Handa na sa panghabambuhay na commitment ang Kapuso actor na si Benjamin Alves, 35, at model na si Chelsea Robato, 33.
Ngayong Biyernes, December 30, 2022, inanunsiyo ni Ben na engaged na sila ng partner niyang si Chelsea.
Sabi sa Instagram post ni Benjamin: "What a fairytale it is, to spend the rest of my life with you…"
Ipinakita niya ang picture nila na may nakadisensyo sa likuran na "Will you marry me?"
Ilan sa mga artistang nagpaabot ng congratulatory messages ay sina Solenn Heussaff, Gil Cuerva, Winwyn Marquez, at Jon Gutierrez.
Tatlong taon nang magkarelasyon sina Benjamin at Chelsea at bukas din sila sa kanilang pagsasama sa iisang bubong.
Sa loob ng panahong ito ay makikita sa kanilang social media posts ang hilig nila sa pag-travel at pag-alaga ng mga aso.
Itinuturing din nila ang isa't isa na "best friend" kaya matibay ang kanilang relasyon.
Magkatuwang sila sa binuksan nilang online flower shop noong 2020.
Nagdiwang sila ng kanilang third anniversary noong July 3, 2022.
Si Benjamin ay dating nobyo ni Julie Anne San Jose, pero naghiwalay sila noong November 2018.
Minsan ding na-link ang aktor kay Glaiza de Castro.
Si Chelsea ay naging contestant, kasama ng ex-boyfriend niyang si Christian Busby, sa ABS-CBN romantic reality show na I Do noong 2014.
