No more PieDu?
Ito ang tanong ng ibang netizens nang mapansing tatlong buwang walang paramdam sa social media ang magkasintahang Cherry Pie Picache at Edu Manzano.
Naging palaisipan ito sa masugid na tagasuporta ng couple na karaniwang may update ng kanilang sweet photos sa mga pagtitipong dinadaluhan nila.
Pero malinaw na very much together pa rin sina Cherry Pie at Edu.
Noong December 14, 2022, nag-post si Cherry Pie ng family get-together kunsaan kasama niya si Edu.
Kitang-kita sa pictures ang matamis na ngiti ng couple habang magkaakbay.

Base sa caption ng IG post, naka-bonding nila ang ilang kaanak ni Cherry Pie, at isa rito ay pamangkin ng aktres na dumating galing New Zealand at nagbabakasyon sa Pilipinas ngayong Kapaskuhan.

Kasama rin sa pictures ang anak ni Cherry Pie na si Nio Tria.

Noon namang December 18, si Edu ang nagbahagi ng dinaluhan nila ni Cherry Pie na event.
Magkaakbay ang couple sa picture kasama sina Cavite Governor Johnvic Remulla at mga may-ari ng restaurant sa Quezon City.

Tinawag pa ni Edu na "gorgeous" ang nobya sa caption.
Sagot naman ni Cherry Pie, "Thank you good looking."

Tuwang-tuwa ang fans na makitang going strong ang relasyon ng couple na may uniname na PieDu.


Napanood ang tambalan nila sa defunct Kapamilya prime-time series na Marry Me, Marry You. Dito nanumbalik ang magandang pagtitinginan nila off-cam.
Twenty-one years ago ay naging sila sa loob ng isang taon, ayon sa joint interview kina Edu at Cherry Pie noong December 2021.
Kuwento nila, nanatili silang mabuting magkaibigan, at madalas pa rin magkita sa iba-ibang okasyon ng kanilang common friends.
Kaya sa pagkakataong pareho silang available ay naging madaling magkagustuhan muli sila.
