Humingi ng tawad si Vice Ganda sa It’s Showtime co-host niyang si Karylle.
Ito’y matapos nilang mag-trending sa Twitter kahapon, February 2, 2023, nang umalma ang netizens sa anila’y "disrespect” at "unfair treatment" na natatanggap nito mula sa mga co-host niya sa programa, partikular na si Vice.
Marami sa mga tagahanga ni Karylle ang hindi natuwa at tila nabastusan sa pambabara ni Vice kay Karylle sa videoke segment nila sa It’s Showtime.
Ang pinanggalingan nito ay ang kumalat na 38-second video clip tungkol sa sagutan nina Vice at Karylle sa programa kahapon.
Read: Netizens call out Vice Ganda for "disrespecting" Karylle on It's Showtime
Agad namang nag-tweet si Vice matapos siyang i-call out ng netizens, at inamin na siya nga ay nagkamali.
Tweet ni Vice nitong Huwebes ng gabi, February 2: "Oh so i am being called out. Yes i acknowledge sablay ako dun. Potah sablay again.
"Bawi po ako. Bawi right away."
Read: Vice Ganda acknowledges “sablay” in issue with Karylle: "Bawi po ako."
Nitong Biyernes ng tanghali, February 3, 2023, bago sumalang sa live show ng It’s Showtime, muling nag-tweet si Vice para ipaalam sa publiko na nakapag-usap na sila ni Karylle.
Ayon sa kanyang tweet, hindi na-offend si Karylle sa naging biruan nila nang tanungin niya ito.
Gayunpaman, humingi na rin daw siya ng tawad sa kanyang co-host.
Mababasa sa buong tweet ni Vice: “Story time! Magkakasama kami ni K [Karylle] at Tyang [Amy Perez] and Anne [Curtis] sa dressing room.
“Di daw siya naoffend [Karylle] when I asked her.
“But I still apologized. So to simplify WE ARE OK [red heart emoji].”
KUYA KIM LIKES COMMENTS AGAINST VICE
Samantala, tila nabaling ang isyu nina Vice at Karylle nang magbigay reaksiyon ang dati nilang co-host at ngayo’y TicktoClock host nang si Kim Atienza.
Napansin kasi ng netizens ang madalas na pag-like ni Kim sa mga negatibong tweets at komento tungkol kay Vice.
Anila, mukhang may laman at may pasaring si Kuya Kim sa dati niyang co-host.
Isa na rito ang pag-like niya sa tweet ng isang netizen na tinawag na "laitera" at "feeling main diva star" si Vice na siya raw dahilan kung bakit umalis sa programa si Kuya Kim, maging sina Billy Crawford, Eruption, at dating It's Showtime director na si Bobet Vidanes.
Buong tweet ng netizen (published as is), "Di na natiis nila Direk Bobet, Kuya Kim, Billy Crawford, Eruption ang pagiging main star diva at laitera ni VG [Vice Ganda] sa noontime show na yan. Gumawa pa ng sariling gc na di sila kasama para pag-usapan ang mga umalis sa show at laitin niya sila."
May isa pang tweet na inakusahang "bully" si Vice na ni-like din ni Kuya Kim.
Mababasa sa tweet: "Yes I agree that VG is a bully. He consistently bullies K just because of her weirdness/uniqueness. She also did the same to KK. Karyll is a beautiful and talented woman and I hope she finds a network or outlet that will showcase that."
Isa rin ang nagsabi na dahil sa mga bagong host ay hindi na napapansin pa ang iba, partikular na ang mga nauna nang host. Ni-like din ito ni Kuya Kim.
Saad sa tweet: "May favoritism kasi haha dami ng host ng showtime yung mga matagal ng host di man lang mabigyan ng spotlight buti na lang umalis na si kuya kim."
Isa pang tweet ang ni-like ni Kuya Kim na nagsabing dahil sa pagbawas ng exposure ni Karylle sa programa ay hininto na niya ang panonood niya sa noontime show.
Sabi sa tweet, "I honestly stopped watching showtime simula ng mapansin ko na parang hindi na nabibigyan ng enough exposure si Karylle.
VICE GANDA TAKES A SWIPE AT KUYA KIM
Idinaan na lang sa biruan at tawa nina Vice at Karylle ang isyung namamagitan sa kanila.
Sa episode ng It's Showtime ngayong Biyernes, February 3, 2023, nagbiruan ang mga host na maraming manonood sa kanila ngayong araw dahil "trending" sina Vice at Karylle.
Tila pinasaringan din ni Vice si Kuya Kim dahil sa pagla-like nito sa mga negatibong komento tungkol sa kanya.
Biro ni Vice kay Karylle: “Sikat na sikat tayo ngayon, yes! Trending tayo sa Twitter, girl!
“Mamaya magbi-video kami ni Karylle, magsasabunutan kami."
Sagot ni Karylle, “Mag-i-stretching muna ako, abangan mo.”
Kasunod nito ay nagpasaring na si Vice kay Kuya Kim.
Aniya, "Gusto nila yon…. Yun ang bet nila, yung magkaaway tayo kunyari.
“Tapos maraming magla-like-like para involved sila.
"Yes, trending din siya. Nakuha niya yung gusto niya.
"Ikaw talaga Kuya."
Read: Vice Ganda takes a swipe at Kim Atienza for "liking" comments against It's Showtime host
