Hindi pa rin makapaniwala si Ara Mina na tatagal siya ng tatlong dekada sa showbiz.
Ngayong taong 2023, ipagdiriwang ng actress-entrepreneur ang kanyang ika-tatlumpung taon sa industriya.
Nagsimula siya sa murang edad na 14 noon. Siya ay 44 anyos na ngayon.
Read: Ara Mina: The star who had 4 screen names conquers acting, singing, even baking
Ano nga ba ang naging sikreto niya kung bakit siya nagtagal sa showbiz industry?
Kuwento ni Ara, “I guess, sinamahan ko ng prayers, non-stop, na parang kumbaga, ‘I-guide Mo ako, thank You for all the blessings, sa mga projects na binibigay Niyo.’
“At lahat ng projects na ginagawa ko, ginagawa ko yung best ko tsaka nakikisama ako nang maayos sa mga katrabaho ko, sa mga directors, sa mga producers.
“I see to it na hindi ako pa-diva kasi kahit gaano ka kasikat, kung may attitude ka, hindi ka nila kukunin, e.
“Magsasawa silang kukunin, ‘Ay, may attitude yan, huwag mo nang kunin, sasakit ulo mo.’ So, I see to it na grounded pa rin ako.”
Umarangkada ang karera ni Ara sa sexy movies noon. Kaya naman napagsabihan siyang “ham actress” o “bano” sa pag-arte.
Pero napatunayan niyang nakakaarte siya at nakuha pang magwagi ng Best Actress award sa Metro Manila Film Festival 2002 sa pelikulang Mano Po.
Pagbabalik-tanaw ni Ara, “Kasi nung sexy days ko, talagang inaano ako, ‘Tingnan natin kapag hindi na nagpa-sexy yan, wala na yan. Ham actress yan.’
“Inano ko siya as constructive criticism.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at dalawa pang reporter si Ara sa contract signing niya bilang bagong endorser ng SOMH sanitary napkin noong nakaraang Miyerkules, February 15, 2023.

(Ara Mina with SOMH owner James Lao)
Ginanap ang contract signing sa bagong office nila ng asawang si Dave Almarinez na A Force Ventures sa Bonifacio Global City, Taguig City.
NEW BUSINESS
Maganda ang pasok ng taon sa karera ni Ara.
Kakatapos lang niyang gumawa ng isang pelikula at marami siyang guest appearances sa ilang TV shows.
Maganda rin ang takbo ng kanyang negosyong Hazelberry.
At ngayon, may bago naman siyang endorsement. Bukod pa rito, nagbukas din sila ng asawang si Dave ng bagong opisina.
Ano pa ba ang mga aabangan sa kanya?
Nakangiti niyang kuwento, “Naku, maraming bago. Maraming bago. Now we’re here at our new office, A Force Ventures, siyempre pinangungunahan ng aking husband na si Dave, siya ang founder and I’m the co-founder.
“Soon, malalaman niyo what’s all about A Force Ventures. And by March, puwede ko ng i-reveal kung ano yung pinaghahandaan ko rin para sa inyo, for everyone. As my 30th anniversary offering to all the people who supported my career.”
(Ara and husband Dave Almarinez)
Kuwento naman ni Dave tungkol sa kanilang bagong business, “Ang dream kasi namin is to help the Pinoy entrepreneurs.
“Parang isa rin to sa company na puwedeng mag-guide sa kanila to grow together with us kung nakikita namin na may potential yung isang business.”
