Nag-uusap na ang Pinoy folk singer na si Freddie Aguilar at ang estranged daughter nitong si Maegan Aguilar, pero hindi pa rin maaaring tumuntong sa bahay ni Freddie si Maegan.
Ito ang isiniwalat ng “Anak” singer sa panayam sa kanya ng veteran showbiz journalist na si Aster Amoyo na lumabas sa vlog ng huli noong Linggo, February 19, 2023.
Aminado rin si Ka Freddie na may pagkarebelde talaga ang ugali ni Maegan noon pa man.
Kumusta na ba ang relasyon nilang mag-ama ngayon?
Ayon sa legendary singer, “We are talking but she’s still not allowed in my house kasi nasa akin yung anak niyang si Anaya na pinag-aaral namin.
“Tapos yung isang apo ko pang si Sky, nasa bahay din. Pero si Sky, anak ni Jeriko, nakatira sila sa bahay. Dalawang anak kong lalaki, nasa bahay ko pareho, e.”
Ayon sa music icon, hanggang hindi niya nararamdamang nagbago na si Maegan ay mananatiling ganito ang kanilang relasyon.
Napabalita noong nalulong sa ipinagbabawal na gamot si Maegan, na pinabulaanan naman nito.
Paliwanag pa ni Freddie, “Si Maegan, hindi siya puwede dun until malaman ko na talagang nagbago na siya.
“Kasi si Maegan, sinasabi niya sa akin na, ‘Tay, nagbago na po ako.’
“Sabi ko, ‘Anak, hindi mo kailangan sabihin na nagbago ka sa akin, e. Ako, malalaman ko yun anak kapag nagbago ka. Ako mismo magsasabi sa yo anak, anak, halika, nagbago ka na, e.’
“Pero kako, hindi mo puwedeng sabihin lang, may kasamang action yan kako. With what you're doing now, hindi ka pa rin nagbabago.”
Noong January 2023, lumapit si Maegan kay Senator Raffy Tulfo sa programa nitong Raffy Tulfo in Action para humingi ng tulong.
Ibinahagi niya ang pagkakaroon ng hyperthyroidism at dinanas na cardiac arrest.
Hiling niyang magkasundo na sila ng amang si Freddie.
Aniya, “Siguro po, 'Tay, dapat magkaayos tayo at some point. Bago tayo mawala at wala nang chance para ayusin ang lahat.”
