May 23, 2022 nang mag-propose ang hashtag member na si Zeus Collins sa non-showbiz girrlfriend na si Pauline Rodendo sa gitna basketball game ng Star Magic All-Star Games.
Tatlong taon ang tinakbo ng relasyon ng dalawa bago ito nauwi sa proposal ng Hashtag member, at agad din namang tinanggap ni Pauline ang alok na kasal ng kasintahan.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), nagbigay ng updates ang si Zeus sa plano nilang pagpapakasal ng fiancée sa 2024.
"Ang gusto ni Pauline ay beach wedding sa Subic, may date na rin, December 9.
"Kaya December 9 kasi anniversary din namin yun. Bale sa wedding namin, four years na kami," pagbabahagi ni Zeus.
Sa ngayon ay pinag-iipunan pa raw niya ang dream wedding nila ni Pauline.
"Siyempre kailangan kong mag-ipon, ayokong ikasal kami ng di niya gusto. Gusto kong ibigay ang dream wedding niya."
Ayon kay Zeus, magka-live-in na sila ni Pauline mula ng pandemic, at nakatulong daw iyon para mas makilala nila ang ugali ng isa't isa.
Kuwento pa niya sa relasyon nila: "Pinapatatag kami ng Panginoon, talagang center namin si God.
"Siyempre di maiiwasan na nagkakaproblema, nagkakatampuhan, pero at least nagagawan naman agad ng paraan.
"Mabuti kami, ngayon inaasikaso namin ang kasal namin next year."
Nakapanayam ng PEP.ph si Zeus sa Hey Pretty Skin yearend party na ginanap sa Marriot Hotel sa Pasay City, noong December 13, 2022.
ON VICE GANDA AS WEDDING SPONSOR
Kilalang malapit kay Vice, kinumpirma ni Zeus na may mahalagang papel ang It's Showtime host sa kasal nila ni Pauline.
Imbitado rin ang malalapit nilang mga kaibigan at kasama ni Zeus sa It's Showtime.
"Si Vice, sinabi niya na maid of honor siya, pero kukunin din namin siya as ninang siyempre, siya yung guide namin.
"Lahat ng Hashtag [members] i-invite ko naman sila, siyempre di mawawala yun. Sila Jhong [Hilario], sila Kuya Ogie [Alcasid].
Minsan na ring na-link si Zeus kay Vice nung wala pa si Ion Perez sa buhay ng TV host-comedian.
"Na-link? Oo, kasi siyempre noon kinukulit ako ni Ganda, di ba? Pero di nila alam yung totoo na tropa, yung ganun.
"Siyempre di mo naman isa-isa na mapapaliwanag sa tao yun, kung ano lang ang nakikita nila, yun ang huhusgahan nila," kibit-balikat na sabi ni Zeus.
ON VICE GANDA AND ION PEREZ
Saksi si Zeus sa pagmamahalan nina Vice at Ion kaya di rin daw siya naniwala nang may lumabas na bali-balitang naghiwalay ang mga ito.
Kasama rin siya nang magdiwang ng fourth anniversary ang couple noong Oktubre.
"May mga nakikita akong ganun, pero alam ko na hindi totoo, di sila nag-break.
"Siguro sa relasyon talaga may nag-aaway, nagkakatampuhan, pero di sila nag-break. Okay na okay sila as in.
"Masaya ako para sa kanila, kay Ion, kay Vice. Walang ka-showbiz-an ito, ako nakikita ko sa mga mata ko at nararamdaman ko kung gaano nila kamahal ang isa't isa."
MORE HOT STORIES ON PEP.ph: