Nakita ng source ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na nasa taping ng Ful Haus noong Monday si Ryan Agoncillo.
Para makasiguro kung guest nga ang TV host-actor at baka naman napadaan lang, tinawagan ng PEP ang manager nitong si Noel Ferrer na mabuti't nakabalik na ng bansa mula sa Italy sa shooting naman ng GMA Films movie na I.T.A.L.Y. (I Trust And Love You).
Kinumpirma ng talent manager na hindi lang bumisita si Ryan sa taping, siya talaga ang guest sa nasabing episode na kung hindi nagkakamali ang PEP ay airing na for Sunday, April 20, dahil birthday presentation ng TV host-actor na nag-birthday noong April 10.
Si Malou Choa-Fagar pa ang nag-imbita kay Ryan para mag-guest at sa Ful Haus i-celebrate ang birthday. Last year, sa Eat...Bulaga! naman nag-birthday si Ryan, sabay ng launching ng album niya mula sa Vicor Records.
Naalala ng PEP na there were some plans na sa Eat...Bulaga! din i-celebrate ni Ryan this year ang kaarawan, pero naging busy ito sa Ploning, ang pelikula ng girlfriend niyang si Judy Ann Santos, dahil kinomisyon siya ng direktor nitong si Dante Garcia na gumawa ng coffee table book based sa mga litratong kuha niya sa location shooting ng movie at sa Cuyo Island, Palawan.
Anyway, kinumusta namin kay Noel ang first time na pagsasama nina Vic Sotto at Ryan sa show. Hindi ba nailang ang huli dahil Prince of Comedy ang kanyang ka-eksena?
"Masaya ang taping. Idol ni Ryan si Vic at tuwang-tuwa siyang makatrabaho ito. Touching din na sila pa ang nakaalalang birthday ni Ryan. Nagtanong nga si Ms. Malou kung magkano ang talent fee ni Ryan, sabi ko naman, sila na ang bahala. Ang makapag-guest sa isang episode ng show ay honor enough for Ryan," sabi ni Noel.
DOBOL TROBOL CAMEO. Inalam na rin ng PEP kay Noel kung matutuloy pa si Ryan sa Dobol Trobol, dahil sa mga naunang press releases ng movie, nabanggit na kasama sa cast ang TV host-actor. Kaya lang, nagsimula na ang shooting ng Vic-Dolphy movie at wala nang balita kung kasama pa si Ryan.
"Cameo role lang naman siya at hinahanapan pa ni Direk Tony Reyes kung anong babagay na role sa kanya. Sinabi na naman ni Ryan na kahit batuk-batukan lang siya nina Vic at Dolphy, basta kasama siya sa movie ay okey lang sa kanya. Saka, pangako ni Direk Tony ‘yun na isasama siya sa movie."
Siyempre, inalam din ng PEP kung ano ang bagong show ni Ryan sa ABS-CBN. Ysabella pa ang last regular show niya at matagal na yun. Nabalitang si Ryan ang magho-host ng PDA o Pinoy Dream Academy, pero wala pa ring balita tungkol dito.
"Wala pa siyang ginagawa ngayon. Meeting-meeting pa kami with ABS [CBN]. Kaya nga libre siyang nakapag-guest sa Ful Haus at natapos ang coffee table book, dahil hindi siya busy," pahayag ni Noel.
COFFEE-TABLE BOOK. Ploning din ang title nito at kung matatapos sa oras, gusto sana ni Direk Dante na sabay sa showing ng movie sa April 30, ang launching nito. Ayon kay Direk, aabot sa 200 pages ang libro at 195 pages ang magagandang litrato na kuha ni Ryan at ng kanyang crew na isinama sa Cuyo Island.
Umabot sa 4,000 pictures ang kuha ni Ryan at pinili lang ang pinakamagaganda para sa libro. Ang sama ng loob daw ng photographer dahil nanghinayang sa mga litratong hindi nagamit, na mas marami kaysa sa mga nagamit.
Take it from Direk Dante, hindi lang ang pelikulang Ploning ang aabangan ng tao, pati na rin ang coffee-table book na ang mga litrato'y pinaghirapang kunan ni Ryan.