ay alam na niya na gay si Fifth.
Aniya, "Bata pa lang kami alam ko. Di naman niya sinabi, nakita ko lang iba ang laruan namin. Tinirintas niya yung Barbie."
Nakapanayam ng PEP.ph si Fourth sa grand opening ng Idara Aesthetics beauty clinic, na ginanap sa Ayala Mall Feliz sa Pasig City, nung December 3, 2022.
FOURTH SOLOMON ON FAMILY LIFE
Kung si Fifth ay bukas sa pagiging miyembro ng LGBTQ community, si Fourth naman ay masaya bilang family man.
Ibinahagi ni Fourth na nag-e-enjoy sila ng misis na si Grizelle Gratela sa pag-aalaga ng kanilang one-year-old baby na si Robert Gavin.
"Sobrang happy pala talaga, magbabago ka pala talaga pag naging daddy ka na, pag naging parent ka na," bungad ni Fourth.

Priority raw nila ang maging kumportable ang anak.
"Dati condo lang pero ngayon lumipat kami sa mas malaking condo kasi para nakakalaro pala yung baby, nakakatakbo.
"Ngayon di na lang puro sarili, iniisip mo na rin yung para dun sa family mo, kay Gavin at sa wife ko."
"Two years pa lang kaming kasal pero sobrang nag-mature ako at mas alam ko na ang gusto ko, ang direction ko, nung kinasal ako.
"Dati siyempre nung bagets ka pa, sarili mo lang ang iniisip mo, ngayon magiging isa pala talaga kayo [ng asawa mo] lalo na nung nagka-baby."
Dahil tila nauuso ang hiwalayan ng celebrity couples, tinanong namin si Fourth kung ano ang sikreto ng matibay na pagsasama nila ni Grizelle.
Sampung taon sila naging magkasintahan bago nagpakasal noong August 27, 2020.
"Ako, actually, nung Pinoy Big Brother, nung nasa loob ako, wala din akong naging ka-loveteam or na-issue kasi talagang alam ko na ang gusto ko.
"Bukod dun nire-respect ko rin ang parents niya."
READ: Fourth Solomon marries model Grizelle Gratela in an intimate ceremony
ON BEING AN ENTREPRENEUR
Pagnenegosyo ang kinakarir ni Fourth kaysa showbiz. Distributor siya ng beauty products.
"Mayroon kaming global brand from U.K., ito yung Elum. It's a white tomato capsule. Mayroon din tayong mga topical products na dini-distribute natin sa mga derma clinics like sa Idara.
"Isa nga yung Idara sa partner natin sa Manila, mayroon din tayong partner sa Visayas at Mindanao," kuwento ni Fourth.
Ipinaubaya na raw niya ang pag-aartista sa mga kapatid na sina Fifth at Charice Solomon.
"Dito sa showbiz naman na career, more of online na rin sa mga postings pero di na tayo mayadong nabi-busy. More on si Fifth na sa acting and directing.
"Sila ng ate ko na si Charice, nakabalik naman siya sa mga shows niya like Bubble Gang."
Hindi ba niya nami-miss ang pag-arte?
Sagot ni Fourth, "Nami-miss ko rin, artist pa rin tayo, gusto pa rin nating mag-acting, gusto pa rin nating i-express yung pagiging artist.
"If ever naman may mga guestings. Like last week yata may possible guesting sa Toni Talks, so go pa rin naman tayo."
MORE HOT STORIES ON PEP.PH
- Joey de Leon, Toni Gonzaga weigh in on revived Alex Gonzaga-Dina Bonnevie issue
- Court ruling shows Deniece Cornejo "inconsistencies" during cross-examination
- Aneeza Gutierrez prioritizes school, part-time job in Singapore over showbiz career in PH
- Angeline Quinto comforts Jovit Baldivino's mother at late singer's wake
