Kabilang sina Miss World Philippines 2019 Michelle Dee, Reina Hispanoamericana Pilipinas 2021 Emmanuelle Vera, Bb.Pilipinas Grand International 2021 Samantha Panlilio, at Miss Universe Philippines Charity 2022 Pauline Amelinckx sa apatnapung (40) kababaihan na opisyal na kandidata sa Miss Universe Philippines 2023.
MICHELLE DEE
Ikalawang pagkakataon na nang pagsali ni Michelle sa Miss Universe Philippines dahil noong nakaraang taon, siya ang naging mahigpit na kalaban ni Celeste Cortesi sa korona ng Miss Universe Philippines 2022.
Hindi man pinalad, si Michelle ang hinirang na Miss Universe Philippines Tourism 2022.
PAULINE AMELINCKX
Gaya ni Michelle, muling susubukan ni Pauline ang kapalaran nito sa Miss Universe Philippines. Pangatlong beses na ang pagsali ni Pauline dahil ito ang third runner-up ni Rabiya Mateo sa Miss Universe Philippines 2020 at tinanghal na Miss Universe Philippines Charity 2022.
Umaasa ang mga tagasuporta ni Pauline na masusundan nito ang yapak ni Pia Wurtzbach na tatlong beses na sumali sa Bb.Pilipinas.
Si Pia ay runner-up sa Bb.Pilipinas 2013, Top 15 candidate sa Bb.Pilipinas 2014, at saka nanalo bilang Bb.Pilipinas Universe 2015.
Hindi nabigo si Pia sa kanyang pagpupursige bilang kinatawan ng Pilipinas sa 64th Miss Universe.
Siya ang bumasag sa 42 years na walang nananalong Philippine bet sa pinakaprestihiyosong beauty pageant. Siya ang ikatlong Pilipina na nanalo na Miss Universe noong December 2015.
EMMANUELLE VERA
Singer, songwriter at aktres si Emmanuelle na sumali sa Miss World Philippines noong 2021 at official representative ng ating bansa sa Reina Hispanoamericana na ginanap sa Santa Cruz, Bolivia noong October 20, 2021.
Hindi umuwing luhaan si Emmanuelle dahil siya ang third runner-up sa 30th edition ng international beauty pageant na kanyang nilahukan.
Tulad nina Michelle, Pauline at Samantha, nangangarap si Emmanuelle na mapanalunan ang Miss Universe Philippines 2023 title.
CLARIELE DACANAY & MARY EILEEN GONZALES
Nakapasok naman bilang official candidates ang aspiring beauty queens na ganap nang mga ina—sina Clariele Dacanay at Mary Eileen Gonzales.

Ang pagsali nila sa pageant ang isa sa mga mga dahilan kaya kaabang-abang ang coronation night ng Miss Universe Philippines 2023 na idaraos sa April 2023.

Ang masuwerte na mananalo ang ipadadala ng Miss Universe Philippines Organization sa 72nd Miss Universe na magaganap sa El Salvador bago matapos ang 2023.