#FDCPScandal No.4
Napapalibutan ng masasalimuot na isyu— “conflict of interest," "favoritism," at "delikadeza"— ang dating Film Development Council of the Philippines chair na si Liza Diño.
Iba-ibang industry stakeholders at insiders ang lumapit sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) para ilantad ang tinatawag nilang mga iregularidad na natuklasan daw nila nang umalis na sa puwesto si Liza.
Naka-angkla ang mga iregularidad sa pinangalanan nilang “one-woman rule” ni Liza sa FDCP, na siyang nagsantabi raw ng kapangyarihan ng film council bilang isang ten-member group.
Anim na taong nakaupo sa puwesto si Liza, o mula August 2016 - July 2022.
Makikita sa administrative records ng FDCP, na mula 2019 - 2022, may ilang beses kinuha ni Liza ang partner na si Ice Seguerra para sa iba-ibang proyekto ng film council.
Sina Liza at Ice ay sampung taon nang magkarelasyon. Nagpakasal sila sa California, USA, noong December 8, 2014.
Ayon sa mga naglantad ng mga iregularidad, hindi tamang pinaboran si Ice ni Liza habang nakaupo itong FDCP chair.
Wala rin daw malinaw na proseso sa pagkuha kay Ice para sa ginampanan nitong roles bilang performer, director, at producer ng FDCP projects.
Saad ng First Source: “She directed everything from the Sine Sandaan centennial concert [2019] at the Kia Theater all the way down to the instructional videos [for FDCP's online education portal Filmstitute].
"Sabi ko, ‘Bakit nagkaganito?' Nobody could give the answer because I knew very well the answer."
Ang alegasyon ng stakeholders at insiders na nakipag-ugnayan sa PEP: Nakinabang si Ice sa posisyon ni Liza.
Isa-isang inilatag ng sources ang partisipasyon ni Ice sa events ng FDCP.
Kasabay nito ay bineripika ng PEP ang mga ginawang serbisyo ni Ice base sa pertinent documents ng FDCP, tulad ng kopya ng financial reports at service agreements.
ICE AS PERFORMER IN GUANAJUATO FILM FESTIVAL
Kinuwestiyon ng stakeholders at insiders ang pagpili ng FDCP kay Ice para ipadalang performer sa Guanajuato International Film Festival (GIFF).
Sa pagsisiyasat ng PEP.ph, ginanap ang GIFF sa Mexico — sa San Miguel de Allende mula July 19 to 23, 2019; at sa Guanajuato City mula July 24 to 28, 2019.
Ang Pilipinas ang napiling "Spotlight Country of Honor"—o country in focus—na binigyan ng pagkakataong mag-showcase ng mga pelikulang Pilipino.
Hiwalay ito sa partisipasyon ng Philippine delegates sa main events ng festival.
Base sa records ng FDCP, ang FDCP ang pumili kay Ice bilang isa sa Philippine delegates na dadalo sa GIFF.
Ang FDCP ang sumagot sa airfare at honorarium ni Ice para sa concert performance nito sa festival sa Mexico.
Sa financial report ng FDCP, naka-attach ang dokumentong may titulong "JUSTIFICATION FOR PAYMENT OF HONORARIUM TO PERFORMER."
Nakasaad dito na dahil "Spotlight Country" ang Pilipinas, binigyan ng GIFF ang Pilipinas ng "45-minute presentation" para sa dalawang concerts ng festival.
Sabi rito: "Aside from the roundtrip economy flight provided by the agency to Ms. Cariza Seguerra, FDCP also provided an honorarium in line with the performances, which she duly received through a Service Agreement.
"The Festival only shouldered the accommodation of Ms. Seguerra."
Ang tinukoy na "Cariza Seguerra" ay si Ice.
Sa financial report pa rin ng FDCP, naka-attach ang imbitasyon ng GIFF kay Ice na mag-perform sa dalawang concerts — una ay sa San Miguel de Allende noong July 20, 2019, at sa Guanajuato Capital noong July 26, 2019.
Makikita sa imbitasyon ng GIFF na sagot ng festival ang accommodations ni Ice, at ang festival din ang nag-ayos na tumira ito sa bahay ng isang local family sa San Miguel de Allende.
Walang nakasaad sa imbitasyon na sagot ng GIFF ang airfare at honorarium ni Ice.
Ito ang ginamit na "justification" ng FDCP sa pagbayad ng honorarium na PHP110,000, mula sa FDCP funds, para sa serbisyo ni Ice sa festival.
Naka-attach din dito ang kopya ng set list ni Ice — na nag-perform ng tig-siyam na kanta sa dalawang concerts sa Mexico — bilang patunay ng kanyang serbisyo.
Kasama rin sa financial report ng FDCP ang certification mula kay Ice na hindi siya tumanggap ng professional fee mula sa GIFF para sa kanyang performance bilang singer.
WHAT complainants SAY is wrong with ICE BEING SENT TO GIFF
Ipinaliwanag ng stakeholders at insiders sa PEP ang tingin nilang mali sa pagpapadala kay Ice sa GIFF.
"She was flown to Mexico as a performer. And then she was paid PHP100,000 to perform there?" pagtataka ng Second Source.
Paano raw nangyaring imbitado ng international festival ang performer, pero ang honorarium ay galing sa FDCP?
Liban doon, hindi lang daw iisang beses kinuha si Ice para sa local at international events ng FDCP.
Sabi ng Second Source:
"TAPOS ANG RATIONALIZATION PARATI IS, 'TUTAL MAGPAPADALA NA LANG NG PERFORMER, BA'T DI NA LANG SI AIZA?' IYON ANG LINYAHAN. TAMA BA IYON?"
"Aiza" ang dating screen name ni Ice.
Hindi kaya kinuha si Ice dahil mas makakatipid ang FDCP kung siya ang ipadalang singer?
Sagot ng Second Source: "But that's not true. There are so many artists."
May ibang artists nga raw na papayag na libre ang serbisyo dahil sa ibang bansa sila magpe-perform at makakatulong pa sila sa pag-promote ng local films.
Ang nangyari raw, mas napagastos pa ang FDCP dahil "PHP225,802.31" ang business class ticket ni Ice nang dumalo ito sa GIFF.
Pagdetalye ng Second Source:
"UNDER THE PARANG S.O.P. NG FDCP, ANG AIRFARE IS ECONOMY. BUT SHE WAS GIVEN BUSINESS CLASS SEATS WHICH COST THE FDCP MORE THAN PHP200,000 TO FLY HER TO MEXICO."
TRAVEL RULES FOR GOVERNMENT PERSONNEL
Sa PART 2 ng PEP SPECIAL REPORT ON THE FDCP, una nang nabanggit ang financial report ng FDCP para sa Guanajuato International Film Festival.
Makikita roon na PHP1.3M ang ginastos para sa 11 katao na sagot ng FDCP ang airfare tickets.
Dalawa sa 11 passengers ay sina Ice at Liza.
Ang cost ng business class plane tickets nina Ice at Liza from Manila to Los Angeles ay PHP503,028.80 — o halos kalahati ng total airfare expenses ng FDCP para sa festival. Clase Premier ang plane tickets para sa kanilang connecting flights patungong Leon, Mexico.
Mahal na nga raw ang binayarang plane ticket ni Ice, binigyan pa ito ng malaking honorarium, pag-angal ng insiders at stakeholders.
Ang siyam pang passengers na may plane tickets na sagot ng FDCP ay nasa economy class.
Tungkol sa travel procedure sa FDCP—sakop ang council chairperson—sabi ng Second Source:
"LAHAT KAILANGAN MAG-TRAVEL NG ECONOMY. KUNG GUSTO MO I-UPGRADE YUNG SARILI MO, YOU PAY FOR IT YOURSELF."
May malinaw ngang patakaran ang gobyerno pagdating sa official foreign travel of government personnel.
Base ito sa Executive Order No. 77, na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong March 15, 2019.
Nakasaad ditong required "as far as practicable, to minimize travel cost," at ninirekomendang "economy" ang ticket para sa overseas travels.
Sabi ng Section 12: "In case the officials and employees authorized to travel abroad shall not be provided with transportation expenses for the economy class, which for purposes of this Order does not include premium economy class."
Para sa "long-haul trips," o iyong mga flight na lampas apat na oras, pinapayagan ang business class airfares para sa "Department of Secretaries, Undersecretaries, Assistant Secretaries, and those of equivalent ranks."
ICE AS PERFORMER IN LOCAL EVENTS OF FDCP
Tugma sa FDCP financial reports at service contract agreements ang sinasabi ng stakeholders at insiders na makailang-beses kinuha si Ice bilang performer sa maraming local events na organisado ng FDCP.
Sa pagsusuri ng PEP.ph, napag-alamang tumanggap si Ice ng talent fee para sa mga serbisyo niya sa mga sumusunod na events—
PPP4 VIRTUAL FAN EXPERIENCE. Si Ice ang performer sa Fourth Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) Virtual Fan Xperience noong November 20, 2020.
Ang PPP ay annual Filipino-films-only festival na inoorganisa ng FDCP simula 2017, sa ilalim ng pamunuan ni Liza.
Virtual event ang 2020 edition dahil kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Tumanggap si Ice ng PHP35,000 para sa "professional services" niya, base sa pinirmahan niyang service agreement sa FDCP.
FDCP FILM INDUSTRY MONTH. Ang Film Industry Month ay isang month-long celebration ng pelikulang Pilipino na sinimulan noong 2021, sa ilalim ng pamunuan ni Liza.
Si Ice ang performer sa opening night ng FDCP Film Industry Month noong September 1, 2021.
Tumanggap siya ng talent fee na PHP40,000 para sa kanyang performance sa opening night, base sa pinirmahan niyang service agreement contract.
Si Ice din ang performer sa closing night nito noong September 30, 2021, at tumanggap siya rito ng payment na PHP40,000.
May iba pang local events ang FDCP na si Ice ang isa sa performers.
Ang binabanggit na services ni Ice sa ulat na ito ay iyon lamang naberipika ng PEP.
ICE AS DIRECTOR FOR FILMSTITUTE
Isa pang ipinagtataka ng insiders at stakeholders ay kung bakit kinukuhang direktor si Ice kahit marami pa raw mas qualified dito.
Kinuha si Ice bilang direktor para sa isang FDCP project ng Filmstitute, ang online learning portal ng FDCP para sa aspiring at practicing filmmakers.
Sa dokumento ng FDCP, may pinirmahang service agreement contract si Ice para sa eight-day shoot noong "June 17, 18, 19, 21, 22, 23 at July 2 at 3, 2021."
Ang payment para sa serbisyo ni Ice sa proyekto ay nagkakahalaga ng PHP100,000.
Tugma ito sa financial report ng FDCP na may breakdown of expenses para sa Filmstitute project na iyon. May total na P1.2M ang nagasta sa Filmstitute project, at nakalista roon ang nabanggit na payment para sa serbisyo ni Ice.
Ayon sa insiders at stakeholders, may kinalaman ito sa modules o instructional materials sa Filmstitute.
Pero kung titingnan ang final outputs ni Ice, ayon sa insiders at stakeholders, hindi uubrang modules ang mga ito. Hindi naman daw katakataka dahil hindi trained si Ice sa pagdidirek ng ganitong video content.
“[Given] her knowledge of making instructional videos, [these] turned into featurettes and not the purpose of what [they're] supposed to be,” komento ng First Source.
Susog ng Second Source:" "Unang-una, when did Aiza start directing? She was never a director."
ICE AS DIRECTOR FOR FDCP EVENTS
Nagsimulang magdirek si Ice nang hawakan nito ang FDCP events, ayon sa stakeholders at insiders. Ang problema raw, dumaan ba sa tamang proseso ang pagpili kay Ice?
Sabi ng First Source: "If the FDCP has an event, by law, you have to bid it out. It was never bid out.”
Kung titingnan ang FDCP events, ilang beses naging direktor si Ice para sa mga ito. Sa pagsusuri ng PEP sa FDCP financial reports, tumanggap si Ice ng talent fee para sa mga ito.
SINE-SANDAAN PRE-ACTIVATION SHOW & PPP AWARDS NIGHT. Kinuha si Ice para sa FDCP events kaugnay ng Sine Sandaan o centennial celebration ng pelikulang Pilipino.
Base sa pinirmahang kontrata ni Ice sa FDCP noong September 2020, siya ang direktor para sa Sine Sandaan Pre-Activation Show sa online streaming channel ng broadsheet na The Manila Times.
Hindi nakadetalye sa kontrata kung ano ang konsepto ng idinirek niyang show.
Pero ayon sa FDCP website, nakipag-partner noon ang FDCP sa The Manila Times para sa “FDCP-curated selection of contemporary, independent, and classic films” na ipinalabas ng 18 weeks.
Si Ice din ang kinuhang direktor para sa virtual awards night ng Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) Sine Sandaan edition, na ginanap noong December 12, 2020.
Ang PPP ay ang annual film festival na inoorganisa ng FDCP.
Nakasaad sa service agreement document ng FDCP na ang payment para sa serbisyo ni Ice sa Sine Sandaan Pre-Activation Show at PPP Awards Night ay PHP125,000.
FILM AMBASSADORS' NIGHT 2021 & 2022. Ang Film Ambassadors' Night (FAN) ay annual event na parangal sa Filipino filmmakers, filmworkers, actors, at film projects na kinilala ng award-giving bodies at ng film festivals abroad.
Kinuhang direktor si Ice para sa virtual FAN 2021 noong February 28, 2021. Base sa kanyang service agreement contract, tumanggap siya ng payment na PHP50,000 para sa kanyang serbisyo.
Kinuha ulit si Ice bilang director ng FAN 2022 na ginanap sa The Metropolitan Theater sa Manila City, noong February 27, 2022. Bukod sa pagdirek ng main event, nagdirek din si Ice para sa VTR shoot mula February 16-18, at sa rehearsals noong "February 19, 21, 22, 25, at 26, 2022."
Ang tinanggap niyang halaga para sa kanyang serbisyo rito ay PHP125,000, base sa pinirmahan niyang service agreement contract.
FILM INDUSTRY MONTH CLOSING CEREMONY. Nagsilbi ring direktor si Ice ng Film Industry Month Closing Ceremony noong September 30, 2021. Base sa kanyang service agreement contract, tumanggap siya ng PHP50,000 para rito.
ICE AS ALBUM PRODUCER FOR FDCP
May pagkakataon ding kinuha si Ice bilang album producer para sa FDCP Archive Album. Nabuo ang album mula December 23, 2020 - January 10, 2021.
Base sa kanyang service agreement contract, PHP20,000 ang rate ni Ice per track.
Ang kabuuang fee na natanggap niya para sa naprodyus na 12 tracks ay PHP240,000.
Malinaw sa service agreement contracts ni Ice kung magkano ang halagang tinanggap niya sa bawat specific role sa bawat specific project.
Sabi ng Second Insider, "PHP960,000" ang kabuuang service fees na natanggap ni Ice para sa 11 projects mula July 2019 - July 2022.
Masasabing tinapatan ni Ice ng serbisyo, talento, at oras ang halagang ibinayad sa kanya ng FDCP.
Pero ang punto ng insiders at stakeholders, hindi iyon sapat na dahilan para i-assign ang mga proyekto kay Ice.
Paglilinaw nila, mayroong “conflict of interest” dito dahil sa relasyon ni Ice kay Liza na FDCP chair.
Kung may "delicadeza" raw si Liza, hindi niya dapat kinuha ang sariling asawa para sa mga proyekto ng film council kunsaan siya ang chair.
Ayon pa sa insiders, may isang FDCP Council member na direktang nagtanong kay Liza hinggil sa isyu.
Paglahad ng First Source: “Di ba, si Vivian Velez questioned that at the start during the council [meeting]? 'Why is Aiza doing this?' To her [Liza] face.
"And she [Liza] said, 'She's [Aiza] doing it out of love. She's not getting anything from this.'"
Pero diin ng Third Source, hindi nagtagal ay "may budget na" para sa partisipasyon ni Ice.
Insiders insist there is "conflict of interest"
Ibinahagi ng ilang FDCP insiders kung paano naging regular performer/director/producer si Ice sa FDCP events.
Umpisa pa lang ay may mga napatanong na raw sa sirkulo ng insiders: “Hindi ba conflict of interest?”
Usap-usapan na rin daw iyon sa mga meeting ng Council.
“Nung una, sinabi libre ang services niya. Nung una, puro ganun. And then suddenly, meron na," manghang na saad ng First Insider.
Kinumpirma ng Second Insider na umpisa pa lang ay tinanong na rin si Liza ng ibang Council representatives tungkol sa pagkuha kay Ice.
Tanong daw ni Atty. Rochelle Ona ng MMDA kay Liza: "Are you sure wala dito si Aiza? Kasi, di ba, parang conflict of interest?"
Ang sagot din daw ni Liza noon ay "out of love" ang serbisyo ni Ice sa FDCP.
Kaya raw napaisip ang Second Insider: “Nung una ko nakita na babayaran si Aiza, nagulat talaga ako."
Pag-amin ng insiders, may mga taong kaalyado ni Liza na nagtanggol sa pagkuha nito sa serbisyo ni Ice.
Katuwiran ng mga kaalyado, walang “conflict of interest” dahil hindi daw legally acknowledged sa Pilipinas ang pagpapakasal nina Liza at Ice sa Amerika.
Sinasabi rin umano ng mga kaalyado ni Liza na okey lang kuning performer si Ice dahil lehitimo at respetadong singer ito sa entertainment industry.
Giit naman ng industry stakeholders sa PEP, hindi katanggap-tanggap ang depensa ng mga kaalyado ni Liza.
Una, marami raw lehitimo at respetadong singers sa bansa. Bakit hindi sila napipili? Binabalik nila ang tanong sa: Paano nga ba napipili si Aiza?
Pangalawa, hindi raw kaila sa publikong bukas sina Liza at Ice sa kanilang pagtuturingan bilang mag-asawa. Inilabas sa publiko ang kanilang wedding photos; sa sweet messages nila sa IG, ang tawagan nila'y asawa, misis, hubby, husband, #misteratmisis; at alam din ng publikong nagsasama sila bilang mag-asawa.
Tanong ng Third Source: "If it serves the purpose [saka sasabihing] hindi naman sila kasal dito sa Pilipinas?"
ICE ON DIRECTING DOCU-MUSIC VIDEO FOR HEALTHY PILIPINAS CAMPAIGN
Dagdag sa isyu ng “conflict of interest” na ibinabato ng insiders at stakeholders kay Liza ay ang partisipasyon ni Ice sa "Healthy Pilipinas" campaign.
Ang campaign ay isang PHP10M-partnership ng FDCP at Department of Health (DOH), na gustong maghayag sa publiko ng kaalaman sa COVID-19 at ibang health priority programs ng DOH.
Ang FDCP ang nangasiwa sa pagpili ng iba-ibang production groups na nagprodyus ng limang short films at isang docu-music.
Base sa service contract records ng FDCP, ang natukoy na "proponent" ng docu-music ay si Ramon "RR" Herrera.
Si Herrera ang nagsilbing producer, samantalang si Ice ang director ng "Dito Ka Lang," ang 10-minute docu-music video na bahagi ng "Healthy Pilipinas" campaign.
Nakakuha ang PEP ng kopya ng Memorandum Of Agreement (MOA) para sa production cost ng "Dito Ka Lang" docu-music video.
Si Herrera ang tumanggap ng pondong may halagang PHP1,120,221.04 para sa pagprodyus ng docu-music video.
Tumanggap si Herrera noong July 22, 2021 ng tsekeng nagkakahalaga ng PHP784,154.75 sa “first tranche” ng “production cost” ng "Dito Ka Lang."
Noon namang October 27, 2021, ang “second tranche” ng tsekeng natanggap ni Herrera ay nagkakahalaga ng PHP336,066.31.
Hindi malinaw kung magkano ang ibinigay ni Herrera na talent fee kay Ice bilang direktor ng docu-music video.
Si Ice ang featured artist sa docu-music video. Siya rin ang nag-compose ng kanta para sa video.
Ang personal na kuwento ni Ice ng dinaanan niyang depression ang tinakalay sa information campaign na iyon.
Ayon sa sources, hindi malinaw kung dumaan sa bidding ang nagprodyus ng short films at docu-music.
Sabi ng First Source sa PEP, si Herrera ay kasabayan ni Ice bilang child star noong ‘80s. "Best friends" daw ang dalawa hanggang sa kasalukuyan.
Napanood si Herrera sa mga pelikulang Agila Ng Maynila (1988), Rosenda (1989), at Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina? (1990).
LAUNCH OF HEALTHY PILIPINAS SHORT FILMS FESTIVAL
Naglabas din ang FDCP ng budget para sa DOH Healthy Pilipinas Short Film Festival na ginanap sa Shangri-La Plaza, noong June 24, 2022.
Dito ni-launch ang docu-music video na "Dito Ka Lang" na gawa ni Ice, pati na ang limang short films na gawa ng ibang napiling filmmakers.
Ayon sa financial report ng FDCP, PHP886,000 ang ginasta ng FDCP para sa 10 performers, 6 moderators, 1 resource person, at 1 operator/media server ng event.
May partisipasyon si Ice at ang kaibigan nitong si Herrera sa launching event na iyon.
Si Ice ay tumanggap ng PHP50,000 bilang performer, habang si Herrera ay may payment na PHP20,000 bilang moderator.
Ang nakatalang cost para sa invited press ay PHP279,000.
SUPPOSED FILM INCENTIVE GRANT FOR DRAG RACE PHILIPPINES
Kuwento pa ng insiders, may isyu rin ng "conflict of interest" na sangkot ang partner ni Liza na si Ice at ang Drag Race Philippines + Untucked.
Ang Drag Race Philippines + Untucked ay 10-part episode ng behind-the-scenes ng Drag Race Philippines, ang reality competition para sa drag superstars na umere sa HBO.
Co-production ito ng Filipino film company na Fullhouse Asia Production Studios Inc. at foreign production company na World of Wonders Production, Inc.
Ang director ng Drag Race Philippines + Untucked ay si Ice.
Nag-apply ang Drag Race Philippines + Untucked sa isang film incentive program ng FDCP, ang International Co-Production Fund (ICOF).
Layunin ng ICOF na maengganyo ang foreign film companies maki-collab sa Filipino companies sa pagprodyus ng pelikula.
Base sa dokumento ng FDCP na nasuri ng PEP.ph, pumasa ang Drag Race Philippines + Untucked sa "provisional application" para sa film incentive ng ICOF.
Noong February 2, 2022, may sulat ang FDCP sa Fullhouse Asia Production Studios, Inc. na nagsasabing naaprubahan ang "20% cash rebate" sa "Qualifying Philippine Production Expenditures" ng proyekto.
Ibig sabihin, magbibigay ang FDCP ng pondong katumbas sa 20 percent ng "costs from pre-production to post-production of the project."
Ang coverage ay mula sa date of confirmation ng FilmPhilippines Office na natanggap nito ang kumpletong "Provisional Application" hanggang sa date of confirmation ng "Final Verification."
Ang FilmPhilippines Office ang division ng FDCP na namamahala sa film grants.
Base pa rin sa dokumento ng FDCP, magpapadala ito ng Memorandum of Agreement (MOA) bilang pagkumpirma sa pagkakapili sa Drag Race Philippines + Untucked.
Dumaan ito kay Liza.
Ang sulat para sa provisional application ng reality search ay pirmado ni Liza bilang FDCP chair at ng executive director ng FilmPhilippines Office.
Sabi naman ng Second Source sa PEP, hindi napirmahan ang MOA para sa ICOF application ng Drag Race Philippines + Untucked. Ibig sabihin, hindi natuloy ang film incentive grant.
Ayon sa insiders, katakatakang naging eligible ito sa unang round pa lang ng evaluation.
Sabi ng Second Source: "When you shoot in the Philippines, people are urged to come here, they are given an incentive up to a maximum of PHP10M.
"The strange thing is that, technically, Drag Race Philippines is not a film. It's an online series, so bakit siya binibigyan [ng incentive]?"
Kinuwestiyon din ng sources ang koneksiyon ng dalawang taga-Drag Race Philippines kay Liza.
"Yung dating head na humahawak ng grants [sa FDCP], si Hannalet Capistrano, ay writer pala ng Drag Race," sabi ng Second Source.
"And then, eventually, nalaman na si Aiza pala is a director of Drag Race Philippines + Untucked," dugtong ng Second Source.
LIZA AND ICE'S FIRE AND ICE COMPANY
Tingin ng insiders, alam ni Liza na pabor sa kanya at kay Ice ang pagkuha kay Ice bilang director ng FDCP events.
Anila, nagtayo ng sariling production company ang mag-asawa.
Itinayo raw nina Liza at Ice ang Fire and Ice Media and Productions Inc. noon pang FDCP chair si Liza.
Sa dokumentong nasuri ng PEP.ph, inirehistro ang Fire and Ice Media and Productions Inc. bilang korporasyon sa Securities and Exchange Commission (SEC) noong May 20, 2021.
Anim ang magkakasosyo sa kumpanya. Si Liza ay may 1,275 shares, habang si Ice ay may 675 shares. Sila ang may pinakamalaking shares sa kumpanya.
Isinapubliko ng mag-asawa ang itinayong kumpanya nang iprodyus nila ang 35th anniversary concert ni Ice, ang Becoming Ice, sa The Theater at Solaire noong October 15 2022.
Sa ulat ng PEP noong January 10, 2023, sinabi ni Liza na siya ang CEO ng Fire and Ice.
Ito ang bagong papel na pinagtuunan niya ng pansin nang matapos ang termino sa FDCP, paliwag ni Liza sa interbyung iyon.
Nagbigay-daan daw ang kumpanya para siya naman ang sumuporta sa asawang si Ice, na magdidirek ng isa sa mga pinaplanong pelikula ng Fire and Ice Productions ngayong 2023.
Read: Liza Diño says end of FDCP stint "meant for me to be able to support my husband"
Sa hiwalay na panayam kay Ice, na naiulat sa PEP noong January 5, 2023, ikinuwento nitong noong pandemya niya inasikaso ang pagpaparehistro ng Fire and Ice sa SEC.
Lumabas daw ang papeles mula sa SEC, ilang araw makalipas ng pag-alis ni Liza sa puwesto noong July 2022.
Read: Ice Seguerra recalls Liza Diño "grabe ang lagapak" after FDCP stint; Liza now busy with own company
Sa petsang nakasaad sa SEC papers ng Fire and Ice, noong May 2021 pa naaprubahan ang pagpaparehistro sa kumpanya.
Sa kabilang banda, sa pagsisiyasat ng PEP, walang FDCP document na magpapakita ng direktang transaksiyon ng Fire and Ice sa mga proyekto ng FDCP.
Tanging ang individual capacity ni Ice sa kanyang mga serbisyo sa iba-ibang FDCP events ang tugma sa reklamo ng sources.
Sabi ng First Insider, sa "halos PHP1M" service fees na naibayad kay Ice bilang performer/director/album producer, "Ito yung mga nakatseke lang sa kanya. Yung sa Fire and Ice, wala..."
Pag sang-ayon ng Second Source, "Yung sa Fire and Ice, wala pa diyan."
"ENTITLEMENT" OF LIZA
Tingin ng insiders at stakeholders, lumusot ang madalas na pagkuha kay Ice para sa iba-ibang FDCP projects dahil sa anila'y pinairal na "one-woman rule" ni Liza.
Sabi ng First Source: "May mga bagay na bigyan ko siya [Liza] ng benefit of the doubt, much [to do] with her ignorance, which led to such a fatal situation.
"But there are some [decisions] which are downright abusive and [a show of] entitlement."
READ: #FDCPISSUE NO.2: Liza Diño reprimanded by Tito Sotto for messing with rules and regulations
READ: #FDCPISSUE: Liza Diño refutes "one-woman rule" charge
Pagsusog ng Third Source: "I think it's the six years na nakaupo siya na she got so used to getting away with things. Walang nag-check, e.
"Siguro nung una, maayos siya. After a while, medyo naging complacent na, 'Tutal ako naman sinusunod dito.'"
