Humingi ng paumanhin ang contestants na sina Ryan Oraño at Lyka Alburo matapos maakusahang nandaya sa "Pinoy Henyo" segment ng noontime show na Eat Bulaga.
READ: Dabarkads, may patutsada sa Pinoy Henyo contestants na nandaya sa game
Pinaratangan ng pandaraya ang magkasintahan dahil kitang-kita sa kamera ang walang tunog na pagbigkas ni Lyka sa salitang "stomach" kaya nahulaan ito ni Ryan.
Si Ryan naman ay nakita rin sa kamera na walang tunog na sumenyas para mahulaan ni Lyka ang salitang "Abra."
Hindi nakaligtas sa matalas na paningin ng televiewers ang mga inasal nina Ryan at Lyka sa Valentine episode ng Eat Bulaga.
Nagdulot ito ng online bashing sa kanila.
Kinabukasan, February 15, naglabas ng saloobin ang Eat Bulaga host na si Joey de Leon tungkol sa isyu.
"Akalain ninyong itong 'Pinoy Henyo,' e, pasukan ng mga mandaraya? Kaya inuulit natin, totoo yan, kahit anong laro pa yan, kapag nandaya kayo, wala nang fun!
"Totoo nga yung pandaraya, may fun, fundaraya. Pero hindi dapat… No cheating," bahagi ng reaksyon ni Joey.
Pati ibang Eat Bulaga hosts ay nagbigay din ng paalala tungkol sa isyung cheating.
Hindi man tuwirang pinangalanan sina Ryan at Lyka ng Eat Bulaga hosts, malinaw na sila ang tinutukoy na contestants na sinasabing nandaya sa "Pinoy Henyo."
RYAN AND LYKA'S STATEMENT
Nakapanayam sina Ryan at Lyka sa Kapuso Mo, Jessica Soho kagabi, February 26, 2023.
Pinanindigan nila na hindi pandaraya ang nangyari.
"Hindi ko po intensyon na sabihin yung word na stomach. Dala lang po ng emosyon, ng intent sa sarili kaya ganoon po nangyari.
"Pasensya na po kung sa tingin niyo may pandadaya na naganap, pero hindi ko po intensyon na mandaya," ang pahayag ni Lyka sa programa ni Jessica.
Lahad pa ni Lyka, "Nung time na umiisyu-isyu na yon, pumapasok po ako sa school. Wala akong pake.
"Iniisip ko na lang mas kilala ko po yung sarili ko kesa mga opinyon ng mga yon kasi kahit ano naman po ang gawin, hinuhusgahan pa rin naman po tayo."
Halos ganito rin ang paliwanag ni Ryan.
Ayon kay Ryan, hindi niya intensyon ang mandaya sa "Pinoy Henyo."
Nagulat din daw siya nang mapanood sa video na tila sumenyas siya kay Lyka para mahulaan ang sagot sa "Pinoy Henyo."
Depensa ni Ryan, “Hindi po ako aware na nasasabi ko po yung word na yon. Parang nate-tense po ako na sana masabi niya po yung pinahuhula po sa kanya.
"Then nung nakita ko po yung video po na yon, nagulat ako kasi nasabi ko po pala unintentionally, kaya inihihingi po namin ng pasensya po.
"Alam po namin lahat ng pagkakamali namin kaya ready po kami na i-bear po lahat yung consequences po sa lahat ng pagkakamali po na nagawa po namin."
Lumuluha naman ang ina ni Ryan na lubos na apektado sa pamba-bash na natatanggap ng anak.
Pakiusap ng ina ni Ryan, "Huwag silang maghusga sa anak ko dahil wala siyang kasalanan. Nabigla lang siya. Nagkamali.
"Ako rin na ina ang humihingi ng tawad sa kanila kung nagkamali yung anak ko.
"Aminin ko, nagkamali siya. Tao lang si Ryan."
Ang matitinding batikos na natanggap nina Ryan at Lyka ang nag-udyok sa kanila para i-deactivate ang mga social media account nila.
Ikinalungkot nang husto ni Ryan na marami ang mga naghuhusga sa kanila.
"Sa mga basher, tumigil na po kayo. Marami na po ang naaapektuhan," apela rin ni Lyka.
RYAN AND LYKA'S PRIZE FROM "PINOY HENYO"
Thirty thousand pesos ang napanalunan nina Ryan at Lyka sa jackpot round ng "Pinoy Henyo" noong February 14 .
Sa kabila ng paratang na nandaya sila, hindi binawi ng Eat Bulaga ang premyo.
Pero tila nabale-wala ang halaga nito nang madungisan nang husto ang reputasyon ng contestants gawa ng "Pinoy Henyo" segment nila na nag-viral sa social media.
Patuloy ding nag-aalburoto ang ibang netizens, na hindi naniniwala sa kanilang paliwanag na hindi sila nandaya sa pagsagot sa mga salitang pinahulaan sa "Pinoy Henyo" ng Eat Bulaga.
MORE HOT STORIES ON PEP.PH:
- Pokwang fumes at ex-partner Lee O’Brian; calls him "inggrato"
- Liza Soberano opens up about people getting “disappointed” with decision to change management
- Hong Kong socialite Abby Choi, 28, karumal-dumal na pinatay, kinatay