Mas gusto ni Direk Adolf Alix Jr. na makatrabaho ang mga beteranong artista na kagaya nina Nora Aunor at Gina Alajar.

Ilang beses na niyang nakatrabaho ang dalawa, na tampok sa bagong movie niyang Pieta. Nasa cast din ng pelikula ang producer nitong si Alfred Vargas.
“Siguro dahil sabi ko nga kay Direk Gina noon at kay Ate Guy, simula bata ako dahil mahilig po talaga akong manood ng pelikula,” pagtatapat ni Direk Adolf sa storycon ng Pieta noong nakaraang Pebrero 4, Sabado, sa Victorino’s restaurant, Sct. Rallos St., Quezon City.
“Ahhh siyempre, dahil sila po ang magagaling nung araw na pinapanood ko lang sa CCP e, sa library, dahil ang hirap maghanap ng kopya.
“Dahil sa PLM [Pamantasan ng Lungsod ng Maynila] po ako nag-aaral, kapag break namin, nagpupunta ako ng CCP para manood. Tig-P20 yata, ano pa VHS, para manood ng classic na pelikula.
“So dun ko napanood yung Bona ni Ate Guy. Si Direk Gina, Orapronobis saka Salome yata.
“'Tapos, nakatrabaho ko si Direk Gina, una Munting Tinig, kasi ako po ang nagsulat. 'Tapos, nag-art director ako ng Mano Po 1.
“Karamihan po ng pelikula ko, mga senior yata. Si Tita Anita [Linda] po, sumalangit nawa, di ba?
“Marami po akong natututunan sa kanila. Saka yung age po nila, I think yung para sa akin bilang nagkukuwento, yung laging nao-omit.
“But I think yung age nila yung pinakamagandang mas gawan ng mga kuwento because mas maraming istorya na puwedeng gawin. At mas maraming characters na puwedeng gawin.
“Ang unang project namin ni Direk Gina na direktor ako, Mater Dolorosa, e. Ahh, dapat po si Ate Guy yun. Ayan, silang dalawa, magkasama na sila ngayon. Ha! Ha! Ha! Ha!
“Hindi lang natuloy kasi hindi nag-ano ang negosasyon namin noon sa TV5 pero nung nakatrabaho ko si Direk nun, 'tapos naging kaibigan ko na rin si Direk, parang pag may project ako, ayan nag-uusap kami.
“Mga pelikula, pag may napanood siya, mag-uusap kami. So parang naging kampante na rin ako at saka alam ko naman kung ano ang mga kaya nila bilang mga artista, so pag alam ko naman na…
“Kasi syempre, kung nagawa na nila, o kaya… ‘Direk, baka puwedeng ganito ang gawin mo.’
“Katulad nung ikinuwento ko sa kanya yung twist sa Pieta, ayun nagulat siya. 'Tapos, sabi ko, ‘Direk, kaya mo yan!’ Ayun.
“Si Ate Guy naman po siyempre, sabi ko nga sa kanya, dahil noong araw ang pinakapaborito kong artista, si Lolita Rodriguez, e.
“'Tapos sabi niya, natatakot siya kay Lolita noon. May pelikula silang ginawa noong araw.
“Actually, pag walang take, ang pinag-uusapan lang namin nina Direk, mga pelikula. Di ba? Si Direk Gina, ikinukuwento niya sa akin noon, sa Lucia, wala raw actor’s cue.
“Parang ready na siya. E, namatay ang anak niya, nasa tambakan, parang si Lolita raw will say, ‘O, ready na po ako.’ E sila, ‘Papaano kami?’ Di ba? Yung ganun.
“'Tapos, si Ate Guy naman magkukuwento sa akin, doon sa eksena na… Ate Guy, nalaglag ka ba sa bangka? Yung pelikula mo noon?
“Sa Condemned, parang may nangyari sa kanya, nalaglag — pero tuloy pa rin. So yung malilit na kuwentong ganun po, para sa filmmaker na katulad ko, parang mas nae-excite akong katrabaho sila.
“Kasi alam ko, marami akong natututunan. And at the same time, nakukuha ko yung sense of history ng paggawa ng pelikula which I think is importante.
“Dahil ngayon po, parang… siyempre with the younger generation, parang nakakalimutan nating tumingin dun sa mga pelikula natin.
“Parang lagi nating tinitingnan, yung nasa labas, di ba? Pero mas importante po para sa akin na tingnan natin yung history natin.
“Dahil kumbaga walang nagkukuwento, hindi natin alam yung… di ba, si Gerry de Leon? Ang kilala natin, si Steven Spielberg. Kilala natin, si Quentin Tarantino.
“Pero parang for the younger generation to look back and alamin, kilalanin si Gerry de Leon, kilalanin si Manuel Silos, I mean, di ba po?
“Yun ang mas importante para sa akin kaya mas gusto ko silang katrabaho if given the right project and the right opportunity.
“Kaya nagpapasalamat din ako kay Sir Alfred kasi nga, open siya, di ba? Kasi puwede namang romcom, puwede namang… I mean maraming genre na puwedeng gawin.
“But when he read the material, sinabi ko sa kanya, kung puwedeng si Ate Guy nga and eventually nung nag-uusap kami, sabi ko, si Direk Gina.
“And then may mga iba pang artista na ini-recommend ko sa kanya to be part of the project, open siya to it.
“Then na-get ko yung sense na interesado rin siya not only to be able to do a film, but to be able to do a film na may mapupuntahan because you get actors na may sense, may kalidad, di ba?”
DIREK ADOLF DISCLOSES OTHER MOVIES WITH NORA AUNOR
Ilalabas na raw this year ang pelikulang Kontrabida na dinirek ni Direk Adolf. Si Nora ang title role dito.
“Actually, nakipag-meeting ako sa Ovation parang two weeks ago, kay Joed [Serrano] saka sa mga producer,” lahad ni Direk Adolf.
“Ilalabas nila this year. Kasi I think naano na nila, OK na ang sitwasyon. Definitely, ilalabas nila this year.”
May unfinished film project pa si Direk Adolf kay Ate Guy, yung Laro aka Urban Legends.
“Kasi naabutan kami nun ng sarado ng National Museum. Iyon po ang totoong reason. Kasi ni-renovate po iyan,” paliwanag ni Direk Adolf.
“E, crucial po yung eksena. Kasi ang role niya po dun, nagwu-work sa National Museum.
“Pinag-usapan namin na tatapusin din yun. So kailangan pong ayusin yung continuity. Yung itsura.”
DIREK ADOLF REVEALS NORA'S BOOK SERIES
Sinigurado rin ni Direk Adolf na ilalabas ang una sa tatlo o apat na libro ng life story ni Ate Guy.
Ani Direk Adolf, “Nag-umpisa kami na parang kuwentu-kuwentuhan lang muna noong una.
“Sabi ko, ‘Ate Guy, gawa tayo ng opinyon mo dun sa roles na naganapan mo. Pili tayo ng mga roles, 'tapos kuwento ka lang. Si Andrea halimbawa, paano mo ginawa ang karakter?’
“'Tapos, nanganak na yung idea. Gawa na lang tayo ng libro.”
Si Nora mismo ang publisher ng series of books tungkol sa kanyang buhay at career. Na-conceptualize ito bago pa hinirang si Ate Guy na National Artist.
“Parang gift niya ito sa fans. Kasi ang dami rin na gustong malaman ang kuwento niya,” sambit ni Direk Adolf.
“Siyempre para makilala rin siya ng younger generation.”
Magandang gawan din si Ate Guy ng documentary film.
“Meron po kaming inaayos na docu. Kasi, may docu din po ako na inilapit sa kanya tungkol po sa isang pelikulang dinirek niya noong araw na hindi napalabas,” pagbabalita ni Direk Adolf.
“The Greatest Performance. Kasama niya rito sina Ian de Leon, Julio Diaz. Siya ang bida, ang writer at direktor.
“Natapos niya po yun. Kung bakit hindi naipalabas, yun po ang topic ng docu. Pumayag si Ate Guy. Pag-uusapan na lang namin kung paano gagawin yung docu.”
DIREK ADOLF UNVEILS NEW VIVAMAX PROJECTS
Pasabog ang unang Vivamax movie ni Direk Adolf, yung Bugso na pinagbidahan nina Sid Lucero, Ayanna Misola at Hershie de Leon.
Nasa cast din sina Mon Mendoza, Chadd Solano, Joseph San Jose, MJ Coloma, Ithan Magnaye, Jaggy Lejano, John Kenneth San Antonio, Celine Ong, Angel Madulid Co, Apra Talaco, Alan Paule, William Lorenzo, Lara Morena, Rico Barrera, at VJ Vera.
Iyon ang huling pelikulang ipinalabas ng Vivamax last year.
May pini-pitch siyang next project sa Vivamax. Base iyon sa isang true story na ginawa sa Kapuso program na Karelasyon. Tungkol yun sa CCTV.
Na-enjoy ba niya ang kalayaan na maipalabas sa streaming platform ang lubhang mapangahas na pelikula?
Sa sobrang daring, tinanggal kapagkuwan ng Vivamax ang ilang eksena roon.
E before, hindi naipalabas yung pelikulang Aurora ni Rosanna Roces, pati Chassis nina Jodi Sta. Maria at Paolo Rivero, dahil sa maseselang eksena.
“Natutuwa nga po ako kasi katulad ng Whistleblower, number 7 sa Netflix. Sabi namin, ‘O, Ate Guy! In fairness, di ba? Yung 2015 mo na syinut, e…’
“Ano naman po, yung katulad sa Bugso, nag-enjoy ako. Kasi yung mga artista, dahil bago sila. Natuwa ako na open silang matutong umarte. Saka yun nga, mabilis mapalabas. Nakalagay lahat sa streaming.”
Tame yung Chassis at Aurora kumpara sa Bugso.
“Yes! Yung Chassis nga po ang inaano namin. Actually, nakausap ko si Jodi recently lang. Balak namin if ever, kung paano, baka puwedeng i-release na ngayon sa streaming. Kasi nga, pwede na,” saad ni Direk Adolf.
Compared sa Bugso, yung Chassis…
“Walang-wala po, wholesome po! Ha! Ha! Ha! Disney!” paghalakhak ni Direk Adolf.
Pero iyun na nga, nagkakahigpitan na rin sa streaming platforms. Self-regulation and all.
Napangiti si Direk Adolf, “Ako po kasi, lagi kong sinasabi, kahit noon pa, di ba? Kaya nga kami na-X sa Aurora, na-X si Chassis.
“Kasi yung freedom of expression po, tao ang mamimili kung ano ang gusto nilang panoorin. Well, lalo na sa streaming kasi may bayad iyan.
“So parang ang importante lang po, yung access ng mga bata. Ako, yun lang po, ang parental control, iyon po ang mas dapat nating tuunan ng pansin.
“Kasi yung content po, parang mahirap na iyang ikontrol because worldwide na siya. Parang kahit hindi man sa Vivamax iyan, kahit Netflix, kahit iFlix or kahit HBO, I mean hindi mo na siya mapipigil.
“Kasi it’s for the world na, e. So ang importante na lang siguro, yung responsibility ng mga magulang saka ng mga kaibigan, kung ano yung papanoorin, yung puwedeng panoorin.
“Kasi pag pinigil niyo po, parang… parang babalik ho tayo sa nakaraan, di ba? Para sa halip na progressive tayo, parang hindi tayo uusad.”
