Usap-usapan ngayon sa Philippine Twitter ang TV Patrol news anchors na sina Karen Davila, Bernadette Sembrano, Noli de Castro, at Henry Omaga-Diaz.
Ito'y matapos mag-trending ang video clip ng closing spiels nila sa programang TV Patrol nitong Martes ng gabi, February 28, 2023.
Sa video ay mapapanood ang hindi nila mapigilang pagtawa habang idini-deliver ang kanilang closing spiels.
"At yan ang mga balitang... binantayan namin... para po sa inyo. Ako po si Karen Davila," saad ni Karen habang pinipigilan ang kanyang pagtawa.
Humahagikhik namang sambit ni Bernadette, "Ako po si Bernadette Sembrano. Nandito po kami para sa inyo, saan man sa mundo."
"Hay nako. Kaya mo yan," dagdag pa niya, sabay tingin kay Henry.
Hindi rin mapigilang matawa ni Henry na nagawa pang magbabala sa kanyang mga co-anchor.
Aniya, "Makuha kayo sa tingin. Ano mang hamon, ako po si Henry Omaga-Diaz."
Tila nagawa namang magseryoso ni Noli nang sabihin niya ang kanyang spiels matapos punasan ang luha dahil sa kakatawa.
Saad niya, "Ako naman po ang inyong kabayan si Noli de Castro. Maraming salamat at magandang gabi, bayan."
Dahil dito, maraming netizens ang tila na-good vibes sa anila'y "light moment" extro ng mga batikang broadcaster, kahit hindi nila alam kung ano ang dahilan ng pinagtatawanan ng mga ito.
Tweet ng isang netizen (published as is), "Yung hindi mo naiintindihan bakit sila natawa pero makikitawa ka na lang. Hahahaha!"
Saad pa ng isa, "Hahaha..tawang tawa ako kahit di ko alam bat sila nag tatawanan [laugh emoji]."
Request pa ng isa, "Pa-share naman po nung pinagtatawanan niyo."
Agad ding ni-repost ni Bernadette sa kanyang Twitter account ang viral na video clip.
Caption niya rito (published as is), "Ang winner is KABAYAN!"
Hinala tuloy ng netizens, ang sinabi raw ni Noli kay Henry ang dahilan kung bakit sila tawang-tawa.
Bago kasi ang kanilang closing spiels, ini-report ni Gretchen Fullido sa Star Patrol ang viral 2x2 photo ni Gelo, miyembro ng P-pop boy group na BGYO.
Nakasaad sa ulat na kuha pa noong 2022 ang naturang larawan ni Gelo, kaya ikinagulat nito ang biglaang pag-trending ng kanyang mga picture
Marami raw kasi ang pumuri sa anila'y cute na cute na kuha ng P-pop singer.
Hindi nakaligtas sa mapanuring netizens ang report na ito ni Gretchen.
Maririnig kasi sa bandang huli na sinabi ni Noli na mas cute si Henry sa trending na 2x2 picture ni Gelo, na siyang itinuturong dahilan kung bakit sila natawa.
